Chapter 11: Cutting Classes
Nagpaalam si Mary sa kanyang gurong si Ms. Silva upang magtungo sa banyo. Nang nandoon na siya, napansin niyang mag-isang lamang siya roon. Napakatahimik doon at walang maririnig na kahit na anong ingay. Binuksan ni Mary ang gripo upang maghilamos.
Muntik na siyang mapatili nang makita ang sariling repleksyon sa salamin. Ang tubig sa kanyang mukha ay naging dugo. Punong-puno ng dugo ang kanyang mukha. Kinusot niya ang kanyang mga mata sa pagbabakasakaling namamalikmata lamang siya.
Tama, guni-guni lamang pala niya iyon.
Paglabas ni Mary sa banyo ay bigla siyang nakarinig ng sigawan mula sa hallway. Malayo pa lamang siya ay rinig na rinig na niya ang ingay na iyon. Ilang sandali pa'y nakita niya si Ricardo habang tumatakbo. Hinahabol ng mga guwardiya ng kanilang eskwelahan ang binata.
"HOOOOOOY! Tigil!" sigaw ng isang guwardiya.
Hindi lumingon si Ricardo. Patuloy pa rin siya sa kanyang pagtakbo kahit na halata namang hingal na hingal na siya.
"EEEEEEEH!" Napatili si Mary nang hablutin ng binata ang kanang kamay niya. Sa pagkakataong iyon ay sabay na silang hinahabol ng dalawang guwardiya. Gulat na gulat si Mary sa mga pangyayari. Wala na siyang nagawa kundi ang tumakbo na rin kasabay ni Ricardo.
"Bilisan natin, Mary, baka maabutan nila tayo!"
"T-teka, sandali!"
Upang maiwasan ang dalawang guwardiya, napilitan silang magtago sa malalaking halaman na malapit sa labasan ng kanilang paaralan. Nakahinga sila nang maluwag nang tuluyan nang makalampas ang mga humahabol sa kanila.
Hingal na hingal si Ricardo habang hawak niya kanyang dalawang tuhod. "Mabuti na lang hindi nila tayo naabutan."
Samantala, si Mary naman ay naguguluhan sa nangyayari. "Babalik na ako sa classroom natin, may klase pa tayo kay Ms Silva." Dahan-dahan siyang naglakad palayo ngunit agad namang humarang si Ricardo sa kanyang daraanan.
"Sandali, paano ka makakabalik ng school eh nasa labas na mismo tayo ng gate?"
"Puro ka talaga kalokohan, Ricardo. Pati ako idadamay mo sa pagka-cuting mo."
"Hahahaha! 'Wag kang mag-alala. Halika, sumama ka sa'kin."
"Saan?" tanong ni Mary.
"May pupuntahan tayo."
***
"Oh Mary, ice cream, para sa'yo!"
Ngumiti ang dalaga habang inaabot ang ibinibigay ni Ricardo sa kanya. "Salamat."
Nagkatinginan sila. Parehong matamis ang ngiting ibinigay nila sa isa't isa.
Kasalukuyan silang namamasyal sa Manila Zoo. Iba't ibang hayop ang makikita roon kaya naman magandang pasyalan ang nasabing lugar. Maganda ang panahon at hindi masyado mainit ang sikat ng araw. Perpektong araw iyon para mamasyal subalit hindi para sa kanila na nag-cutting classes. Dahil may pasok nang araw na iyon, kakaunti lamang ang makikitang namamasyal.
"Alam mo Ricardo, kung hindi mo lang ako tinangay kanina, nasa school pa rin sana ako ngayon. Pero heto ako, kasama ka at nag-cutting classes," wika ni Mary.
"Pero sa nakikita ko, masaya ka naman ngayon di ba?"
Bahagyang napangiti si Mary. Aminado siyang masaya siya sa kabila ng kanyang pagliban sa iba niyang subject dahil sa mga oras na iyon ay kasama niya ang nag-iisang lalaking kanyang gusto.
BINABASA MO ANG
In Loving Memory Of Mary Cherry Chua
ParanormalThis is a very popular urban legend here in the Philippines. This was made even more popular when the book, True Philippine Ghost Stories(book 2), published the story. Now whether you believe the story or not, is up to you.