chapter 1: Ang Lihim ng 1981

40K 418 51
                                    

Manila University, 1981

May hindi inaasahang bagyong dumating. Napakalakas ng buhos ng ulan. Bahagyang lumiliwanag buong ang paligid dahil sa pagkidlat na may kasamang pagkulog.

Dahil dito, nasuspende ang klase sa lahat ng antas sa nasabing unibersidad. Nakauwi na ang lahat ng estudyante sa highschool maliban sa tatlong mag-aaral na kasalukuyang pang naroon.

Dumidilim na ang paligid dahil maggagabi na rin. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan. Parang wala na itong katapusan. Nasa loob pa rin ng classroom ang tatlong estudyante habang naghihintay na tumila ang ulan.

"Nakakainis! Kanina pa 'tong ulan. Nalimutan ko kasi ang payong ko, hindi tuloy tayo makauwi," wika ni Amy na hindi mapakali sa kanyang kinauupuan. Panay ang silip niya sa bintana.

"Amy, huminahon ka lang at titila rin 'yan," wika ng isang dalagang may suot na salamin. Sa unang tingin ay masasabi nang isa siyang matalinong estudyante. Kasalukuyan siyang nagbabasa ng libro upang malibang. Siya si Mina.

"Kinakabahan na kasi ako. Gabi na oh. Iba na kasi ang kutob ko." Palakad-lakad si Amy at halatang kinakabahan. "Nga pala, si Ricardo, nakauwi na?"

"Oo. Kasama ni Carla kanina di ba?" wika ni Mina.

"Naku, iba na kasi ang kutob ko. Paniguradong hinahanap na ako sa amin." Patuloy pa rin sa pag-aalala si Amy. Lakad dito, lakad doon, sisilip sa bintana at maglalakad ulit. Hindi siya tulad ni Mina na kalmado at tahimik lang habang nagbabasa.

Ilang sandali pa'y biglang bumukas ang pinto ng classroom kung saan sila naghihintay. Isang matandang dyanitor ang pumasok. "Oh...bakit nandito pa kayo? Kayo na lang ang estudyante rito sa school. Bakit hindi pa kayo umuwi? Maggagabi na oh," walang emosyong sabi ng dyanitor. Bakas sa kanyang mukha ang pagtataka dahil may mga estudyante pa palang naiwan sa kwartong iyon.

"Ah...eh...kuya, malakas pa po kasi 'yung bagyo. Okay lang po ba kung dito lang po muna kami hanggang sa tumila na ang ulan?" magalang na tanong ni Mina.

"Sige...pero bawal na kasing manatili sa classroom nang ganitong oras. Delikado na."

"Sige po. Hinihintay pa rin po kasi namin 'yung isa pa naming kasama," sabi ni Amy.

Hindi na nagsalita pa ang dyanitor. Tumalikod na lamang siya at tahimik na umalis. Samantala, muling naiwan sina Mina at Amy sa classroom. Hindi na nila napigilang hindi mangatog sa lamig dahil sa hanging dulot ng bagyo. Kasabay ng nakapangingilabot na hangin ay ang hiwagang biglang naglaro sa isip ng dalawa. Pareho pala nilang napansin ang kakaibang kilos ng dyanitor na kanilang nakausap.

"Ang weird naman ng dyanitor na 'yun."

"Oo nga, parang papatay ng tao eh."

Maya-maya pa ay bigla na lamang kumurap ang mga ilaw. Nabigla ang dalawa at nagkatinginan. Sa pagkakataong iyon ay nakaramdam na sila ng takot at kaba. Bigla silang nakaramdam ng kakaiba at tila ba may hindi magandang mangyayari.

"M-Mina, nasaan na pala si Cherry?"

"Di ba sabi niya,mag-ccr lang siya."

"Ang tagal naman," wika ni Amy.

Nag-aalala na ang dalawang dalaga. Malakas pa rin ang bagyo. Gabi na kaya naman napakadilim na sa kahabaan ng corridor.

Binuksan nila ang switch ng ilaw sa hallway para makita ang kanilang daraanan at upang mabawasan na rin ang takot na kanilang nararamdaman. Sinalubong ng malamig na hangin ang kanilang mukha. Dahan-dahan silang naglakad sa kahabaan ng pasilyo habang magkahawak ang kanilang mga kamay. Lubha silang nagtataka kung bakit hindi na bumalik ang kanilang kaibigan. Nasaan na kaya si Mary Chua?

Nagdadalawang isip man ay napagpasyahan rin nilang umakyat sa hagdan patungo sa third floor ng gusaling iyon.

"Mina ,ano 'yun oh—"

"BOOOM!!!" Isang malakas na kulog ang bumasag sa katahimikan. Bahagya kasing humina ang kanina'y napakalakas na buhos ng ulan. Kasabay noon ay ang paglamon sa kanila ng dilim dahil sa pagkamatay ng mga ilaw. Tila nag-brownout dala ng patuloy na buhos ng ulan.

"EEEHHHHHH!!!"

Takot na takot na napasigaw ang dalawa. Nagtatatakbo sila hanggang marating ang girl's C.R. Hingal na hingal silang huminto at dahan-dahang binuksan ang pinto. Walang katao-tao sa loob. Napakadilim. Bukas ang gripo.

"Cherry..? Cherry..? Mary Chua? Nandyan ka ba? Ang tagal mo naman. May period ka ba?" Nagawa pang magbiro ni Amy para lamang labanan ang takot na kanyang nararamdaman.

"Wala rito si Mary. Malamang naka-uwi na 'yun. Alam mo naman ang babaeng 'yun, ang hilig mang-iwan," wika ni Mina habang pinapatay ang gripo.

Aalis na sana ang dalawa nang may nakita silang pumukaw sa kanilang atensyon.

"Tignan mo, may sariwang dugo rito!" gulat na saad ni Amy. Agad niyang tinakpan ang kanyang mga mata.

"Ano ka ba? Syempre, natural lang 'yan sa girl's C.R. Malamang kagagawan 'yan ng isang burarang babae."

"Pero tignan mo, papunta ang bakas ng dugo sa cubicle na 'yun."

Sinundan nila ang bakas ng dugo. Dahan-dahan nilang binuksan ang pinto ng cubicle kung saan papunta ang dugong kanilang nakita.

Walang pagsidlan ang takot na naramdaman nila nang maaninag ang nasa loob ng cubicle na iyon. Hindi pa man malinaw kung tama nga ang kanilang kutob ay nakaramdam na sila ng matinding pangingilabot.

"BOOOM!!" Isa na namang malakas na kulog ang pinakawalan ng langit. Dahil sa liwanag na nagmula sa kidlat ay naaninag nila nang mabuti ang kabuuan ng banyong kanilang kinaroroonan. Doon sila nagkaroon ng pagkakataong kumpirmahin kung ano ang mayroon sa banyong iyon at kung nasaan na ang kanilang kaibigan.

Isang kagimbal-gimbal na senaryo ang bumungad sa kanila. Duguan at walang buhay nang nakabigti ang kaibigan nilang si Mary Cherry Chua! Halos maligo na siya sa sarili niyang dugo habang ang kanyang mga mata ay dilat na dilat pa.

"EHHH CHERRY DIYOS KO EHHH!!!!!!"

***

Kumalat sa buong university ang balita. Nagsilbing napakalaking kotrobersiya ang nangyari. Gustuhin man ng paaralan na ilihim ang karumal-dumal na pangyayari upang hindi masira ang reputasyon nito subalit hindi rin iyon nanatiling sikreto. Dahil dito, nalugi ang naturang paaralan. Marami sa magulang ng mga estudyante ang mas ginustong ilipat na lamang ang kanilang mga anak para sa kaligtasan ng mga ito. Ito na kasi ang pinakakontrobersyal na balitang kinasangkutan ng nasabing paaralan.

Maraming taon ang lumipas. Ang dating malagim na insidente ay tuluyan nang nahantong sa isang nalimot na kahapon. Marami ang lubusan nang nakalimot samantalng ang iba naman ay nanatili na lamang tikom ang bibig. Sa kabila nito, hanggang ngayon ay isa pa ring malaking misteryo ang pagkamatay ni Mary Chua.

Bumalik ang dating sigla ng paaralan ngunit lahat ng sugat ay nag-iiwan ng marka. Marka na hindi maiwasang muling maalala ng iba.

Sa paglipas ng maraming taon, ang insidenteng iyon ay pinaniniwalaan na lamang ng iba bilang isang kwento. Kwentong nagpasali-salin sa maraming estudyante at istoryang nagpaikot-ikot sa imahinasyon ng marami.

Sa huli, ikaw pa rin ang bahalang humusga kung ang kwentong ito ay kathang-isip lamang, o sadyang may pinagmulan.

Maniniwala ka ba?

O hindi? 

In Loving Memory Of Mary Cherry ChuaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon