Kabanata XII

1.1K 54 14
                                    




Kabanata XII


"Siya nga po pala Senyorita, wala po bang problema sa inyo kung si Susana na muna po ang maggayak sa inyong pampaligo at damit mamayang gabi?" tanong sa akin ni Linda habang inaayos ko na ang aking sarili para sa pag siesta. Kaninang umaga ay sumama ako kay Juancho upang kumain sa labas at mamasyal na din. Simula noong lagnatin ako noong isang linggo ay pinagpahinga na muna ako nina Papa at Mama dito sa bahay.

"Saan ang iyong tungo Linda?" dagdag ko pang tanong sa aking personal na tagasilbi. Kahit minsan ay hindi pa ipinasa ni Linda ang kanyang trabaho sa iba kaya nama'y nakapagtataka na mawawala siya mamayang gabi.

"Pista po kasi ngayon sa Barangay Salacot at inanyayahan po ako ni Tomas dahil may sayawan po mamayang gabi sa may Plaza." nakakaunawa lamang akong tumango at ngumiti kay Linda.

"May susuotin ka na ba? Maaari kang tumingin ng bestida sa aking aparador. Pumili ka lamang at iyong suotin para sa Pista." alok ko kay Linda na ngayo'y mababanaag mo ang kislap sa kanyang mga mata. Ilang taon ko na ding tagasilbi si Linda at wala akong masasabing masama sa kanyang paninilbihan. Siya ay tapat at itinuturing ko na ding kaibigan.

"Napakabait po ninyo talaga aking Senyorita. Sa katunayan po ay nananabik na ako." buti pa si Linda. Pihadong sa mga susunod na araw ay magiging abala na ako sa bahay. Madami pa akong dapat na matutunan sa pag-aasawa. Kahit na gusto ko pang ipagpatuloy ang aking pag-aaral ay pinatigil na ako ni Papa at Juancho. Anila ay dapat kong pagtuunan ng atensyon ang nalalapit na kasal at matuto bilang mabuting maybahay.

Kababata ko si Juancho, simula noon pa ay walang masamang tinapay na maipupukol sa kanya. Bata pa lamang ako ay humahanga na ako sa kanya. Noon pa man ay ini-ukit na sa langit ang pagpapakasal namin. Dahil mapapangasawa ko siya ay dapat kong sundin kung ano man ang kanyang desisyon, kahit pa labag ito sa aking kalooban. Aniya pa ay wala naman daw akong mapapala kung pagpipinta lang din naman ang gusto kong pag-aralan sa kolehiyo. Mag-aaksaya lamang daw ako ng panahon at maaari pa din naman daw akong magpinta habang nangangasiwa sa aming pamilya.

"Madami pong taga bayan natin ang dadayo pa sa Salacot. Bibihira po kasing magkaroon nang ganoong piging para sa aming mga maralita kaya naman po natutuwa talaga ako na inimbitahan ako ni Tomas. Paparoon din po si Jose Luis. Iyon pong hardinero na laging nagdadala ng duhat para sa inyo tuwing hapon?" hindi ko ipinahalata kay Linda na labis niyang napukaw ang atensyon ko nang banggitin niya ang pangalan ni Jose Luis. Noon ay inaalintana ko lamang ang epekto sa akin ni Jose Luis subalit nitong mga nakaraang araw ay napalapit ako sa kanya. Ako kasi ang madalas utusan ni Mama na magdala ng pananghalian para sa mga ubrero. Tumatatak din sa aking isip kapag nag-iiwan si Jose Luis sa kusina ng duhat na siya namang aking paborito.

"Ah. Ganoon ba? Masaya ba ang magpunta sa ganoong piging?" may kung anong ideya ang pumapasok sa aking isip subalit ayaw ko iyong pangalanan. Kailanman ay hindi pa ako sumuway sa aking mga magulang subalit malakas ang tuksong bumubulong sa aking kaibuturan.

"Opo naman Senyorita. May sayawan, kantahan at palaro din po. Hindi po katulad sa mga piging ng maharlikang katulad ninyo subalit nasisiguro kong matutuwa kayo roon." pinaglapat ko ang aking mga labi at pinipigilang sabihin ang nais ko.

"Uhm...m-maaari mo ba akong isama Linda? H-hindi pa kasi ako nakakapunta sa ganoong kasiyahan." Halos mamutla si Linda kaya naman napatawa ako.

"Naku! Hindi po maaari ang iyong nais Senyorita. Pihadong papatayin po ako ni Don Concordio. Hindi po kayo nababagay doon." nagbuntong hininga na lamang ako at tinanguan si Linda.

"Naiintindihan ko. Humayo ka na para makapaghanda ka para mamayang gabi. Kumuha ka na lamang ng bestida sa aking aparador." hindi ko na nilingon pa si Linda at tumagilid na ako. Gusto ko lang naman sanang makasama sa ganoong uri ng kasiyahan. Kapag Pista ng Ildefonso ay mayroon ding piging na iginagayak ang pamilya namin dito sa mansyon. Pagkatapos ng panggabing misa ay dito na din dumidiretso ang mga bisita lalo na iyong mga karatig bayan katulad ng pamilya Andrada.

Falta de AlmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon