Kabanata XIV

949 33 5
                                    



Kabanata XIV

Kagaya nang nakagawian ay alas singko pa lamang ng umaga ay gising na ako. Walang kibo si Linda nang magtungo siya sa batalan upang ihanda ang aking pampaligo. Hindi ko na pinansin iyon dahil kahit ako naman ay wala sa wisyo upang batiin siya. Dapat nga ay magpasalamat ako kay Linda subalit kapag naalala ko ang naging asal niya kagabi ay hindi ko maiwasan ang mangimngim. Kahit papaano ay kailangan ko pa ding magpamataas, ako pa rin ang kanyang senyorita at wala siyang karapatang lumagpas pa doon. Matapat siyang tagasilbi ngunit dapat alam niyang kailanman ay hindi niya ako maaaring ituring na kaibigan.

Suot ang aking kamison ay nagtungo na ako sa aking kama kung saan nakahanda ang aking bestida. Hinahayaan ko lamang si Linda ang mamili sa aking mga susuotin pwera na lamang kung mayroong espesyal na okasyon o piging akong dadaluhan. Mas gusto ko kasi ang magarbong baro't-saya tuwing dumadalo sa isang piging. Ilang beses ko pang pinasadaan sa salamin ng tukador ang aking sarili at napagpasyahan maglagay ng kolorete sa aking mukha gayon din sa aking labi.

Kulang tatlumpung minuto ang naging paghahanda ko sa umagang iyon bago tuluyang pumunta sa kusina kung saan naghihintay na sina Mama at Ate Feliza. Alam kong tungkulin ko bilang babae ang matuto sa mga gawaing bahay subalit napapansin ko ang paggaspang ng aking mga palad. Bilang babae at mula sa kilalang pamilya ay napagtanto kong dapat ay bawasan ko na ang pagtulong sa bahay. Siguro ay mas pagtutuunan ko na lamang ng atensyon ang pagsusulsi, gantsilyo at pagpipinta. Hindi magagawa ni Juancho ang mag-trabaho ako sa bahay gayong madami naman silang tagasilbi.

"Magandang umaga po, Mama y Ate Feliza." Bati ko sa dalawa sa masiglang boses. Hindi ko akalain na makakatulog pa ako ng mapayapa pagkatapos ng nagdaang gabi. Dala na rin siguro ng pagod ay nakatulog agad ako pagkahiga sa aking kama. Kaninang paggising ay inisip ko pa kung panaginip ba ang lahat o talagang nakasama at nakausap ko na sa wakas si Jose Luis. Napangiti pa ako lalo nang maisip na ako ang maghahatid mamaya ng almusal para sa mga ubrero. Paniguradong naroon si Jose Luis. Magkakausap na naman kami. Napayuko ako at hinawakan ang namumula ng pisngi.

"Magandang umaga din sa iyo aking kapatid. Batid kong maganda ang iyong gising ngayon. Dahil ba ito sa naging date ninyo ni Juancho?" mapanuksong tanong ni Ate Feliza habang tinutulungan si Mama sa pagtitimpla ng kape. Naging hilaw ang aking mga ngiti dahil maling pangalan ang binanggit ni Ate Feliza. Sanay na ako na lumalabas kami paminsan-minsan ni Juancho, wala ng bago sa akin doon. Madalas ay sinasamahan niya akong manood ng sine sa karatig bayan, kumakain sa labas o kaya naman ay ipamili ng mga bagong bestida at materyales sa pagpipinta. Sa tagal nang pagkakakilala naming ni Juancho ay madalas ay nababagot na ako sa aming mga pinag-uusapan. Madalas ay hinggil sa negosyo, lupain, pagsasaka, pulitika, pag-aaral niya at higit sa lahat ang hinaharap naming dalawa bilang mag-asawa. Hindi na siya makapaghintay na maikasal kaming dalawa. Gusto ko si Juancho, at may kamalayan naman akong malaki ang maitutulong ng mga Andrada sa nalalapit na eleksyon. Nais ni Papa na tumakbo sa pulitika at isa pa'y ilang beses na nalugi ang aming mga ani dahil sa mga peste o kaya naman sa malakas na unos.

"Ganoon na nga iyon Feliza. Hayaan mo at ipapaalala ko sa iyong Papa ang iyong pagpapakasal." Ani Mama. Yumuko si Ate Feliza at namula. Maraming nanliligaw sa kanya subalit wala akong natatandaang may pumukaw sa kanyang atensyon. Kung mayroon man ay alam kong magsasabi siya sa akin.

"Ayos lang po sa akin Mama kung si Alma ang maunang ikasal kahit pa siya ang bunso ng pamilya." Tipid akong ngumiti at hindi na pinansin pa ang pag-uusap nila Mama at Ate Feliza. Bagama't tumulong na lamang ako sa pagbabalot ng kanin at ulam sa dahon ng saging. Buong ingat ko iyong ginawa, sa kaalamang isa si Jose Luis ang kakain nito. Isa-isa ko itong inilagay sa bilao. Hindi ko maiwasan ang mapangiti. Sa araw-araw ay ito ang lagi kong inaabangan, simpleng interaksyon o palitan lamang ng mga ngiti ay sapat na sa akin.

Falta de AlmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon