Kabanata XIIIAbot tainga ang mga ngiti kong nang bumaba ako sa may dyip. Mag-aalas dose nang umalis kami sa sayawan kasama sina Jose Luis, Linda at Tomas. Hindi ko lang maiwasang mapataas ang kilay kapag napapansin kong masyadong malapit si Jose Luis kay Salvacion, iyong isang tagasilbi sa Hacienda Vergara, isang hacienda rin sa San Ildefonso. Masasabi kong maganda siya para sa isang tagasilbi subalit alam kong hindi pa rin nito mapapantayan ang ganda at ang pino ko.
Gusto mang mag boluntaryo ni Jose Luis na ihatid kami sa mansyon ay tumanggi na lamang ako at nagpababa na lamang sa bukana ng aming hacienda. Ayokong mapahamak pa siya at hindi magandang tingnan na inihahatid ako ng isang lalaki lalo na't malalim na ang gabi. Kapag kami ni Linda ay maaari kong sabihin na naglakad-lakad kami sa dahilang hindi ako dalawin ng antok.
"Paalam. Salamat sa inyong lahat." Nakatuon ang aking mga mata kay Jose Luis na nakangiti rin sa akin ngayon. Hindi ko makakalimutan ang gabi na ito. Parang isang panaginip. Nakapag-usap at nagsayaw kami ni Jose Luis. Pakiramdam ko'y para akong hinehele.
"Sana ay nasiyahan ka ngayong gabi Alma." Wala sa sariling napatango ako. Kapag naririnig ko ang baritono ngunit malumanay na boses ni Jose Luis ay para ba akong nahihipnotismo. Nawawalan ako nang kakayahang mag-isip at ang tanging naririnig ko na lamang ay ang tambol sa aking puso. Nakakabingi.
"Siya nga naman Alma, kapag sa susunod na piging ay iimbitahan namin si Linda. Sumama ka rin. Ikinagagalak ka naming makilala." Mahinhin na sabat ni Salvacion. Iwinaksi ko na lamang ang pagtaas ng aking kilay at tinanguan siya.
"Huwag ninyo siyang sanayin. Naku Senyorita, baka mawili kayo." Inismiran ko naman si Linda dahil sa huli niyang sinabi. Pabulong lamang iyon. Sinisigurado ko na hindi ito ang huling beses na makakasama ko si Jose Luis. Gagawa ulit ako ng paraan. Nagpaalam na muli ako sa kanilang lahat bago sila tinalikuran at inaya na si Linda na maglakad patungo sa mansyon. Maaari na kaming dumaan sa likod pinto dahil paniguradong tulog na ang lahat ng mga tao, maski ang mga katiwala.
"Sino ka Linda para pangunahan ako? Sasama ako sa inyong mga lakad. At huwag na huwag mong itatago sa akin kapag nakatanggap ka ng imbitasyon mula sa kanila." Asik ko kay Linda habang nangunguna sa paglalakad. Ayokong sirain ang magandang gabng ito subalit hindi ko nagustuhan ang inasta ni Linda kanina. Baka mamaya ay isipin nina Jose Luis na ayokong sumama sa kanila dahil lamang sa maharlika ako.
"Pasensya na po, Senyorita. Subalit malilintikan po ako kapag nahuli tayong dalawa." Napahinto ako sa aking paglalakad at binalingan si Linda. Hindi ko na inalintana ang lamig kahit gusto kong manginig. Matatapos na ang Nobyembre at nalalapit na ang pasko.
"Ano naman? Ako naman ang amo mo, ako ang iyong senyorita. Linda, mabuti ako sa iyo subalit hindi porke't nasa harap tayo ng ibang mga tao ay ganoon ka na magsasalita sa harap ko. Malapit ka sa akin ngunit huwag mong kakalimutan ang estadong nasa pagitan nating dalawa. Anak ako ng isang haciendero samantalang tagasilbi lamang kita. Wala kang karapatang tanggihan ang mga utos ko." Nakaawang ang bibig ni Linda na para bang hindi siya makaapuhap ng tamang salitang kanyang bibitawan. Hindi ako madalas magalit ngunit sadyang nainis lang talaga ako sa kanyang ginawa kanina.
"Iyon po ang hindi ko maintindihan, Senyorita Alma. Totoo pong malayo ang agwat nang ating estado subalit bakit gusto ninyo pong makihalubilo sa aking mga kaibigan? Lahat po kami ay anak lamang ng magsasaka o kaya'y tagasilbi sa mansyon." Ngayon ay ako naman ang napawaang ang bibig. Anong karapatan ng ingrata na ito na usigin ako nang ganito?
"Dio! Hindi ka pa magpasalamat na ang isang katulad ko ang nakikipagkaibigan sa inyo. Ang bumababa sa inyong antas para lamang maging kaibigan kayo. Hindi ako makapaniwala!" singhal ko kay Linda. Taas-baba ang aking dibdib sa matinding inis at padarag na naglakad na pauwi sa mansyon.
BINABASA MO ANG
Falta de Alma
Historical FictionKamamatay pa lamang ng katawan ni Alma at dahil sa matinding hinagpis ni Conchita ay napilitan siyang gawin ang isang bagay na matagal na niyang tinalikuran. Ang pagtawag sa kaluluwa ng namayapa. Nang manumbalik ang buhay ni Alma ay gayon na lang a...