Kabanata XVI
"Alma, mamayang alas singko ng hapon ay tutungo tayo sa simbahan para sa nobena at misa." Ani Mama nang maabutan ko siya sa azotea at nakikinig sa paborito nitong dula-dulaan sa radyo.
"Sino po ang maghahatid sa atin? Sina Papa, Kuya at Dikong ay may dadaluhang pagtitipon hinggil sa pagsasaka."
"Nariyan si Jose Luis, hindi ko na muna pinatulong sa bukid. Diyan na lamang siya pansamantala sa hardin, tutal ay mas maaasahan naman siya kumpara sa ibang utusan." Nang marinig ang pangalan ni Jose Luis ay nawala ang mabigat na pakiramdam sa aking dibdib.
Pagsapit ng alas kuwatro y media ay nagpalit na ako ng baro't saya at ang aking belo. Pagbaba sa may sala ay naroon na rin sila Mama at Ate Feliza na kapwa rin naka puting belo. Kulang tatlumpung minuto lang ang biyahe patungo sa simbahan ng San Juan de Dios, sa bayan nila Juancho. Iyon ang pinakamalaking simbahan sa San Rafael. Mayroon din dito sa San Ildefonso subalit isang kapilya lamang, kaya naman dumadayo pa kami sa San Rafael upang magsimba, kung saan nakakasama din namin ang pamilya Andrada.
Nagpatiuna na akong lumabas sa mansyon upang makausap si Jose Luis. Paglabas ko ay naroon na sa tapat ng mansyon ang kotse naming gayundin si Jose Luis na nakayuko at mukhang may malalim na iniisip. Ano naman kaya ang iniisip niya kung gayon?
"Jose Luis." Pukaw ko sa atensyon ni Jose Luis.
"Senyorita." Gitla naman niya.
"Labis po akong nag-alala. Ang sabi po kasi ni Linda ay nagkaroon kayo ng pagtatalo ni Senyorito Juancho. Humihingi po talaga ako ng pasensya. Patawad po talaga." Pagpapakumbaba ni Jose Luis habang nanatiling nakayuko.
Bakit ayaw niyang tumingin sa aking mga mata? Nabanaag ko kanina na para bang may anino ng pasa sa kanyang mukha kaya naman dali-dali akong nilapitan si Jose Luis. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang malaking pasa sa kanyang mukha. Napaiwas pa siya nang tangka kong hawakan ang kanyang mukha.
"Dios mio, Jose Luis! Napaano iyan?" kutob kong si Juancho ang may kagagawan nito. Mabilis na nagbalik ang ngitngit sa puso ko. Hindi ko akalain na pagbubuntunan niya ng galit si Jose Luis dahil sa pagtakas ko kagabi. Hindi pa ba sapat ang pananakit niya sa akin kanina?
"Nagkatuwaan lamang po kami ng mga kaibigan ko." Napairap ako. Nagkatuwaan? Saan? Sa pagbabasag ulo?
"Hindi ko mapapatawad si Juancho sa ginawa niya sa iyo." Pirmi kong saad.
"Por Dios! Anong nangyari sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Ate Feliza nang makalapit siya sa amin. Sa likod niya ay si Mama na hindi na nagulat sa nadatnan.
"Wala lang po ito. Halina po kayo, mahuhuli na po kayo para sa nobena." Dali-daling pinagbuksan kami ni Jose Luis ng pinto, si Mama ay sa tabi naman niya naupo.
Tahimik lamang ako sa buong biyahe patungo sa simbahan. Ngitngit ang nararamdaman ko para kay Juancho. Paano niya iyon nagawa sa pobreng si Jose Luis? Nang makarating sa simbahan ay naabutan namin si Donya Mercedes o mas kilalang Donya Sedeng, ang ina ni Juancho at ang ampon ng mga Andrada na si Helga. Nagpapasalamat akong wala si Juancho ngayon dahil baka hindi ko mapigilan ang sarili ko. Marahil kasama rin iyon nina Kuya at Dikong sa pagpupulong, katuwang ng mga ama namin sa kanya-kanyang hacienda.
"Kamusta ka na, hija?" tanong sa akin ni Donya Sedeng at hinaplos pa ang aking pisngi.
"Maayos na po. Subalit pinagpapahinga pa rin po ako nila Mama at Papa nang sa gayon ay mas makabawi pa ng lakas." Magalang kong tugon.
BINABASA MO ANG
Falta de Alma
Historical FictionKamamatay pa lamang ng katawan ni Alma at dahil sa matinding hinagpis ni Conchita ay napilitan siyang gawin ang isang bagay na matagal na niyang tinalikuran. Ang pagtawag sa kaluluwa ng namayapa. Nang manumbalik ang buhay ni Alma ay gayon na lang a...