Kabanata XV
Tahimik kong tinititigan ang kaliwang braso ko kung saan nagmarka ang marahas na hawak sa akin ni Juancho. Mamula-mula iyon sa aking maputlang kutis. Nasisiguro kong magpapasa ito kinabukasan. Kahit masama ang loob ko sa pagbubuhat niya ng kamay sa akin ay nagawa ko pa ding sumalo sa kanya sa almusal kasama ang aking mga magulang. Tahimik lamang ako sa durasyon ng almusal at hindi sumali sa kanilang usapan. Magiliw na nakipag-kwentuhan si Juancho sa kanila na para bang walang nangyayaring pagtatalo sa pagitan naming dalawa.
Bibihira lamang magalit si Juancho. Kilala ko siya bilang mabait at mapagpasensyang lalaki at napagbubuhatan lamang niya ako ng kamay kapag nasasagad ko na ang pisi ng kanyang pasensya. Mali man ang pananakit niya ay hindi ko naman maaatim na sagutin siya. Lalaki siya..babae lamang ako. Lumaki ako sa pamilyang ang mga lalaki ay mas mataas sa mga babae, na kaming mga babae ay mahina at hindi makakapagdesisyon nang hindi sumasangguni sa kapamilyang lalaki. Maaaring si Papa o ang mga kapatid kong lalaki ang may pasya sa lahat ng desisyon para sa aking sarili gayundin sina Mama at Ate Feliza. Ang pag-alis sa bahay ay walang awtoridad si Mama dahil maski siya ay kailangang magpaalam kay Papa o kay na Kuya Primotivo at Kuya Perfecto. Kahit mga anak pa ni Mama ang mga ito, ay mas may awtoridad ang mga ito higit sa kanya dahil simple lang ang dahilan...lalaki sila.
Sa labinwalong taon ko sa mundo ay sa tatlong lalaki ako dapat na sumunod. Kulang na lamang ay pati paghinga ko ay sila ang magpasya. Kapag naikasal na ako kay Juancho ay madadagdagan na naman iyon. Katwiran ni Papa ay ang mga babae ay pabago-bago ang isip at masyadong emosyonal, kaya kailangan nito ng lalaki para sa pagpapasya, dahil aniya ang mga lalaki ay may konkretong pag-iisip at desisyon.
Hindi ako naging maingat. Sino nga naman ang hindi makakakilala sa akin? Ang asul na bestidang suot ko kagabi ay kahit sinong dukha ay walang mangangahas bumili dahil sa mahal din niyon. Nang makatabi ko pa sina Salvacion at Linda ay mas lalong tumingkad ang garbo ng aking kasuotan. Pinili ko ang pinaka simple kong bestida subalit hindi pa rin nito naikubli ang karangyaan ko. Ngayong nahuli ako ni Juancho ay nawalan na ako ng pag-asa na makasama pang muli si Jose Luis. Iyon na yata ang una at huli. Sa susunod ay manghihiram na ako ng lumang bestida kay Linda o kaya naman ay baro't-saya.
"Sus ginoo. Senyorita!" nakaupo ako sa aking kama nang maabutan ako ni Linda. Naibagsak niya ang dala-dalang bayong. Nang malaglag ito ay gumulong ang ilang piraso ng mga duhat. Agad niyang napansin ang paghilot ko sa aking braso at mabilis na dumalo sa aking tabi. Napaluhod siya sa aking paanan habang nag-aalalang pinagmamasdan ang unti-unting nangingitim na pasa sa aking braso.
"Sinaktan na naman po kayo ni Senyorito Juancho?" garalgal ang boses ni Linda. Pinaghalong awa at pag-aalala ang nahimigan ko sa kanyang boses. Nanggilid pa ang kanyang mga luha. Kapag nagtatalo kami noon ni Juancho at hindi nito maiwasan ang manakit ay kung hindi ako ang pinagbubuhatan niya ng kamay ay si Linda naman.
Kapag nariyan si Linda ay ito ang pinagbubuntunan ng galit ni Juancho para lamang maiwasan akong saktan. Ayoko mang madamay si Linda ay lihim akong nagpapasalamat dahil nakakaligtas ako sa mga sampal at haklit ni Juancho. Ayaw na ayaw ni Juancho ang sinusuway siya at pinagsisinungalingan. Kasalanan ko din naman ang lahat ang naging mga pagtatalo namin. Wala akong maipipintas pa kay Juancho. Masyado lang siguro akong isip bata kaya naman kung minsan ay hindi maiwasang suwayin ko siya. Subalit kailanman ay hindi ko siya pinagtaasan ng boses o sinagot. Hinding-hindi ko magagawa 'yon. Babae ako. Kailangan ay panatilihin ko ang aking pino. Ang isang mahinhin at pinong babae ay kailanman ay 'di nagtataas ng boses at tahimik lamang. Kahit nasasaktan, nagagalak o nagagalit ay dapat mapanitili ang komposisyon.
BINABASA MO ANG
Falta de Alma
Historical FictionKamamatay pa lamang ng katawan ni Alma at dahil sa matinding hinagpis ni Conchita ay napilitan siyang gawin ang isang bagay na matagal na niyang tinalikuran. Ang pagtawag sa kaluluwa ng namayapa. Nang manumbalik ang buhay ni Alma ay gayon na lang a...