Kabanata 2

18.2K 652 38
                                    

NANLULUMONG sumalampak si Ada sa kanilang sofa na yari sa kawayan. Halos baliktarin na niya ang buo nilang bahay kakahanap ng pera. Lahat ng naalala niyang pinagtaguan niya ng mga ipon ay hinalughog niya na rin. Ngunit maliban sa tatlong daang piso na natagpuan niyang nakasuksok sa pinakaloob-loob ng luma nilang orocan ay wala na siyang nakita pa.

     “O, Ate, para ka namang pinagsalukban ng langit at lupa sa hitsura mo. May problema ka ba?” tanong ni Badet, ang pangalawa sa kanilang magkakapatid.

     Kailan ba siya nawalan ng problema?

     Isinandal niya ang likod sa malamig na dingding at ipiniling ang ulo sa direksiyon ni Badet. Hindi niya alam kung papaano niya sasabihin dito na wala siyang pambayad sa tuition nito sa susunod na semestre. Nasa ikatlong taon na ito ng kolehiyo at isang taon na lamang ay matutulungan na siya nito sa mga pangangailangan. Noong una’y gusto nitong bokasyunal na lamang ang kunin para hindi na siya mahirapan pa, pero talagang desidido siyang igapang ang apat na taon nito sa kolehiyo.

     Isa iyon sa mga bagay na ipinagkait sa kaniya ng tadhana kaya gusto niyang maranasan ng dalawang kapatid. Malaking sakripisyo nga lang din iyon sa parte ni Ton-ton dahil dapat ay nasa unang taon na rin ito ng kolehiyo. Hindi naman ito nagreklamo nang pakiusapan niya ito na tumigil muna upang paunahin si Badet na makatapos dahil talagang hindi niya kayang pagsabayin ang dalawa. Hindi naman niya binabayaran nang buo ang tuition fee ni Badet dahil kabilang ito sa mga skolar ng kanilang mayor, pero hindi pa rin sapat ang tatlong daan para sa gastusin nito.

     ‘Tapos ay mag-a-apply pa siya ng trabaho. Paano niya pagkakasyahin ang perang hawak niya para sa kanilang apat?

     Lord, ano po ba ang gagawin ko? Malapit na ‘ata ako mabaliw, lihim niyang dasal.

     “Nagugutom lang ‘yan,” rinig niyang sabi ni Ton-ton. Pinatay nito ang kalan at excited na inilipat sa platito ang ininit na giniling na bigay nina Nova kagabi. Umupo ito sa bangkitong katapat niya at nagsandok ng kaning lamig. “Tara, kain.”

     Imbes na sagutin ang tanong ni Badet ay ipinikit niya ang mga mata. “Si Nanay nga pala?” Habang nagkakalkal kasi siya kanina ay bigla na lamang itong naglaho.

     “Malamang ay naghahanap ‘yon ng puwedeng gawing raket habang bakante ka pa,” kandamuwal-muwal na sabi ni Ton-ton.

     Napahilamos si Ada sa kaniyang mukha. Kung siya lang ang masusunod, hindi niya gustong nakikita na nagtatrabaho ang kanilang ina. Kinausap niya na ito no’ng isang araw hingil doon ngunit kung hindi raw ito kikilos, mamatay sila sa gutom.

     Dumilat siya at saka nagsandok ng giniling gamit ang kutsara ni Ton-ton. “Puwede pa ba tayo kumuha ng panibagong promissory note para sa tuition mo, Badet?”

     Kahit hindi siya direktang nakatingin sa dalaga ay kita niya ang paglungkot ng anyo nito. “E, ang kaso, Ate, hindi mo pa nababayaran nang buo ‘yong huling dalawang installment. Hindi na nga nila ako pinayagang makapag-exam on time no’ng huling beses.”

     “Hindi ba’t pinakiusapan n’yo na ni Ate ‘yong school tungkol d’yan?” singit ni Ton-ton. “Ano ba’ng sabi?”

     “Hindi sila pumayag. Hangga’t hindi ako nakakapagbayad ng balance, hindi nila ako puwedeng bigyan ng panibagong promissory,” ani Badet.

     Tumayo si Ada at nagpaikot-ikot sa maliit na espasyo na nakapagitan sa kanilang sala at kusina. Ipinatong niya ang dalawang kamay sa kaniyang bumbunan at saka nag-isip ng iba pang paraan para hindi maantala ang pag-aaral ng kapatid.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon