“ANO?” Tama ba ang dinig ni Ada? Marry? O baka naman Merry Christmas talaga ‘yon, tutal naman ay magpapasko na? Wala sa loob na tinusok-tusok ng dalaga ang magkabila niyang tainga. Siya yata ‘tong nabibingi, eh. Kung ano-ano na naririnig niya.
“Sabi ko, pakasalan mo ako,” mabagal na ulit ni Brent.
Tuluyan nang napatanga si Ada sa binata. “K-kasal?”
“Yes, kasal. As in, magiging asawa kita, ‘tapos bubuo tayo ng pamilya.” Punong-puno ng kasiguraduhan at sinseridad ang boses nito.
Parang biglang sumakit ang ulo niya sa pinagsasabi ng binata. “Naririnig mo ba sarili mo? Anong . . . anong kasal sinasabi mo riyan? Okay ka lang? Nababaliw ka na yata, eh.”
Lalo nitong inilapit ang mukha sa kaniya. Naroon pa rin ang mapaglarong ngiti sa mga labi nito. “Yeah, nababaliw sa ‘yo.”
Ay, letsugas! Pinuno niya ng hangin ang dibdib at saka muling kinalma ang sarili. “Señorito, hindi naman porque mahal ko kayo, eh, puwede n’yo na akong paglaruan nang paglaruan. Nasasaktan din naman ako. Pinipilit kong huwag umasa, pero ang hirap-hirap magpigil kung ganiyan kayo nang ganiyan.”
Nagbago ang ekspresiyon ng mukha nito. Tumiim. “Sino ba nagbigay sa iyo ng idea na pinaglalaruan kita? Na pinapaasa kita? Damn, I’ve never loved any woman as much as I love you!”
“Huwag kang sumigaw! At puwede, huwag ka rin ingles nang ingles d’yan? Hindi gano’n kalawak bokabularyo ko! Mamaya niyan, minumura mo na pala ako nang wala akong kaalam-alam.”
Napasapo si Brent sa noo, hindi malaman kung matatawa o maiinis. “Sorry, sorry,” kapagkuwa’y malumanay nitong turan. “It’s just that—ah, I mean, hindi ko lang kasi maintindihan. May nagawa ba ako na ikinagalit mo? Sabihin mo na kasi para maipaliwanag ko ‘yong side ko kung ano man ‘yon. Ang hirap manghula.”
“Puwede ba, Señorito? Hindi ko alam kung bakit pinapaandaran mo pa ako ng ganiyan samantalang may Caitlin ka na. Bakit? Hindi mo ba naisip kung ano mararamdaman niya? Hindi ba't sabi mo, nagbago ka na?”
Kumunot ang noo nito. “Papaano napasok si Caitlin sa usapan? At ‘yon ba talaga ang akala mo? Na pinagti-trip-an lang kita?”
“Eh, alam ko naman kasing si Caitlin ang talagang gusto mo. Sino ba naman ako para piliin mo, ‘di ba?”
“What?” tila nagugulumihanan nitong sambit. “Kung siya ang gusto ko, bakit ako nandito? And hell, Ada, hindi kita ginagawang option kung ‘yan ang iniisip mo.”
“Huwag mo nang i-deny. Kitang-kita na ng dalawa kong mata. Magkasama kayo ni Caitlin kahapon sa Bistro & Coffee. Nagde-date kayo. ‘Sweet-sweet n’yo pa nga, eh. Oh, ano, itatanggi mo pa ba?”
Hindi agad ito sumagot, tila ba ina-absorb muna lahat ng sinabi niya. Maya-maya’y ngumiti na naman ito nang nakakaloko, parang nang-iinis na ewan. “So ‘yon ang dahilan kung bakit ka nagkakaganiyan? Well, kung ‘yon nga, talagang itatanggi ko. Sweetheart, hindi ‘yon date.”
Natigilan siya. Hindi?
“Hindi lang kaming dalawa ni Caitlin ang pumunta roon. Kasama rin namin mga kapatid ko,” patuloy nito. “Sana nilapitan mo kami. Nandoon lang si Kuya Trent sa may bar, kausap ‘yong may-ari pati ‘yong head pastry chef ng Bistro & Coffee. Si Lauren naman nasa banyo lang. Pumunta kami roon kasi naghahanap kami ng gagawa ng cake ni Lola Luzia. Alam mo naman na birthday ni Lola next week, right?”
BINABASA MO ANG
DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)
RomanceCOMPLETED ✔️ ⭐️ A RomancePH official "Kilig All Year 'Round" read. DAYLIGHT IN SAN GUEVARRA MINI SERIES BOOK 1 Umpisa pa lamang ay hindi na maganda ang impression na naiwan ni Ada kay Brent Esplana. Papaano'y disaster ang una nilang encounter; hin...