Kabanata 17

11K 539 38
                                    

B-BAKA NAMAN puwedeng hindi na? Makikita rin naman nila ako bukas, eh,” pakiusap ni Ada kay Lauren nang ipagtulakan siya nito papunta sa komedor kung saan mauulinigan doon ang boses nina Don Alonzo at Sir Felix.

     Aminado naman siya na talagang maganda at bumagay sa kaniya ang dilaw na bestida, pero kung alam lang niya na balak pala siyang iharap ni Lauren sa loloʼt tatay nito na ganoon ang suot, sana ay pinagpilitan niya na lang na hubarin iyon. Ang kaso, ang mga lukaret, “naiwan” daw sa mall ang kaniyang uniporme. Iyon kasi ang suot niya kanina. Pati nga tsinelas niya ay hindi niya na rin alam kung saan na napunta.

     “Nakakahiya!” pagtutungayaw niya. Ano na lamang ang iisipin sa kaniya ng mga ito?

     “Hindi naman puwedeng kami lang ni Caitlin ang makakakita sa fresh mong transformation ngayong araw, ‘no. At saka, nangako ako kay Lolo na ipapakita kita sa kaniya pagkabalik natin. He funded this, you know.”

     Napatigil si Ada sa paghatak sa laylayan ng suot niyang bestida, “F-fund as in, siya ang gumastos . . . nito?”

     “Yap! No’ng sinabi namin sa kaniya na gusto ka naming i-makeover, he gave us his card without a blink. Hindi naman namin hinihingi.”

     Nagtaka siya. Pero bakit siya gagastusan ng don? Isa lang naman siyang hamak na katulong. Masyado itong mabait sa kaniya. Paano niya kaya mababayaran ang lahat ng utang na loob niya rito?

     Napapitlag si Ada nang pumalakpak si Lauren at muling humawak sa magkabila niyang balikat. “Now, let’s go! I’m excited!”

     “T-teka, t-teka.” Kumapit siya sa dingding at halos ibaon ang suot na sandals sa marmol na sahig upang hindi siya matinag. “H-hindi ba muna natin hihintayin si Caitlin?”

     Nakapamaywang itong humarap sa kaniya. “Kung hihintayin natin si Caitlin, aabutin tayo ng pasko. She’s talking to her parents, and I’m telling you, magdamagan ‘yon. Kaya halika na, h’wag ka nang mahiya!”

     Sunod-sunod siyang napalunok. Lahat na yata ng Santo na kilala ni Ada ay tinawag na niya sa kaniyang isip. Lihim niyang hiniling na sana ay wala nga roon si Brent. Ngunit nagamit na niya yata lahat ng kaniyang suwerte ngayong araw dahil pagkahatak na pagkahatak sa kaniya ni Lauren, si Brent mismo ang unang-una niyang nabungaran.

     Tatalikod sana siya ngunit nabasa yata ni Lauren ang kaniyang isip dahil maagap nitong s-in-ecure ang magkabila niyang braso at agad na tinawag ang atensiyon ng mga naroroon animo may napakahalagang anunsiyo.

     “Oh, hey, princess. Saan kayo galing?” tanong ni Sir Felix sa anak. Nilipat nito ang tingin sa kaniya, “at bakit lalo yatang gumanda si Caitlin?”

     Nag-init ang mga pisngi ni Ada.

     Pumalatak si Lauren. “‘Pa, hindi ‘to si Caitlin, ‘no! Dapat ka na yata talaga magpagawa ng salamin. You can’t even recognize my friends.”

     Maski naman din si Ada ay hindi agad nakilala ang sarili. Halos kalahating oras niya yatang pinakatitigan ang sarili niya kanina sa salamin para masigurong hindi siya dinadaya ng kaniyang mga mata.

     Ang itim na itim niyang buhok ay b-in-leach ni Pepper at tininahan hanggang sa maging kakulay iyon ng malabnaw na tsokolate. Napakalambot na rin niyon at bagsak na bagsak hanggang sa kalahati ng kaniyang likod. Ginupitan rin siya ni Pepper at nilagyan ng kaunting bangs para naman daw bumata ang hitsura niya. Pina-wax din nina Lauren at Caitlin ang lahat ng buhok niya sa katawan kaya mamula-mula pa ang kaniyang balat at lalo iyong nagmukhang makinis.

     Baka kapag umuwi siya sa kanilang bahay ay maglabas ng balisong ang kaniyang ina dahil tiyak na mapapagkamalan siya nitong ibang tao.

     Narinig niya ang pagtikhim ni Don Alonzo sa kabilang bahagi ng lamesa. “I think I know her, pero hindi ako sigurado.” Sinalat-salat nito ang sariling baba na wari’y nag-iisip. Kapagkuwan ay bumaling ito kay Brent na prenteng nakaupo sa tabi ng ama nito. “How about you, hijo? Namumukhaan mo ba siya?”

     Hindi malaman ni Ada kung saang direksyon niya ipipiling ang ulo maiwasan lang ang tingin ni Brent. Ramdam na ramdam niya ang pagsayad ng mga mata nito sa kaniyang mukha pababa sa kaniyang katawan. Gusto niyang yakapin ang sarili at tabunan ang dibdib na bahagyang nakasilip ngunit magmumukha naman siyang ewan no’n.

     “No, but I’d love to get to know her,” maya-maya’y usal ni Brent. Lumamlam ang mga mata nito at tila wala sa sariling naglakad palapit sa kaniya. “Hindi ko alam na marami palang nagtatagong magagandang dilag dito sa San Guevarra. Hi, I’m—”

     Nandidilat na tinabig ni Lauren ang palad ng kapatid nang akmang makikipagkamay ito sa kaniya. “Oh, please! Akala ko ba sinusubukan mo nang magbago? Gusto mo bang isumbong kita kay Caitlin, ha?”

     Nahulas ang ngiti ni Brent. “I’m just being friendly!”

     Hinila siya ng dalaga palayo sa binata. “Friendly your ass.”

     Wala sa loob na napahawak si Ada sa kaniyang pisngi. Manipis lang naman ang kolorete na inilagay sa kaniyang mukha, pero talaga bang ganoon kalaki ang ginanda niya para hindi siya nito makilala?

     Ibig sabihin ay mukha talaga akong bruha sa paningin niya no’n?

     “Everyone,” muling tawag ni Lauren sa atensiyon ng abuelo at ama, “meet Ada version 2.0!” Iminuwestra pa nito ang dalawang kamay sa kaniyang kabuuan. “Tadaa!

     “Shit!” Kamuntikan nang mabuga ni Brent ang iniinom na juice. Namilog ang mga mata nito. “What?!”

     Tumawa si Sir Felix at pumihit sa binata. “Close your mouth, young man. Pasukin ‘yan ng langaw.”

➶ ➷ ➸ ➹


ALAM ni Ada na sa oras na umakyat na ang mga Esplana sa kani-kanilang mga silid ay tapos na ang maliligaya niyang sandali.

     Hindi nga siya nagkamali.

     Agad siyang pinagalitan at binungangaan ni Mrs. Kaya. Kasalanan niya rin naman. Hindi kasi siya nakapagpaalam dito kanina dahil minamadali siya nina Lauren at Caitlin na umalis. Nawala rin sa isip niya na mayroon pala siyang mga damit na dapat labhan para bukas. Tuloy ay uuwi na lang siya ay kailangan pa niyang humabol ng labahin.

     Nanghihinayang man siya sa bagong pintura na mga kuko, kailangan niyang isabak iyon sa matinding kusutan. Sa lahat din ng naglalaba, siya lang ang nakasalampak sa kahoy na bangkito kahit nakasuot ng bestida.

     Hihiram sana siya ng pambahay kay Lauren pero masyado na siyang nahihiya rito. Isa pa ay siya na lang ang naiwan doon at saka iyong mangilan-ngilan pang mga kasambahay na kaedaran ni Mrs. Kaya. Hindi kasi sila stay in katulad ng mga ito kaya alas siyete pa lang ng gabi ay nakaalis na ang mga kasamahan niya sa mansion.

     Nagpakawala siya ng isang mahabang buntong-hininga.

     “Sana lang, eh, matibay-tibay ‘tong kyutiks na nilagay nila,” bulong ni Ada sa kawalan sabay patak ng zonrox sa nilalabhan.

     “Hey.”

     “Ay, kabayong bundat!” Sa sobrang gulat ng dalaga ay naibuhos niya yata halos kalahati ng laman ng bote sa batya. Mabilis na naglakbay ang kaniyang mga mata pataas sa mukha ng nagmamay-ari ng dalawang pares ng paa na tumapat sa kaniya.

     Brent.

     Napatayo siya at hinila pataas ang parteng dibdib ng kaniyang bestida. “S-Señorito, m-may kailangan po kayo?”

     Hindi ito umimik at matamang tumitig lamang sa kaniya. Pakiramdam ni Ada ay matutunaw siya sa klase ng tingin na ipinupukol nito sa kaniya. Hindi rin nakaligtas sa dalaga ang dahan-dahang pagtaas-baba ng adamʼs apple ni Brent. Iiiwas na sana niya ang mga mata nang may iabot ito sa kaniyang nakabalumbon na mga damit.

     Bantulot niya iyong kinuha. “Lalabhan ko rin ho?”

     Pumamulsa ito at umiling. “No. Isuot mo. Masyadong maikli ‘yang damit mo. Baka lamukin ka. Don’t worry, they’re clean.” Tumalikod ito at nagsimula nang humakbang palayo para lang muling pumihit paharap sa kaniya. “Ahm, by the way . . .”

     “ . . . you look really beautiful tonight.” Iyon lang at itinuloy na ni Brent ang pagsibad.

     Naiwan siyang nakatulala sa papalayong pigura ng binata.

➶ ➷ ➸ ➹

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon