Kabanata 33

14.9K 530 20
                                    

NAALIMPUNGATAN si Ada sa panaka-nakang haplos sa kaniyang mukha. Dahil inaantok pa, bahagya lang niyang iminulat ang isang mata. Ang nakangiting imahe ni Brent ang bumungad sa kaniya. Nakahiga ito paharap sa dalaga habang ang isang siko’y nakatukod sa papag at nakasalo naman ang palad sa gilid ng mukha.

     Muli siyang pumikit. “Jusko, hanggang sa panaginip ba naman?” padaskol niyang usal. Hinatak niya ang pobreng kumot na nakabalumbon sa kaniyang paanan at agad na itinakip sa kaniyang mukha.

     “But I’m real,” saad nito sabay huli sa kamay niyang nakalitaw sa kumot.

     Tuluyan nang napadilat si Ada. Marahas niyang hinawi ang kumot at saka pinakatitigan ang akala niyang produkto lang ng kaniyang imahinasyon. Sunod-sunod siyang napakurap. Hindi pa siya nakuntento at kinusot-kusot pa ang mga mata. Matagal bago niya napaandar ang utak niya, tila kasi biglang napurol nang mga sandaling ‘yon.

     “Tititigan mo lang ba ako?”

     Syet na malagket! Hindi nga ako nananaginip. Kasabay ng malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib ay ang pagbalikwas niya ng upo. Handa na sana siyang maghisterya nang hilahin siya ni Brent at muling ihiga paharap dito. Nang subukan niyang bumungon, mabilis siyang ikinulong ng binata sa mga bisig nito.

     Tuluyan na siyang nilayasan ng antok; nagkagulo ang buong sistema ni Ada. Halos magdikit na ang ilong nila ni Brent sa sobrang lapit nila sa isa’t isa. Amoy na amoy rin niya maski ang mabango nitong hininga na parang lumaklak ng isang drum na mouthwash. Napalunok ang dalaga at saglit na pumikit upang hamigin ang damdamin.

     Hindi niya alam kung imahinasyon lang din niya ‘yon o talagang ang lakas din ng kabog ng dibdib ni Brent. Halos magsabay ng tempo ang tibok ng puso nila. O baka siya lang ‘yon?

     Kalma, Ada. Kalma, paalala niya sa sarili. Nang makahuma, dahan-dahan siyang dumilat. Ngunit imbes na salubungin ang tingin ng binata, sinadya niyang ilihis ang mga mata sa gilid ng mukha nito.

     “A-ano’ng ginagawa mo rito?” Kamuntikan na niyang hindi marinig ang sarili sa sobrang hina ng kaniyang boses.

     “Bakit hindi ka pumasok?” balik-tanong ni Brent.

     Parang nagkaroon ng bikig sa lalamunan ni Ada. Hindi niya naman inaasahan na pupuntahan siya ng binata sa kanila para lang itanong iyon. Muli niyang sinubukang humalagpos dito, ngunit lalo lang humigpit ang pagkakayakap nito sa kaniya.

     “Señorito, bitiwan n‘yo ho ako,” kulang sa diin niyang utos kay Brent. Kahit nahihirapang gumalaw, pilit niyang nilingon ang paligid upang hanapin ang ina’t kapatid ngunit ni anino ng mga ito’y hindi niya nakita. Kinuntsaba ba ni Brent ang mga ito?

     Pero papaano kung nasa labas lang pala ang nanay niya at maabutan sila nito sa ganitong posisyon?

     Dala ng huling naisip, sinubukan niya ulit itulak ang binata, ngunit ni hindi man lang ito natinag. “Señorito, baka makita tayo ni Nanay!”

     Ngunit tila balewala lang dito ang pagpupumiglas niya. “Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko.”

     Sa huli’y itinigil din ni Ada ang pagtulak kay Brent. Mukha naman kasing wala itong balak na bitiwan siya. Nagpakawala siya ng isang sumusukong buntong-hininga.

     “I’m waiting,” untag ng binata sa kaniya.

     “Masama lang ang pakiramdam ko.”

     Hindi iyon ang tunay na dahilan kung bakit hindi siya pumasok, pero may bahid pa rin naman iyon ng katotohanan. Hindi naman siya tinatrangkaso, pero sa estado niya ngayon, daig pa niya ang binugbog kagabi sa sobrang panghihina na nararamdaman. Wala rin siyang sugat, pero buong katawan niya—lalong-lalo na ang dibdib niya—kumikirot.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon