Kabanata 4

14.7K 583 15
                                    

PAKIRAMDAM ni Ada ay lumulutang pa rin siya sa alapaap hanggang ngayon. Natanggap siya sa mansion! May trabaho na rin siya sa wakas!

     Akala niya talaga ay magsisimula na siyang maghanap ng ibang mapapasukan. Hindi niya alam kung papaano iyon nangyari samantalang mainit ang dugo sa kaniya ng mayordoma. Pati nga si Geselle ay napagalitan din nito at pinagsabihang hindi nagtatrabaho nang maayos dahil lang sa nangyari.

     Nauntog kaya si Mrs. Kaya at nagkaroon ng amnesia? Teka, amnesia nga ba ang tawag doon?

     Gayunpaman, masayang-masaya siya na makakatulong na siya ulit sa kaniyang pamilya. Ipinagsalikop ng dalaga ang dalawang palad at nakapikit na tumingala sa langit. Thank you, Lord! The best Ka talaga!

     “Ready na ako!” tili ni Raye mula sa kaniyang likuran.

     Mula sa pagkakasandal sa puno, pumihit si Ada paharap sa kaibigan. Napatanga siya nang makita ang hitsura nito.

     “Ano ‘yan?!” bulalas niya. Pinasadahan niya ng tingin ang pagkaikli-ikli nitong shorts at t-shirt na sobrang hapit sa katawan. Mukha itong may kasiyahang pupuntahan, samantalang siya’y simpleng tokong na maong at blouse na may kuwelyo lang ang suot.

     “Uso ‘to ngayon, ‘no,” sagot nito sabay ikot sa kaniyang harapan na animo isang modelo.

     “Hay naku,” si Nova. Lumabas ito sa pintuan at lumapit sa kanila habang bahagyang inaalog-alog sa braso si Rachel, “ewan ko ba riyan sa isa na ‘yan. Ang sabi ko, hindi akma sa mansion ang suot niya. Ayaw talaga magpalit.”

     Dalawang araw pagkatapos mag-apply ni Ada sa mansion ay humabol si Raye. Kapwa hindi sila umaasa na makukuha dahil—bukod sa may hindi siya magandang engkuwentro sa isa sa mga apo ni Don Alonzo at sa mayordoma—halos buong bayan yata ng San Gueverra ay nakipila. Kaya naman talagang nagtatatalon sila sa tuwa nang ibalita sa kanila ni Geselle kahapon na kabilang sila sa mga natanggap. Daig pa nila ang nanalo sa lotto.

     “E, lagi naman kasing ganito ang mga isinusuot ko, ah? Isa pa, papaano na lang kung may makita akong fafa roon? Paano sila maakit sa alindog ko kung ‘yong mga damit ni Tatay ang gagamitin ko?” nakapameywang na saad ni Raye.

     Napatampal si Ada sa kaniyang noo. “Ano ka ba naman! Unang araw natin ngayon sa mansion. Hindi ba’t sabi ni Geselle ay personal tayong kakausapin nina Don Alonzo at Doña Luzia para habilinan bago tayo magsimula? Mahiya ka naman kahit kaunti.”

     “Grabe ka sa ‘kin, Adalina, ha. I’m just ano . . .” Lumabi ito. “Ano nga ulit ang ingles n’on?” Tumingin ito kay Nova at ipinitik-pitik ang mga daliri na para bang hinihintay nitong i-supply ng dalaga ang tamang salita. Ngunit nanatili lamang nakaawang ang bibig ni Nova at halatang hindi makuha ang gustong iparating ng kapatid. Muling humarap sa kaniya si Raye at ipinaikot ang mga mata. “Basta! I’m just . . .  just e-express me, you know?”

     Napapalatak siya.

     “Ipapaalala ko lang sa iyo, ate, ha, magtatrabaho ka roon at hindi maghahanap ng dyodyowa-in. Inaasahan ka nina Inay at Itay. Ba’t hindi mo kaya gayahin si Ada,” ika ni Nova bago ito tuluyang bumalik sa loob.

     Siya naman ang pumameywang. “O, narinig mo ‘yon? Gayahin mo raw ako.”

     “Ayoko nga! Ang baduy-baduy mo, ‘no. Mukha kang may a-attend-an na kumunyon sa suot mo,” nangungusong turan ni Raye.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon