Kabanata 19

11.6K 500 36
                                    

IPINAPAHANDA na ni Doña Luzia ang dining hall.”

     Awtomatikong napatigil si Ada sa pagpupunas ng mga pinggan nang marinig ang anunsiyong iyon ni Manang Janet—isa ring kasambahay.

     Lihim siyang napangiwi nang makita ito. Pakiramdam niya, noo niya ang nababanat at nasasaktan dahil sa ubod ng higpit na pagkakatirintas nito sa buhok—dikit na dikit sa anit. Agaw-pansin din ang magkabila nitong mga kilay na tila napag-trip-an lamang guhitan gamit ang pentel pen upang matabunan ang pagkakalbo.

     “Tamang-tama,” nakangiting wika ni Aling Sita habang pinapagpag ang dalawang kamay sa suot na apron, “kakatapos lang namin magluto. Gusto mo ba munang tikman bago namin dalhin ang mga pagkain doon?”

     Imbes na sagutin ito, dumire-diretso si Manang Janet sa harap ng electric stove at sinilip ang laman ng bawat kaldero. Daig pa nito ang isang judge sa cooking show kung makabusisi sa mga putahe. Sinipat din nito ang ginagawa ng iba at tinikman pa pati ang simpleng orange juice na tinitimpla ni Raye.

     “Masyadong matamis,” komento ng matanda na ikinaputla ng kaniyang kaibigan. Muli itong uminom nang kaunti at ginalaw-galaw ang bibig na tila tinitimbang ang lasa. “Dagdagan mo pa ng isa’t kalahating baso ng tubig.”

     Pasimpleng nagpalitan ng tingin sina Ada at Raye. Napatingin siya sa kaniyang ginagawa. Baka naman pati ang pinupunasan niyang mga plato ay punahin pa nito at ipahugas ulit sa kaniya?

     Naiintindihan naman nila ang inaakto nito. Mayroon kasing ginaganap na pagpupulong ngayon sa mansion. Habang ang piling mga kawaksi ay abala sa pag-asiste sa mga bisita sa taas, ang mga baguhan namang sina Ada ay ipinaiwan ni Mrs. Kaya upang tumulong sa kusina at siguruhing kumikinang sa sobrang linis ang kabuuan ng mansion.

     Kung gaano kablangko ang ekspresiyon ng mukha ni Manang Janet, kabaliktaran naman niyon ng malambing na ekspresiyon ni Aling Sita. Ipinagsalikop ng huli ang mga palad. “Ayos na ba, Janet? Kapag puwede na, maari na naming dalhin ang mga ito sa dining hall.” Sumenyas ito kapagkuwan kina Hulia at Lowie na isalin na ang mga putahe sa mga porselanang lalagyan. Mabilis pa sa alas-kuwatrong sumunod ang mga dalaga.

     Kuntentong tumango si Manang Janet. Inilagay nito ang dalawang kamay sa likod at muling bumalik sa kaninang kinatatayuan. “Ipinag-uutos nga rin pala ng don na manatali kayong lahat sa dining hall hanggang sa matapos ang tanghalian. Kailangan ang presensiya ng lahat nang sa gayon ay mas mabilis nating masilbihan ang mga bisita.”
 
     “L-lahat kami?” rinig niyang gagad ni Geselle sa kaniyang gilid ngunit sa mahinang boses.

     Siyempre ay hindi iyon nakaligtas sa matalas na pandinig ni Manang Janet. Minsan nga pakiramdam niya’y alagad ito ng matanglawin. Tumango ito at pinaraanan silang lahat ng nanunuring tingin. “Kaya siguraduhin ninyo na presentable rin ang inyong hitsura bago kayo humarap sa mahigit dalawampu nating mga bisita. Importante ang mga taong iyon kaya huwag sana kayong gagawa ng maaring ikapahiya ng don at ng doña.”

     Sunod-sunod silang tumango. Alam ni Ada na hindi basta-basta ang mga ‘yon. Pahapyaw niya kasing nakita ang ilan sa mga bisita nang mapadaan siya sa bulwagan kanina. Pulos mga naka-amerikana ang mga ito at tila may dadaluhang SONA.

     Pagkaalis na pagkaalis ni Manang Janet sa kusina ay nagkagulo ang iba niyang kasamahan. Binitawan ni Raye ang hawak-hawak na pitsel at saka humarap sa kaniya. “‘Te, magulo ba ang hairla ko?”

     Umiling siya at ipinagpatuloy ang ginagawa. “Papaanong gugulo ‘yan, eh, maya’t maya kang nagsusuklay?”

     Hindi nito pinansin ang kaniyang patutsada. Bagkus, inilabas nito ang pulbo na palagi nitong baon at dali-daling nagpahid sa mukha. “Kailangan fresh! Mamaya isa pala sa mga bisita ang prince charming ko.” Inilapag nito ang maliit na lalagyan sa kaniyang harapan. “Oh, maglagay ka rin—ay, huwag na pala. Baka masapawan mo pa ako at maagawan ng time to shine.” Binawi nito ang pulbo at muling ibinalik sa bulsa.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon