“NAKU, naku, Adalina! Hindi porque malapit ka sa mga Esplana ay parelaks-relaks ka na lang sa trabaho, ha?”
Hindi alam ni Ada kung papaano tatakpan ang mga tainga para hindi marinig ang pagbubunganga sa kaniya ni Mrs. Kaya. Kaninang umaga pa siya nito pinag-iinitan. Malapit na siyang matulig!
“Susmariosep! Kung ako lang talaga ang masusunod, matagal na kitang pinalayas dito sa mansion,” patuloy pa rin ng mayordoma. Pumamaywang ito. “Tama ba namang iwan mo na lang basta ‘yang mga labada mo kahapon?”
Kagat-kagat ang ibabang labi na nag-angat siya ng tingin dito. “Pasensiya na po, Mrs. Kaya Sinabi ko naman po kay Lauren kahapon na ‘di talaga ako puwede—”
“Wala akong pakialam kung sinabi mo kay Señorita!” putol nito sa kaniya. “Hindi lahat ng yaya nila sa ‘yo ay pauunlakan mo. Ipapaalala ko lang sa ‘yo, ha? Narito ka para magtrabaho at manilbihan sa pamilya nila at hindi para makipagsabayan. Hindi mo sila kalebel. Huwag kang ambisyosa riyan.”
Kung mahina lang si Ada, malamang ay kanina pa siya nag-iiyak sa mga ibinabatong salita ni Mrs. Kaya sa kaniya. Ngunit pinalaki siya ng mga magulang na malakas at matibay ang loob. Naiinsulto siya siyempre, pero hindi naman niya maaring sagut-sagutin ang mayordoma. Malaki pa rin ang respeto niya rito kahit madalas siya nitong alipustahin. Kaya hangga’t kaya niya ay magpapakababa siya.
“Hindi na po talaga mauulit, Mrs. Kaya. Huli ko na po ‘yong pagsama sa kanila,” anang pa ng dalaga rito sa kalmado at kontroladong boses.
Ang sabi kasi sa kaniya nina Lauren at Caitlin kahapon, sa bayan lang daw sila pupunta. Pumayag siya dahil akala niya mabilis lang sila. Iyon pala, palusot lang iyon ng dalawa, dahil imbes na sa bayan, sa mall sila dumiretso. At dapithapon na nang makabalik sila.
Inaasahan na niyang sasabunin siya ng mayordoma dahil doon, pero hindi naman halos buong araw!
Naniningkit ang mga matang hinalukipkipan siya nito. “Ay, talagang huli na ‘yan, Adalina! Balak mo pa bang—”
“May problema ba rito?” anang isang baritonong boses.
Kapwa sila napalingon ng mayordoma sa bungad ng laundry area. Nahigit ni Ada ang hininga.
Si Brent! pipi niyang usal. Heto na naman ang pamilyar na pagwawala ng kaniyang dibdib. Sumandal ang binata sa hamba ng pintuan at tumingin sa kanila.
Sandaling dumaan ang pagkatuliro sa mukha ni Mrs. Kaya. Tinapunan muna siya nito ng nananakot na tingin bago muling hinarap si Brent. “Ah, wala naman ho, Señorito. Tinuturuan ko lang si Ada kung papaano gamitin ‘tong bagong dryer.”
Nais pumalatak ni Ada sa sinabi ng mayordoma. Pero siyempre, hindi na lang siya umimik. Baka kasi lalo siya nitong soplahin.
“Is that so?” tatango-tangong wika ni Brent sabay silid ng dalawang kamay sa magkabilang bulsa. Bumaling ito sa kaniya kapagkuwan. “Oo nga pala, Ada, pinapatawag ka ni Lolo sa study. Continue that later.”
“Tawag ako ni Don Alonzo?” paniniguro pa niya sabay turo sa sarili.
Tumango ang binata bilang sagot. Awtomatikong lumipad ang tingin ni Ada sa mayordoma. Kumibot-kibot ang mga labi nito, halatang nagpipigil ng inis.
BINABASA MO ANG
DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)
RomanceCOMPLETED ✔️ ⭐️ A RomancePH official "Kilig All Year 'Round" read. DAYLIGHT IN SAN GUEVARRA MINI SERIES BOOK 1 Umpisa pa lamang ay hindi na maganda ang impression na naiwan ni Ada kay Brent Esplana. Papaano'y disaster ang una nilang encounter; hin...