Kabanata 11

12.2K 512 25
                                    

KAGAYA ng inaasahan ni Ada, maghapon nga siyang kinulit nang kinulit ng mga kasamahan—lalo na ni Raye—tungkol sa naging lakad nila kahapon ni Brent sa kapihan. Lahat ng detalye ay gustong marinig ng mga ito. Kulang na lang pati kulay ng suot na medyas ng binata ay itanong din sa kaniya.

     “Kayo ba ay walang mga trabaho at iniistorbo n’yo ako rito, ha?” nakabusangot niyang sita habang naglilipat ng mga maruruming damit sa batya. “Hindi n’yo ba nakikitang naglalaba ako?”

     Humalukipkip si Raye. “Baʼt ba ang sungit mo ngayon? Gusto lang naman namin malaman kung ano pa ang ibang ginawa n’yo ni Fafa Brent. Ikaw naman, ang damot mo sa biyaya ng Diyos.”

     Napasimangot si Ada. “Wala na nga sabi. Iyon na lang ‘yon.”

     “‘Kita namin na hinawakan niya ang kamay mo at pinaupo pa sa tabi niya,” kinikilig namang wika ni Hulia. Hinampas-hampas pa nito si Lowie na abot-tainga din ang ngiti.

     Tumango ang huli. “Oo nga, oo nga! Malambot ba ang kamay ni Señorito? Bumilis ba ang tibok ng puso mo nang gawin niya ‘yon? Ayiee, ikaw, Ada, ha. Hindi mo naman sinabi na close pala kayo ng apo ni Don Alonzo,” anito na ginatungan pa ng iba. Lalo tuloy siyang tinukso ng mga kasamahan.

     Close? Saan banda?

     Ikinumpas ni Raye ang hawak nitong pamaypay at tinaasan siya ng kilay. “May gusto ka na kay Fafa Brent, ano? Kitang-kita ko ‘yong pag-twinkle, twinkle, little star ng mga mata mo. Umamin ka, kung hindi, naku, kukurutin kita sa singit, Adalina.”
   
     Hindi makapaniwalang napabuga siya ng hangin. Binitawan niya ang baretang sinusubukang hatiin at itinuro ang sarili. “Ako? May gusto ro’n sa lalaking ‘yon? Puputi muna ang uwak bago iyon mangyari, Raye Manuelo.”

     Suminghap si Geselle at napaturo sa bubungan. “Ay, oh! May puting uwak!”

     Nagpakawala siya ng isang disimuladong tawa at saka umirap.

     Binundol siya ni Lowie. “‘Sus! Okay lang naman iyon, Ada, eh. At saka, alam mo ba, habang tinatanaw namin kayo kahapon ni Señorito sa may garahe, parang may ano, parang . . .” Tumingin ito kay Hulia. “Ano nga ulit ‘yong sinabi mo kahapon, ‘day?”

     “Chemistry?” patanong na supply nito.

     Napapalakpak si Lowie. “Oo, iyon nga! Ang ganda kasi sa pandinig ko, e.” Hinawakan nito sa balikat si Ada. “Sa madaling sabi, bagay kayo. Maganda ka, guwapings si Señorito, o, ‘di ba?”

     Kunwa’y nahintatakutang sumingit si Raye. Kinuha nito ang bareta at pinaghahampas kina Lowie at Geselle. “Hoy, kayong dalawa. ‘Pinagsasabi n’yo riyan? Kami ang bagay ni Señorito Brent, ‘no?!”

     “Puwede ba,” napapalatak si Ada. Inagaw niya ang sabon sa kaibigan at buong-lakas na isinalya sa gilid ng lamesa hanggang sa tuluyan iyong mahati, “magsibalik na kayo sa mga istasyon ninyo. Masyado pang maaga para mangarap kayo ng gising, mga ‘day. Ipapaalala ko lamang sa inyo na mga katulong lang tayo rito, ha, at amo natin ang pinagpapatasyahan ninyo.”

     “Ninyo lang?” nang-aasar na gagad ni Geselle. “At saka, marami na ‘kong nabasa na mga nagkatuluyang amo at tsimay, ‘no. Uso na ‘yon ngayon, basta dapat lagi kang fresh.”

     “Saan mo naman ‘yan nabasa, aber?” nakapameywang niyang tanong.

     “Sa mga pocketbook.”

     Iiiling-iling na inikutan niya ito ng mga mata. “Bahala kayo sa buhay n’yo, basta ako, hindi ko siya type. Guwapo siya, oo, pero nunkang magkakagusto ako sa taong daig pa ang may buwanang-dalaw araw-araw sa sobrang sungit. Kung alam n’yo lang kung gaano kaitim ang budhi ng isang ‘yon,” aniya at talagang pinagdiinan pa ang salitang “gaano”.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon