Kabanata 3

15.5K 637 27
                                    

HINDI na nagtaka si Ada nang marami silang naabutan ni Geselle na nagbabakasakali rin na makakuha ng trabaho sa mansion. Mabilis na kumalat ang balita dahil kilala ang mga Esplana sa kanilang bayan. Marami kasing negosyo ang naturang pamilya, kabilang na roon ang nag-iisang palengke at mall sa San Guevarra.

     Matapos siyang palihim na dalhin ni Geselle sa hardin kung saan may hose para makapaghugas siya ng paa, tumuloy na siya sa maliit na opisina kung saan ginanap ang “interview”.

     Kagaya ng kuwento ni Geselle, masungit at ubod ng strikta ang mayordoma na kumausap sa kaniya roon. Napakarami nitong tanong at kung anu-ano na kundisyon kung sakali man na makukuha siya. Naiintindihan niya naman iyon dahil napakatagal na ng mayordoma sa pamilyang Esplana at, ayon pa ulit sa chikadora niyang kapitbahay, parang kapamilya na rin daw ang turing dito nina Doña Luzia at Don Alonzo. Kuntento naman siya sa mga naisagot niya sa ginang. Ang kaso lang, hindi niya nasabi rito na interesado rin siyang magtrabaho sa kapihan dahil naunahan siya ng kaba at hiya. Baka kasi sabihin ay abusado siya.

     Dahil abala si Ada sa pag-iisip, hindi niya namalayan na imbes na kumaliwa siya kagaya ng itinuro ni Geselle na daan palabas ay tinahak niya ang marmol na sahig sa kaniyang kanan. Iba kasi ang dinaanan nila kanina dahil nga pinuslit siya nito sa hardin. Ilang minuto rin siyang nagpalakad-lakad habang kumakanta-kanta nang mapagtanto na nasa bulwagan na pala siya ng mansion.

     Nakagat niya ang ibabang labi. Heto na naman po tayo.

     Kandahaba-haba ang leeg ni Ada kakahanap ng katulong o kahit na sinong maari niyang mapagtanungan, ngunit bigo siya. Sa laki ng mansion, baka mas lalo siyang maligaw kapag hinanap niya pa si Geselle. Maingat ang ginawa niyang paghakbang. Habang inililibot ang tingin, hindi niya mapigilang mamangha sa napakagarbong mga kagamitan na naroroon. Mayroong nakasabit na higanteng chandelier na namumutakte yata sa diamante dahil napakaliwanag niyon at napakaganda ng kinang. Sa magkabilang panig naman ng bulwagan ay may dalawa ring hagdanan na yari sa marmol.

     “Ano kaya ang pakiramdam na magkaroon ng ganito kalaki na bahay?” bulong niya sa kawalan.

     Siguro kahit gugulin niya ang buong buhay niya sa pagtatrabaho ay hindi niya mararanasan ang tumira sa isang mansion.

     Hindi na alam ni Ada kung gaano katagal niyang binusog ang mga mata sa mga muwebles nang may maulinigan siyang tinig. Matutuwa sana siya kung boses iyon ni Geselle, kaso iyon ang boses ng mayordoma na si Mrs. Kaya!

     Patay na! Nagsimula nang mag-panic ang dalaga. Halos liparin niya ang malaking pintuan na nasa gitna kahit hindi niya alam kung saan ang labas niyon o kung dapat ba siyang dumaan doon. Mabilis niyang itinulak ang pinto para lang muling isara nang makarinig ng malakas na lagabog sa kabilang bahagi na para bang may sumalpok doon na solidong bagay. Nasundan iyon ng isang malakas na hiyaw.

     Napasapo si Ada sa magkabilang pisngi. Sino na naman kaya itong natamaan niya? Ilang segundo pa’y muling bumukas ang pinto at iniluwa ang isang lalaki na nakahawak nang mariin sa ulo. Napakurap siya at pinakatitigang maigi ang “biktima”. Halos malaglag ang kaniyang panga nang mapagtanto na ito . . . at ang lalaking nabato niya ng itlog sa noo ay iisa!

     “Ikaw na naman?!” gulat na gulat niyang bulalas. Ang pagkakaiba lang, hindi na ito nakapambinyag, nakasuot na lang ito ngayon ng kulay abo na t-shirt at puting shorts.

     Hindi malaman ni Ada kung hahawakan niya ang lalaki o lalayuan dahil mukhang nasaktan talaga ito nang sobra sa pagkakatama nito sa pinto. “P-pa’no ba ito? Ahm, a-ano, p-pasensiya ka na. Hindi ko sinasadya. B-bakit naman kasi bigla-bigla ka na lang sumusulpot sa kung saan-saan?”

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon