KULANG na lang ay idungaw ni Ada ang buong ulo sa tricycle kakasilip sa pangalan ng mga gusaling nadaraanan nila sa bayan. Hinahanap niya ang restawran na pinagtatrabahuhan ni Badet. Ngayon pa lang naman kasi siya makakapunta roon. At tulad niya, hindi rin alam ng drayber na nasakyan niya kung saan ang Bistro & Coffee. Tuloy ay napilitan silang isa-isahin ang mga kainan.
Napakamot siya sa ulo. Buwisit na Ton-ton. Kung saan-saan kasi nagpupupunta.
Hindi naman kasi talaga siya ang naghahatid ng mga kung anek-anek na pinapalaba ng restawran sa kanilang ina kundi si Ton-ton. Pero dahil naunahan niya itong makauwi at dahil raket din naman ito ng pamilya niya, pumayag na siyang maging delivery girl ngayon.
Nawala ang pagkakunot ng noo ni Ada nang makita ang malaking de-ilaw na signage ng Bistro & Coffee sa kaniyang kanan. Tinawag niya ang drayber at saglit na pinatigil. Nakumpirma niyang nakarating na nga siya sa kaniyang destinasyon nang makita ang polo shirt na suot ng mga crew na nasa labas. Kulay tsokolate na may puting tasa sa kanang bahagi ng dibdib. Gan’on na gan’on din kasi ang sinusuot ni Badet.
“Dito na nga, Manong,” aniya sa drayber. Dali-dali siyang nagbayad at bumaba. Bitbit ang halos apat na naglalakihang ecobag na may tatak pa ng naturang restawran, nilapitan niya ang guwardiyang nakaistasyon sa gilid ng entrance.
“Magandang hapon po,” magiliw na bungad ni Ada rito.
“Magandang hapon din,” ganting bati ng lalaki. Hindi na niya kailangan pang sabihin ang kaniyang sadya dahil agad nang bumaba ang tingin nito sa kaniyang mga bitbit. “Kayo ba ang bagong tagalaba?”
“Ah, hindi. Kami pa rin po ‘yong dati. Wala lang talaga si Ton-ton kaya ako muna ‘yong naghatid. Ate po ako nina Badet,” paliwanag niya.
Tumango-tango ito. “Ganoon ba? Pasok ka na lang, pero dito ka sa likod dumaan.”
Binalingan niya ang itinuro nitong eskinita na nasa mismong gilid lang ng Bistro & Coffee. “Dito ho?”
“Hindi ka naman maliligaw d’yan, ‘neng. May isang pinto kang makikita, ‘yon ang pinto sa likod na kusina. Pasukin mo iyon, makikita mo agad si Badet.” Minuwestro nito ang mga ecobag. “Kailangan mo ba ng tulong? Papasamahan—”
“Ay, hindi na ho, hindi na ho,” mabilis niyang sawata rito. “Kaya ko na ho ito. Hindi naman kabigatan ‘tong mga mantel. Sige ho!”
Nasa eskinita pa lang siya ay langhap na langhap na niya ang samu’t saring amoy ng mga pagkain. Biglang kumalam ang sikmura niya kahit busog siya nang umalis sa mansion. Pagkapasok sa loob, bahagya pa siyang nalula sa rangya ng kusina.
Ang sosyal naman pala rito. Siguro ginto mga presyo ng pagkain dito? naibulalas niya sa kaniyang isip.
Sa tantiya ni Ada ay hihigit sa sampu ang bilang ng mga crew na nasa kusina, pero pawang abala ang mga ito sa kani-kanilang mga ginawa kaya walang ni isa na nakakapansin sa presensiya niya.
Katulad ng sabi ni Kuya Guard, hindi nga siya nahirapang hanapin ang kapatid dahil natagpuan niya agad si Badet na nagsasalin ng fries sa mga mangkok. Dahil naroon na rin naman siya sa loob, nilapitan na niya ito. Kunot na kunot ang noo nito at tila seryosong-seryoso sa ginagawa.
“Hoy,” tatawa-tawang pukaw ni Ada kay Badet. Para kasi itong may sinasagutan na napakahirap na exam kung makapag-concentrate.
Bahagya itong napapitlag sa gulat. “Ate! Ikaw pala! Ba’t ikaw ang naghatid? Nasaan si Ton-ton?”
BINABASA MO ANG
DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)
RomanceCOMPLETED ✔️ ⭐️ A RomancePH official "Kilig All Year 'Round" read. DAYLIGHT IN SAN GUEVARRA MINI SERIES BOOK 1 Umpisa pa lamang ay hindi na maganda ang impression na naiwan ni Ada kay Brent Esplana. Papaano'y disaster ang una nilang encounter; hin...