“SELOS? Ako, nagseselos?” mahinang kausap ni Ada sa sarili. Tatawa-tawang nalukot ang kaniyang mukha.
Magmula nang samahan niya si Caitlin sa bayan para bumili ng vase, hindi na maganda ang timpla niya. Lalo pa siyang nairita n’ong tanghali. Daig pa niya ang may buwanang dalaw dahil maghapon din siyang hindi makausap nang matino ng mga kasamahan. Hindi rin siya nilubayan ng pakiramdam na parang may nakadagan sa dibdib niya.
Pumalatak si Ada. “Pero bakit naman ako magseselos?”
Kasi nga gusto mo na, pasaring ng isang bahagi ng kaniyang isip.
Inuntog ng dalaga ang kaniyang noo sa nakasalikop niyang mga tuhod. Nag-angat siya ng mukha at napatitig sa kawalan. Siya? Nahuhulog na kay Brent?
“Hindi,” usal pa niya sa hangin sabay tapik sa magkabilang pisngi. “Hindi talaga puwede. Si Lin ang gusto n’ya. Gumising ka, nahihibang ka na, Adalina.” Muli siyang napahawak sa dibdib nang muli iyong nanikip.
Impit siyang napaungol sa sobrang inis. Mula sa pagkakasalampak sa malamig na sahig, mabilis siyang tumayo at dumire-diretso ng labas sa kanilang bahay. Pinuno niya ng preskong hangin ang kaniyang dibdib sa pag-asang matutulungan siya n’on makapag-isip nang maayos, ngunit nang hindi makuntento, tinunton niya ang madilim na daan patungo sa mga Pedrosa. Hindi na niya kayang kimkimin ang nararamdaman, para na siyang sasabog.
Ilang saglit pa’y nakatayo na siya sa harap ng bahay nina Raye. Alam niyang malalim na ang gabi, at paniguradong tulog na rin ito, pero desperado na talaga siya. Kailangan niya ng kausap, at ito lang ang kaya niyang pagsabihan ng problema niya kay Brent.
Matapos ang ilang minutong pagkatok at pagtawag sa pangalan ng kaibigan, sa wakas ay narinig niya ang pagpihit ng seradura. Ngunit nang tuluyang bumukas ang pinto, umalingawngaw ang nakakabinging tili niya sa paligid.
“Hoy, gaga!” sita sa kaniya ng multo sabay takip sa kaniyang bibig. “May balak ka bang gisingin ang buong San Guevarra sa lakas ng sigaw mo, ha? Daig pa’ng sirena ng bumbero, jusko, ‘day! Manahimik ka, kundi bubusalan kita!”
Tinabig niya paalis ang kamay nito. “Raye naman, may balak ka rin bang patayin ako sa takot? Ang dilim-dilim ng bahay n’yo ‘tapos lalabas ka nang ganiyan ang hitsura?” Walang anu-anong pinaraan niya ang isang daliri sa pisngi nito. “Ano ba ‘tong nakalagay sa mukha mo? Harina na nilagyan mo ng glue?”
Impit naman itong napatili sa ginawa niya. Inayos nito ang bahagi na nasira niya. “Ano ka ba naman, Adalina. Face mask ang tawag dito, ‘no.”
Kumunot ang kaniyang noo. “Face mask?”
“Oo. Pampa-fresh.” Ipiniling-piling nito ang mukha. “Galing kay Caitlin. Ginagamit daw ito ng mga artista. Nakakabawas daw ng, alam mo na, mga masamang elemento sa mukha.”
Natahimik siya nang banggitin nito ang pangalan ng dalaga. Saglit na nawala sa isip niya ang totoong pakay dahil sa bumungad sa kaniyang hitsura nito. Akala talaga niya’y multo.
“Ba’t ka pala nagpunta rito?” kapagkuwa’y untag ni Raye kay Ada. “Hindi mo ba alam na pasado alas onse na ng gabi?”
Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa kaibigan ang problema. Halos mamilipit siya kakabiling-biling sa kinatatayuan.
“Hoy, ano?! Para kang sinisilihan na bulate r’yan,” nakapameywang na ani pa ulit ni Raye nang lumipas ang ilang segundo’y hindi pa rin siya nagsasalita.
BINABASA MO ANG
DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)
RomanceCOMPLETED ✔️ ⭐️ A RomancePH official "Kilig All Year 'Round" read. DAYLIGHT IN SAN GUEVARRA MINI SERIES BOOK 1 Umpisa pa lamang ay hindi na maganda ang impression na naiwan ni Ada kay Brent Esplana. Papaano'y disaster ang una nilang encounter; hin...