NAWALAN na ng bilang si Ada kung pang-ilang batya na ba itong nilalabhan nila nina Raye at Lowie. Nagpatulong na siya sa dalawa dahil tapos naman na ang trabaho ng mga ito sa kusina at siya na lang ang natitirang may tambak pang gawain.
Kakatapos lang ng tatlong araw na pagpupulong sa mansion. Umuwi na rin ang mga bisita ng pamilyang Esplana. Ilang araw rin kasi siyang hindi nakapaglaba nang maayos dahil prioridad nilang mga katulong na tugunan ang mga bisita.
Laking pasasalamat niya dahil no’ng araw na h-in-arass siya ni Sir Rick ay pinaalis na ito nina Don Alonzo at Doña Luzia. Personal pang humingi ng tawad ang mga ito sa kaniya kaya kampante na ulit siyang magtrabaho nitong mga nakaraang araw.
Saglit siyang tumigil sa pagkusot at ginalaw-galaw ang nagsusugat nang mga daliri. Puro makakapal na kurtina at bed sheet na ang nilalabhan niya at nahihirapan siyang linisin ang mga iyon. Dumidilim na rin ang langit. Sa tantiya niya ay pasado alas singko na ng hapon. Balik sa regular na ang kanilang uwi kaya isang oras na lang ay tatawagin na sila ni Manong Ted para sunduin.
Nanlulumong sinulyapan ni Ada ang mga nakatambak na labahin na kailangan pa nilang harapin. Sobrang dami pa niyon. Matatapos kaya nila ang mga iyon sa loob ng isang oras?
Hay, buhay, parang life, usal ng dalaga sa loob-loob niya. Kung hindi lang siya binantaan ni Mrs. Kaya, talagang bukas na niya ito tatapusin.
Tinapunan din ni Ada ng tingin sina Raye at Lowie na hindi rin umiimik at halatang nagmamadali na sa paglalaba. Puro tunog ng pagkusot lang ang naririnig niya sa paligid. Sandali siyang nag-inat-inat at saka muling tinuloy ang paglalaba.
“Hi!” basag ng kung sino sa katahimikan.
“Ay, kabayong bundat!” bulalas ni Ada.
Sabay ring napasigaw ng kung anu-anong mga salita sina Raye at Lowie sa pagkabigla. Napatigil silang tatlo sa ginagawa at agad na nilingon ang elementong gumambala sa kanila. Ngunit imbes na lamang-lupa, isang napakaguwapong nilalang ang bumulaga sa kanila.
“Señorito Brent!” gilalas na saad ni Raye. Ito ang unang nakahuma sa kanilang tatlo. Kahit pulos bula pa ang mga kamay ay agad silang hinila nito patayo.
“Relax,” natatawang wika ni Brent. “Ako lang ‘to. Para naman kayong nakakita ng multo.”
Pinagpag ni Ada ang mga kamay sa hangin at tinapik-tapik ang dibdib. “Señorito, naman. Balak mo ba kaming patayin sa sobrang gulat?” hindi niya napigilang saad.
Pasimple siyang binundol ni Raye. “Hoy, bruha ka! Baka nakakalimutan mo kung sino kausap mo.” Inayos nito ang buhok at nginitian nang pagkatamis-tamis ang binatang amo. “Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo, Señorito?”
Napatingin silang lahat kay Lowie nang bigla itong tumili at napasapo sa tiyan. “Aray ko, aray ko!” disimuladong daing nito. Hinampas-hampas pa nito si Raye sa braso at saka hinila-hila sa manggas. “Halika, samahan mo ako, ‘te. Biglang sumakit ‘yong tiyan ko.”
“Bakit, ‘day? Manganganak ka na?!” nanlalaki ang mga matang usal ni Raye.
“Gaga, hindi ako buntis! A-ano lang,” makahulugang tumingin si Lowie kina Ada at Brent, “a-ano, nababanyo ako. Tara, dali! Samahan mo ako. Takot pa naman ako sa multo at kapre!”
Hindi alam ni Ada kung nagpipigil ba ito ng tawa o talagang nagpipigil ng masamang hangin. Halata rin sa mukha ni Raye na ayaw nitong samahan si Lowie.
“Ako na lang ang sasama sa iyo,” prisinta niya baka kasi doon pa magkalat si Lowie sa laundry area. Mahirap na.
“Hindi!” matigas na tanggi ni Lowie. “Si Raye dapat. Sa kaniya lang takot ang mga masasamang espiritu at engkanto.”
BINABASA MO ANG
DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)
RomanceCOMPLETED ✔️ ⭐️ A RomancePH official "Kilig All Year 'Round" read. DAYLIGHT IN SAN GUEVARRA MINI SERIES BOOK 1 Umpisa pa lamang ay hindi na maganda ang impression na naiwan ni Ada kay Brent Esplana. Papaano'y disaster ang una nilang encounter; hin...