Kabanata 20

12.7K 476 6
                                    

HABANG ang dalawang kasama ay kalmado lang at tila nag-e-enjoy sa pagsisilbi, ibang level naman ang pagkaasiwang nararamdaman ni Ada. Nahihirapan siyang kumilos dala ng presensiya ni Brent. Para siyang lalamunin niyon at pakiwari niya’y kaunti na lang ay dudulas sa kaniyang mga kamay ang mangkok. Mukha pa naman iyong katumbas ng dalawang taon niyang sahod—o baka nga higit pa.

     Hoy, Adalina, magtrabaho ka nga nang maayos! saway niya sa sarili.

     Napalunok ang dalaga at pilit na pinanatili ang ngiti sa mga labi habang nagsisilbi. Ngunit sa gilid ng kaniyang mga mata, kitang-kita niya ang pagdantay ng mga tingin ni Brent sa kaniya. Hindi tuloy matahimik ang kaniyang dibdib.

     Bakit ba kasi gano’n siya makatingin sa ‘kin? Hindi pa rin ba siya nakaka-get over sa major, as in, major major transformation ko noong isang linggo?

     Hindi mapangalanan ni Ada ang nangyayari sa kaniya. Napakaraming tanong ang bumabaha sa kaniyang isip. Bakit ganito ang nararamdaman niya? Bakit daig pa ng sirena ng bumbero ang kabog ng puso niya?

     Magpa-albularyo kaya ako? Baka naman nagalaw ko lang ‘yong nuno sa punso roon sa likod ng bahay namin?

     Pero baka naman . . . Ah! Hindi! Hindi, hindi. ‘Di puwedeng mangyari ‘yon. Erase, erase!

     Bahagya niyang inalog-alog ang ulo. Naputol ang pakikipagdebate niya sa kaniyang sarili nang may marinig siyang malalim na boses sa kaniyang tabi, malapit sa kaniyang kaliwang tainga. Mula sa pagkakayukod, dumiretso siya ng tayo at tumingin sa lalaking nagsalita. Nakapihit ito paharap sa kaniya habang ang isang kamay ay prenteng nakapatong sa sandalan ng silya nito. Hindi ito naipakilala sa kanila, pero malaki ang pagkakahawig nito kay Sir Felix.

     Napakurap siya. “A-ano po ulit ‘yon, Sir?” Hindi kasi klaro sa kaniya ang sinabi nito dahil nga kung saan-saan napapadpad ang kaniyang isip.

     “Tinatanong ko kung ano ang pangalan mo,” mabagal nitong wika. Base rin sa  boses nito, parang mas bata ito nang ilang taon kay Sir Felix.

     “Ah,” ngumiti siya, “Ada po.”

     Tumangu-tango ang lalaki. “Ada, hmm,” ulit nito sa kaniyang pangalan sabay sipat sa kaniyang kabuuan. Naasiwa ang dalaga sa paraan ng pagsuyod nito sa kaniyang katawan. Saglit na nagtagal ang tingin nito sa kaniyang dibdib bago muling umakyat sa kaniyang mukha. “Kung alam ko lang na mayroon pala kaming maid dito sa mansion na ubod ng ganda, inagahan ko sana ang aking pag-uwi.”

     Napalunok si Ada. Hindi gusto ng dalaga ang tono ng pananalita nito. Para itong may binabalak na hindi maganda. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito kaya ginantihan niya na lamang ito ng isang kiming ngiti. Ayaw niya naman magmukhang walang galang.

     “Oh, goodness, Rick,” ani Doña Luzia sa naninitang tono, “she’s new, and please, spare my maids.”

     Bumaling sa katabing ginang ang tinawag nitong Rick. “Mama, gusto ko lang naman siyang makilala. Ang isang lalaki ay hindi dapat pinapalampas ang ganitong pagkakataon. It’s not everyday that I get to see a woman with such beauty.”

     “Son, donʼt make me repeat myself,” saad ulit ni Doña Luzia sabay punas sa mga labi nito gamit ang table napkin.

     “Magtiyuhin nga kayo ni Brent, manang-mana siya sa ‘yo,” pabirong sabi pa ni Don Alonzo.

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon