NAGTATAKANG nilingon ni Ada si Aling Sita. “Pinapatawag po ako ni Señorito Brent?”
Ngumiti ang ginang. “Oo, hija. Naroon siya sa silid-aklatan.”
Bantulot na tinigil ng dalaga ang pag-ikot ng washing machine at saka naghugas ng kamay. “Sigurado po kayo, Aling Sita? Ako raw po talaga?”
Natawa ito. “Wala pa namang problema ang pandinig ko kaya sigurado akong ikaw ang pinapatawag niya.”
Pero halos kararating ko pa lang sa mansion. Hindi ba’t tuwing tanghali ang usapan namin? pipi niyang usal.
Pinasalamatan ni Ada si Aling Sita bago siya tumalima. Hindi niya nakita ang lalaki roon kaya nang balikan niya ang ginang para tanungin kung nasaang dimensiyon si Brent ay tinawanan lamang siya nito at sinabing nasa lumang aklatan ang binata sa ikaapat na palapag.
Sa sobrang taas at dami ng mga baitang na inakyat niya, kandahingal-hingal si Ada bago niya narating ang silid na tinutukoy ni Aling Sita.
Mas malaki ang aklatan na iyon kumpara roon sa nasa ikalawang palapag. Sa tantiya ni Ada ay doble niyon. Base rin sa hitsura ng mga librong naroroon, pulos luma at halatang hindi na nabubuklat ang mga iyon. Saglit pa siyang naglakad-lakad bago natagpuan ang hinahanap na lalaki sa malawak na balkonahe ng silid.
Nakapatong ang magkabilang siko ni Brent sa metal na balustre at mukhang hindi nito napansin ang kaniyang presensiya dahil nanatili itong nakatanaw sa malayo. Imbes na tawagin agad ang binata, saglit niya munang pinagsawa ang mga mata rito. Likod lamang nito ang nakaharap sa kaniya pero kahit gano’n ay napakapresko pa rin nito pagmasdan.
Ang natural na tsokolate nitong buhok ay gulo-gulo at sinasayaw ng hangin. Malakas at malamig ang simoy na tumatama sa balat ng binata ngunit tila hindi nito iyon alintana sa suot na manipis na sando at shorts. Hindi napigilan ng dalaga na sundan ng tingin ang hulma ng mamasel-masel nitong mga braso.
Kinurot niya ang sarili.
“Señorito,” pukaw ni Ada sa atensiyon ni Brent bago pa siya tuluyang sapian ng mahalay na kaluluwa ni Raye at mapagnasaan pa niya sa isip ang amo.
Nakalimutan niya yatang huminga nang humarap ito sa kaniya.
Anak ng sampung itlog na pula. Bakit lalo siyang gumuguwapo? ‘Yong totoo, nagayuma ba ako ng lalaki na ‘to?
“Finally.” Lumapit ang binata sa kaniya. “Kanina pa kita hinihintay. Bakit ang tagal mo?”
“Naaliw kasi akong panoorin ka,” hindi niya napigilang isatinig.
“What?”
“Este, ano, sa . . .” itinuro niya ang mga bundok na natataw mula sa balkonahe, “sa tanawin po, Señorito. Naaliw akong panoorin ‘yong mga bundok.”
Mukha namang kumbinsido ito dahil muli nitong tinapunan ng tingin ang balkonahe. “I know, right? I didn’t know na mas maganda pala ang view rito,” pero sa huli nitong mga salita ay sa kaniya na ito nakatingin. Hindi niya tuloy mapigilang isipin kung siya ba ang tinutukoy nitong “magandang view”.
Feelingera! sita sa kaniya ng isang bahagi ng kaniyang isip.
Pilit niyang tinuwid ang likod. “P-pinatatawag mo raw ako?”
“Oo,” tugon nito at naglakad patungo sa isang cabinet.
Sumunod siya rito. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang may hinugot itong isang pumpon ng daisy. Napakarami niyon at sa tingin niya’y hindi lang iyon iisang dosena.
BINABASA MO ANG
DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)
RomanceCOMPLETED ✔️ ⭐️ A RomancePH official "Kilig All Year 'Round" read. DAYLIGHT IN SAN GUEVARRA MINI SERIES BOOK 1 Umpisa pa lamang ay hindi na maganda ang impression na naiwan ni Ada kay Brent Esplana. Papaano'y disaster ang una nilang encounter; hin...