Kabanata 28

13.3K 535 44
                                    

DITO na lang ‘yan, Raye,” ani Ada sa kaibigan sabay nguso. Pagkatapos na pagkatapos kasi nilang mag-almusal, nakisuyo siya rito na tulungan siyang dalhin ang mga labada sa laundry area.

     Nakatikwas ang mga hinliliit na sh-in-oot ni Raye ang mga iyon sa itinuro niyang lalagyan. “Alam mo, im peyrnes, kahit marurumi ang mga damit nila, ambabango pa rin. Ang sarap ipansapin sa higaan!” tila kinikiliti pang saad ng bruha.

     “Truth! Samantalang tayo, mapawisan lang nang kaunti, kadirdir na agad. Bakit kaya gan’on sila, ‘no? Ano kaya sabon nila?” tatawa-tawang sabi ni Ada.

     “Baka mamahalin, tipong imported. Tayo kasi, Perla lang.”

     Napa-apir sila sa isa’t isa. “Oh, ba’t imported din naman ‘yon, ah?” aniya.

     “Sa’n?”

     “Sa tindahan.”

     Pumainlang ang tawanan nila sa paligid. “Lukaret! Hindi ‘yon imported!” anang pa nito. “‘Yong tinutukoy ko, mga in-import mula sa ibang bansa.”

     Napakamot si Ada sa ulo. “Ay, ‘yon ba ‘yon?”

     “Jusko, ‘te. Sabay naman tayo pumapasok sa eskuwelahan noon, ah? Pero an’yare sa iyo?” iiling-iling pang sabi ni Raye. Dinampot nito ang isang t-shirt na pag-aari ni Brent at saka inamoy-amoy. “Bango talaga! Iba talaga pagpawisan ang mga mayayaman, cologne ang lumalabas sa balat nila. Try ko rin kaya minsan lumaklak ng pabango?”

     “Oo, ‘tapos, tigok ka na kinabukasan,” aniya sabay hablot ng damit ni Brent. “Maawa ka sa t-shirt, hoy.”

     Napasimangot ang kaibigan niya. “Tigok agad? Hindi puwedeng malason muna?”

     “Doon na rin naman punta n’on.”

     Pabiro siya nitong inambahan. Maya-maya’y pumamaywang ito. “Teka, ito na ba lahat? Puwede ko na bang i-spread ang aking beautiful wings pabalik sa kusina?”

     Sunod-sunod siyang tumango at saka tumalikod na kay Raye para hagilapin kung saan niya iniwan ang mga sabon kahapon. “Wala na, nababa na natin lahat. Sala . . . mat.”

     Nagmistulang bulong ang karugtong ng huling sinabi ni Ada nang mapansin ang isang bulaklak na nakapatong sa takip ng washing machine. Kunot ang noo na lumihis siya ng lakad at dumiretso roon. Ngunit hindi pa man din siya tuluyang nakakalapit ay napasinghap na agad siya.

     Hindi lang iyon kung anong bulaklak! Ito ang paborito nila ng kaniyang Nanay Cecile!

     Nahihiwagaang dinampot niya ang isang tangkay ng daisy at ibiniling-biling. Halos kasinlaki ng palad niya ang bulaklak. Biglang lumabas sa balintataw niya ang imahe ni Brent. Mariing pumikit si Ada upang palisin iyon. Imposible namang bigyan siya ni Brent ng bulaklak.

     Ano siya, special?

     Hopia na lang ang special ngayon. At saka si Lin.

     Isa pa, hindi ganitong daisy ang naalala niyang ibinigay nito kay Caitlin. Ang hawak niya ngayon ay may napakahabang tangkay at malalaking mga talulot. Halos kasinlaki ng bulaklak ang palad niya.

     Biglang sumulpot si Raye sa gilid ni Ada. Hindi pa pala ito nakakaalis. Pinakatitigan nito ang hawak niya. “Uy, ‘taray, bulaklak!” Pabiro siya nitong pinaningkitan ng mga mata at binundol-bundol sa balikat. “Peyborit mo ‘yan, ‘di ba? Ikaw, ha! Kailan ka pa nagkar’on ng manliligaw? Ba’t wala kang sinasabi sa ‘kin? Bruhang ‘to, nauungusan na ang alindog ko.”

DIS #1: Truly, Madly, Deeply ✓ (To Be Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon