Makalipas ang dalawang taon...
Abalang abala si Janine sa pagiimpake ng kaniyang mga gamit. Hindi niya alam kung paano pagkakasyahin ang mga damit na dala sa kaniyang maleta ngunit may mga ngiti pa rin na nakasabit sa kaniyang labi. Sa wakas ay makakapagbakasyon na rin siya. Dalawang taon na rin pala simula nang nangyari ang kalagiman na gusto na niyang kalimutan. Dalawa sila ni Piyo sa barkada nila ang tanging nakapagtapos ng pag aaral. Pagkatapos nito ay nagpunta siya sa syudad para tuparin ang pangarap at magtrabaho. Dito siya nakakilala ng mga bagong kaibigan at nakalimot sa nakaraan.
Tumunog ang cellphone ni Janine na siyang nagpagulantang sa kaniya. Kaagad naman niyang hinanap iyon sa gitna ng kalat sa kaniyang higaan. Nagulat siya sa nakitang pangalan ngunit sinagot pa rin niya ang tawag.
"Hello," halos sabay na bigkas ng mga tao sa magkabilang linya.
"Janine," sabi ng lalaki sa telepono. "Kumusta na? Ang tagal na nating hindi nag usap ah."
"Oo nga eh," sagot ni Janine. "Okay naman ako Piyo. Ayun, overtime lagi sa trabaho pero masaya naman. Eto nga at sa wakas ay naaprubahan ang birthday leave ko. Nag iimpake na ako para sa bakasyon ko."
"Ha?" Gulat na tanong ni Piyo. "Balak pa naman sana kitang surpresahin. Andito kasi ako ngayon malapit sa lugar niyo kaso hindi ko alam kung saan ka dito nakatira. May kliyente kami dito at binisita ko lang. Maagang natapos ang meeting ko kaya naisip kong bisitahin kita. Sakto at birthday mo pa nung nakaraang araw. Anong oras ba ang alis mo?"
"Mamayang gabi pa naman," sagot naman ni Janine. "Naexcite lang akong mag impake kaagad."
"Mamaya pa pala eh," sagot ni Piyo na halata ang pagkasiya sa tono ng boses. "Magkita naman tayo kahit kape lang. Ang tagal na ng dalawang taon. Magkwentuhan naman tayo."
"Dalawang taon na ba yun?" Pagbibiro ni Janine. "Hay nako. Basta ba libre mo? Balita ko milyon milyon na daw ang kinikita mo sa trabaho mo."
Tumawa ng malakas si Piyo sa mga sinabi ni Janine. "Grabe ka naman!" Wika niya. "Saan mo naman nabalitaan yung kasinungalingan na yon? At saka hindi ba dapat ikaw ang manlibre dahil birthday mo?"
"Diyan lang sa tabi tabi," paliwanag ni Janine. "Tapos na ang birthday ko. Wala ng libre. O ano? Magkakape ba tayo o hindi?"
"Oo na," pagsuko ni Piyo. "Basta sa susunod ikaw naman manlilibre ah. Saan pala tayo magkikita?"
"Mmm," sabi ni Janine. "Okay lang ba na sunduin mo ako dito sa apartment ko? Tulungan mo na din akong mag impake para hindi ako magmamadali mamaya."
"Mali yata na tumawag ako sayo ah," pagbibiro ni Piyo.
"Sige na Piyo," pangungulit ni Janine. "Bumawi ka naman sa dalawang taon nating hindi pagkikita."
"Hay nako Janine," sagot ni Piyo. "Hanggang ngayon hindi ka pa rin nagbabago. Sige. Saan ba yung sa inyo dito?"
"Thank you!" Maligayang sagot ng kaibigan. "144 Alonzo Residence Tower 2, Room 1609. Sasabihin ko nalang sa guard na may bisita ako. Basta kumatok ka nalang dito."
Pagkatapos noon ay nagpaalaman na ang dalawa. Hininto naman ni Janine ang pagiimpake at binuksan ang kaniyang ref para maghanap ng pwede nilang miryendahin na magkaibigan. Nakakita siya ng cake at pizza na natira niya noong kaarawan niya at pinainit nalang niya ito. Habang nagiintay ay tumawag na rin si Janine sa guard para ipaalam ang tungkol sa paparating na bisita.
Isang oras ang nakalipas ngunit hindi pa rin dumadating ang nasabing bisita ni Janine. Malamig na ulit ang pinainit niyang pagkain.
Pinadalhan niya ng mensahe ang kaibigan at tinanong kung nasaan na siya ngunit hindi ito sumagot. Napagpasyahan niyang tawagan ito ngunit ring lang ito ng ring.
Nagsimula ng kabahan si Janine sa asal ng kaibigan ngunit naibsan ang mga ito pagkatapos ng ilang minuto dahil sumagot na ang kaibigan.
Pasensya na at hindi ko sinagot ang tawag mo. May pulis kasi sa daan. Traffic pa papunta sa inyo. Eto at nasa baba na ako ng building niyo.
Ngumisi si Janine sa nabasa at nagsimula siyang sumagot sa kausap.
Dapat kasi bumili ka na ng helicopter para naman iwas traffic. Barya lang naman sayo yun. Haha.
Pagkapadala niya ng mensahe ay nakarinig siya ng katok mula sa kaniyang pintuan. Kaagad naman siyang nagmadali para pagbuksan ang bisita.
Pagkabukas niya ng pinto ay wala siyang nakitang tao ngunit tumambad sa kaniyang harapan ang isang kahon na puno ng palamuti at magarang balot. Napangiti naman siya at binuhat ang kahon na may kabigatan. Lumingon lingon siya sa paligid para hanapin ang kaibigan ngunit wala ito.
"Traffic pala ha!" Sigaw ni Janine sa pasilyo na may halong tuwa. "Eto pala ang surprise na gusto mong ibigay. Lumabas ka na Piyo!"
Ngunit walang lumabas na tao sa kaniyang pagtawag. Sinimulan niyang maglakad lakad sa pasilyo para hanapin ang kaibigan ngunit nabigo ito sa paghahanap. Bumalik nalang siya sa loob ng kaniyang apartment at kinuha ang cellphone para tawagan ang kaibigan.
Isang nakakabinging tunog ng ringtone ang umalingawngaw sa kaniyang tinitirahan. Hinanap niya kung saan nanggagaling ang tunog at tila kinabahan siya nang napansin na nagmumula ito sa kahon. Dahan dahan niya itong nilapitan at sinuri. Pinutol niya ang pagtawag sa kausap at napahinto rin ang pagtunog ng ringtone. Dahilan para makumpirma niya na sa kaibigan nga ang cellphone na nasa loob ng kahon.
Inangat niya muli ang kahon at inalog ito ngunit napansin niya ang pagpatak ng pulang likido mula rito.
Nanginginig man ay unti unting binuksan ni Janine ang kahon. Laking gulat niya ng tumambad sa kaniya ang pugot na ulo ni Piyo. Naliligo ito sa sariling dugo at nakadilat ang mga mata.
Napasigaw siya ng malakas at nabitawan ang kahon na taban. Halos kasabay naman ng kaniyang pagsigaw ang panibagong katok sa kaniyang pintuan. Napahinto siya at pinakinggan muli ang katok. Papalakas ito ng papalakas. Nilapitan niya ito at marahan hinawakan ang door knob. Ang puso niya ang pabilis ng pabilis ang pagtibok.
Naglakas loob siya at binuksan ang pintuan. Isang tao ang nakita niya sa kabila nito. Nakangiti ito sa kaniya at nanlilisik ang mga mata. Nakasuot ito ng itim na jacket at ang pinakapansin pansin ay ang mga balat nito. Halos nagdikit dikit na ang ibang parte ng kaniyang balat dahil sa pagkakasunog. Walang parte ng kaniyang katawan ang hindi nadaanan ng apoy. Ang kaniyang ulo kung saan dapat nakalagay ang kaniyang buhok ngayon ay puno ng kulubot at namumulang peklat.
"Hi Sis," wika ng istranghero. "Happy Birthday! Nagustuhan mo ba ang regalo ko sayo?"
"A—Alex?" Nanginginig na tanong ni Janine.
"Miss me?" Tanong niya.
Hindi na hinintay ni Alex ang kasagutan ng kaibigan at inilabas na nila ang duguang kutsilyo na nakatago sa kaniyang likuran. Madiin niya itong isinaksak at ibinaon sa kaliwang mata ng kaibigan. Napaatras naman ito sa sakit na naramdaman at binalak niyang isara ang pintuan gamit ang natitira niyang lakas ngunit napigilan siya ni Alex. Hinugot ni Alex ang kutsilyo sa mata ng kaibigan at walang awang pinagsasaksak ang katawan nito hanggang sa malagutan ng hininga. Nagtalsikan ang mga dugo sa apartment ni Janine. Nang napansin ni Alex na patay na ang kaibigan ay tumigil na ito. Tumingala siya at ngumiti bago magsalita.
"Tapos na Tay!" Sabi niya sa kawalan. Ang mga mata niya ay halos maluha na sa kasiyahan. "Sa wakas ay naipaghiganti ko na kayo ni Nanay!"
Pagkatapos nito ay tumawa siya ng malakas. Tanging halakhak lang niya ang maririnig na umaalingawngaw sa duguang tirahan na iyon.
A/N:
...and that everyone concludes The Game!!! 😄😄😄
Sana po nagustuhan niyo every chapter at twist ng story!Wala na akong masasabi pa. Basta you guys will always have my gratitude! Salamat sa journey.
Please share your thoughts about this one!
See you neks time pag sinipag akong magsulat muli! 😜😜
-Arkhination
140918
BINABASA MO ANG
The Game (Completed)140918
HorrorSa di inaasahang pagkakataon ay natagpuan ng mga magkakaibigan na sina Janine, Alex, Hannah, Elle, Piyo, Miggy at Ed ang isang Ouija Board. Inakalang ito ay simple lamang na laro at walang katotohanan, sinubukan ng mga magkakabigan na maglaro nito. ...