Part 1

51.1K 875 8
                                    

KUMUNOT na ang noo ni Almira at kanina pa inip na tinatapik ng daliri ang lamesa sa kanyang silid habang nakatutok ang tingin sa screen ng laptop niya. Nakabukas ang skype niya at kanina pa kino-kontak si Julian. Napatingin siya sa oras sa laptop niya. Bakit kaya ang tagal nito sumagot? Dati ay ganoong oras sila nag-uusap sa skype. Kahit kasi nasa magkabilang panig sila ng mundo ay nagkataong pareho nilang day-off. Araw nga lang sa Pilipinas habang sa Las Vegas kung nasaan ang lalaki ay gabi.

Ilang minuto pa siya naghintay bago sa wakas ay kumonekta ang video call. Napaderetso ng upo si Almira nang makita na sa screen ang loob ng flat na tinitirhan ni Julian sa Las Vegas. Kasunod niyon ay umupo sa harap ng laptop nito ang lalaki at nakita na rin niya sa wakas ang mukha ng kanyang matalik na kaibigan mula pa noong high school siya. "Hey. Sorry, I'm late. Lumabas ako sandali eh," sabi nito. Pagkatapos ay ngumiti. "Kamusta na ang maganda kong bestfriend? May boyfriend na?"

Naitirik ni Almira ang mga mata pero hindi naman napigilan ang ngiti. Ganoon ang epekto ng ngiti ni Julian kahit kanino. Sa kasamaang palad, kahit ilang dekada na ang naging pagkakaibigan nila ay hindi pa rin siya immune sa charming at boyish smile ng matalik niyang kaibigan. Palibhasa ay guwapo ang loko. "Wala. Hindi na yata magkakaroon. Huwag na nga iyan ang una mong tinatanong tuwing mag-uusap tayo."

Natawa si Julian. "Alam mo, sa tingin ko talaga may problema ang taste ng mga lalaki diyan sa Pilipinas kung hindi ka nila nililigawan. Seriously, what's wrong with them? Bakit hindi nila makita ang maganda, matalino at mabait na babaeng nakikita ko sa harap ko ngayon?"

"Hay, Julian. Maboka ka pa rin. Sa tingin ko walang problema sa kanila. Ikaw lang talaga ang bilib na bilib sa akin," sagot ni Almira. Dahil hindi siya naniniwalang kasing ganda siya na tulad ng palaging sinasabi ng mga magulang niya at ni Julian. Hindi siya pangit pero sa tingin niya ay average lang ang hitsura niya. Lalo at makapal ang grado ng salamin niya sa mga mata na palagi niyang suot. Bukod doon ay araw-araw siyang nakakakita ng mga guest na ubod talaga ng gaganda dahil sa hotel siya nagtatrabaho.

Mukhang bobolahin pa siya ni Julian kaya agad na niyang iniba ang usapan. Kinamusta niya ang trabaho at buhay nito sa Las Vegas. Agad namang nagkwento ang lalaki. Isang dekada na mula nang magtungo doon ang matalik niyang kaibigan para magtrabaho sa isang airline company sa McCarran International Airport. Dati ay taon-taon itong umuuwi ng Pilipinas para magbakasyon sandali, lalo at bahagi ng benefits nito sa pagiging empleyado sa airline company ay ilang free trips o kaya ay discounted trips sa kung saang bansa nito maibigan kada taon.

Pero nitong nakaraang tatlong taon ay hindi na ito umuuwi dahil abala daw. Ayaw naman sabihin kung ano ang pinagkakaabalahan. Tinanong niya ang mga magulang nito na kapitbahay lang nila pero hindi rin alam ng mga ito. Nagtatampo nga rin daw ang nanay ni Julian na hindi na umuuwi ang lalaki.

"Sana makapunta ka rito sa susunod, Almira. I want to show you Las Vegas," masiglang bulalas ni Julian makalipas ang halos kalahating oras na pag-uusap nila. "Hey! Tama. You should do it. Pumunta ka dito. Magbakasyon ka naman dahil mula noon ay puro trabaho na lang ang inatupag mo."

Napabuntong hininga siya at napailing. "Para namang ang dali lang magpunta diyan at afford ko, 'no?"

May pera man si Almira ay nasa savings account niya at ipon niya mula pa noong napatapos niya sa wakas ng pag-aaral ang bunso niyang kapatid. Siya kasi ang panganay sa tatlong magkakapatid at nag-iisang babae. Hindi sila mayaman at ang kabuhayan lamang ng mga magulang niya noon ay isang maliit na puwesto sa palengke kaya siya ang nagpaaral sa mga kapatid niya nang makapagtrabaho siya. Sa awa ng Diyos ay nairaos naman niya ang pag-aaral ng dalawa niyang kapatid.

Pero ilang taon lang mula nang magsimulang magtrabaho ay hayun, nagsipag-asawa at ngayo'y may tig-isa nang anak. At dahil mga hindi pa kayang bumukod ay doon din sa bahay nila nakatira. Ang ginawa na lang ay nagpa-extend ng dalawang kuwarto sa magkabilang gilid ng bungalow type nilang bahay para may privacy ang dalawang pamilya. Si Almira ay gamit pa rin ang may kaluwagang silid na noong mga bata pa sila ay gamit nilang tatlong magkakapatid. Inalis na lang niya ang double deck na dati ay naroon. Katabi ng silid niya ay sa kanyang mga magulang.

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon