KINABUKASAN nakatanggap ng tawag si Almira mula kay Brad. Kauuwi lang niya sa bahay nila at ni hindi pa nga nakakarating sa silid niya. Gising na ang pamilya niya. Ang nanay at tatay niya ay kanina pa daw nagpunta sa palengke, sa pwesto nila doon. Ang mga hipag niya ay abala sa kusina, naghahanda ng kakainin at babaunin ng mga asawa at mga anak. Ang mga pamangkin naman niya ay nanonood ng pang-umagang cartoons sa telebisyon. Ang nangyari tuloy ay maingay na sa bahay nila dahil magkanugnog lang naman ang kusina at sala nila.
Kaya nang walang ingat na sinagot niya ang cellphone niya at napa-"Hello, Brad?" siya ay narinig siya ng pamilya niya at napatingin sa kaniya lahat. Natigilan si Almira at nagtaka sa reaksiyon ng mga ito. Bakit parang manghang mangha ang pamilya niya? Kinunutan niya ng noo ang mga ito bago nagmamadaling nagtungo sa kanyang silid upang kausapin si Brad.
"Brad?"
"Hey. Nasa Visperas Hotel ka pa rin ba?"
"Hindi. Kauuwi ko lang. Napatawag ka?" Umupo sa kama si Almira nang marinig ang malalim na buntong hininga ni Brad. "Tungkol ba ito sa dinner na pinuntahan mo?" nag-aalalang tanong niya.
"Yeah," sagot ng lalaki na muling bumuntong hininga. Pagkatapos ay sinabi nito sa kaniya ang mga nangyari sa dinner at ang naging pag-uusap nito at ng ina. "So, gusto kitang ipakilala kay mommy. Is that okay with you?" pagtatapos nito.
Kinabahan si Almira dahil sigurado siyang hindi gusto ng mommy nito ang ideya na may karelasyon si Brad na iba. "Kailangan ko naman talagang harapin ang mommy mo kung desidido kang panindigan ang marriage natin. Kaya okay lang sa akin." Natahimik sa kabilang linya. Napakunot noo siya at napatingin pa sa cellphone niya dahil baka naputol ang tawag nila pero connected pa rin naman. Nang muli niyang ibalik sa tainga ang gadget ay napa-hello pa siya upang siguruhin na naririnig pa rin siya ng lalaki.
"Sorry, I'm just thinking," sagot ni Brad.
"Thinking about what?"
"Na dapat ako muna ang pumunta sa inyo para pormal na magpakilala sa pamilya mo. Iyon ang tama."
Sumikdo ang puso ni Almira at umawang ang mga labi sa sinabi ni Brad. "P-pupunta ka sa amin?"
"Yes. Ikinasal ka na nga na hindi nila alam hindi pa ba ako magpapakita sa kanila? Besides, gusto kong makita kung ano ang hitsura mo kapag nasa bahay ka at napapalibutan ng pamilya mo, Almira," sagot ni Brad na kahit hindi niya nakikita ay nahihimigan naman niya sa boses nito na nakangiti.
Nakagat niya ang ibabang labi at uminit ang mukha. "May point ka naman," usal niya.
"Bakit parang mas kinabahan ka pa na gusto kong makilala ang pamilya mo kaysa nang sabihin kong gusto kang makilala ni mommy?" takang tanong ni Brad.
Napahinga siya ng malalim at napatitig sa pinto ng kuwarto niya. Nakikinita niya ang pamilya niya na nasa kabilang bahagi ng pintong iyon. "Hindi pa ako nagpakilala ng lalaki sa pamilya ko kahit isang beses lang. Magugulat sila kapag nakilala ka," naamin ni Almira bago pa niya napigilan ang sarili.
Natahimik na naman sa kabilang linya maliban sa tila paghigit ni Brad ng hininga. Pagkatapos ay tumikhim ito. "Then I'm honored to be the first man you will introduce to your family."
Hindi nakahuma si Almira at biglang may bumikig sa lalamunan niya. Uminit din ang kanyang mga mata lalo at halata sa tinig ni Brad na tuwang tuwa ito sa ideya na ito ang unang lalaki na ipapakilala niya sa kanyang pamilya. Sa totoo lang ay matagal na siyang sumuko na darating pa ang araw na magpapakilala siya ng karelasyon sa mga magulang niya. At may palagay siya na malapit na ring mawalan ng pag-asa ang pamilya niya. Kaya tuloy nagiging emosyonal siya ngayon. "Okay," nausal na lamang niya habang pilit kinakalma ang emosyon. Pagkatapos, dahil lang hindi talaga niya mapigilan ay ngumiti siya at umusal ng, "Thank you, Brad."
"Para saan?" tila amused na tanong ng lalaki.
Nagkibit balikat siya kahit na hindi naman siya nito nakikita. "For being responsible and kind." Tumikhim si Almira dahil may palagay siyang malapit na gumaralgal ang tinig niya. "Anyway, pag-usapan natin kung kailan ka pupunta dito at kung kailan naman ako makikipagkita sa mommy mo."
Hinayaan ni Brad na ibahin niya ang usapan. Pinag-usapan nila na sa susunod niyang off ay saka ito pupunta sa bahay nila nang tanghali. Sa susunod naman niyang day off ay saka naman sila makikipagkita sa ina nito. Maya-maya ay hindi napigilan ni Almira ang paghikab dahil wala pa siyang tulog kaya nagpaalam na si Brad at nangako na tatawag uli.
Kahit tuloy nang matutulog na siya ay ang lalaki pa rin ang nasa isip niya. Maging ang nakatakda nilang pagpapakilala sa pamilya ng isa't isa.
HINDI nagkaroon ng pagkakataon si Almira na sabihin sa pamilya niya ang pagdating ni Brad maliban sa mismong araw ng day off niya. Hindi kasi siya nakahanap ng tiyempo dahil napapangunahan siya ng kaba. Kapag naman handa na siyang magsabi ay nauunahan siya ng mga pamangkin niya sa pagkukwento tungkol sa school. Kaya nang umaga na iyon, na tiyempong hindi papunta sa palengke ang mga magulang niya, ay huminga siya ng malalim at malakas na nagsalita.
"May darating po akong bisita mamayang tanghali ha?" sabi niya.
"O sige magdadagdag ako ng luto," sabi ng kanyang ina na hindi nakatingin sa kaniya. Katunayan ay nawala na sa kaniya ang atensiyon nito at napunta na sa mga pamangkin niya. May palagay pa nga si Almira na hindi masyadong rumehistro sa pamilya niya ang kanyang sinabi.
Kaya naman hindi na siya nagtaka nang magulat ang mga ito pagsapit ng tanghali at humimpil sa tapat ng bahay nila ang kotse ni Brad. Sa totoo lang ay nagulat din si Almira na dumating sa tamang oras ang lalaki at mukhang hindi naligaw kahit na isang beses lang niya sinabi rito ang direksyon papunta sa kanila.
"Sino ang bisita mo ate Almira?" manghang tanong ng isa niyang hipag. Lahat kasi ay nakasilip sa labas ng bahay nila at nakatingin kay Brad na bumaba na sa kotse nito.
Inatake ng kaba si Almira at tumikhim. "Boyfriend ko," sagot niya at saka binuksan ang pinto upang salubungin ang lalaki.
Agad na napatingin sa kaniya si Brad at nang magtama ang kanilang mga paningin ay malawak na ngumiti at kumislap pa ang mga mata na para bang tuwang tuwa itong makita siya. Nahigit ni Almira ang hininga dahil may nagliparang mga paru-paro sa sikmura niya dahil sa ngiting iyon na nakapaskil sa mga labi ng lalaki habang naglalakad palapit sa kaniya.
"Hey," bati nito sa kaniya nang makalapit. Hindi pa doon natapos ang pagbati ni Brad. Yumuko pa at hinalikan siya sa gilid ng mga labi na para bang natural nilang ginagawa iyon tuwing nagkikita sila. Natigilan tuloy si Almira at ilang segundong nablangko ang isip na napatitig lamang sa guwapong mukha nito. Umangat ang mga kilay ni Brad, muling inilapit ang mukha sa kaniya at bumulong, "We are supposed to be in a relationship, remember?"
Napakurap siya at noon napagtanto na hinalikan siya nito para makita ng pamilya niya. "Oo nga pala," mahinang nausal rin ni Almira. Nang muling ngumiti si Brad ay itinaas niya ang noo at ngumiti na rin. "Pwede na ba ang ganitong ngiti?" tanong niya.
Natawa si Brad at pinisil ang baba niya. "Yes." Lumampas ang tingin nito sa kaniya at kumislap ang amusement sa mga mata. "Nakasilip sa atin ang mga tao sa bahay ninyo. Dapat mo na akong ipakilala sa kanila bago pa lumuwa ang mga mata nila."
Uminit ang mukha ni Almira at napalingon sa bahay nila. Tumikhim siya at kusang ginagap ang kamay ni Brad at hinatak ang lalaki palapit sa pamilya niya.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)
Romance"Kailangan lang palang makilala ko ang tamang babae para gustuhin kong lumagay sa tahimik. Mabuti na lang, nakilala kita." Brokenhearted si Almira nang makita niya si Brad sa pangalawang pagkakataon sa Las Vegas. Ang dating masayahin at laging may n...