Part 32

32K 745 16
                                    


NAGPASALAMAT na ngumiti si Brad at tinawid ang pagitan ng kanilang mga mukha upang gawaran siya ng masuyong halik sa mga labi. "Thanks," bulong nito.

Matamis na ngumiti si Almira at sandaling niyakap na lamang muli ang lalaki. Lihim siyang napabuntong hininga. Maisip pa lang na may nagagawa siya para kay Brad, na napapangiti niya ito ng ganoon ay lumolobo na ang puso niya, naghuhumiyaw nang, Hay, mahal ko na talaga ang lalaking ito.

Nang tumimo iyon sa isip niya ay para naman siyang maiiyak. She was overwhelmed with her emotions. Kailangan niya pagaangin ang usapan. Kaya tumikhim si Almira at nasabi ang unang sumagi sa kanyang isip, "So, sino ang first love mo? Si Anje ba ng bandang Wildflowers ang tinutukoy ni Mathea kanina?"

Halatang nabigla si Brad sa pagbabago niya ng usapan. Pagkatapos ay bahagya itong natawa at umayos na ng upo. "Well, yes. But that was a long time ago. High School pa lang kami. Katunayan ay noong nagkita kami sa amerika dahil gagawin ko ang anniversary feature film nila ay ako pa ang naging confidante niya sa problema nila ng ngayon ay asawa na niya. Iyong asawa niya ang talagang kaklase ko dati."

Namilog ang mga mata ni Almira. "Magkakilala na kayo ni Anje bago pa siya naging member ng Wildflowers?"

Napangiti ang lalaki at tumango. "Sa susunod ipapakilala kita sa kaniya at sa iba pa niyang kabanda. Mababait ang mga iyon. Busy na nga lang sa kani-kanilang asawa."

"Talaga? Ipapakilala mo ako? Sobrang fan ako," sabik na nabulalas niya.

Naging masuyo ang ngiti ni Brad at pinisil ang kanyang baba. "Alam ko." Pagkatapos ay napailing ito at binuhay na ang makina ng sasakyan. "Wow, hindi ko yata magagawang matuwa kapag ikaw naman ang nagsabi sa akin na ipapakilala mo ako sa first love mo."

Natigilan si Almira at bahagyang napangiwi. "Paano kita ipapakilala, hindi pa nga kami ulit nagkakausap ni Julian."

Napahinto sa akmang pagpapaandar ng kotse si Brad at marahas na napatingin sa kaniya. "Si Julian ang first love mo? Iyong loko-lokong nagpapunta sa iyo sa Las Vegas para lang saktan at gawing miserable?"

"Hindi naman niya intensiyon na masaktan ako. Talaga lang gusto niyang maranasan ko ang magpunta sa ibang bansa," pagtatanggol ni Almira sa kaibigan bago pa niya napigilan ang sarili. Isa iyong habit na mukhang hindi pa niya natatanggal sa sistema niya.

Tumiim ang mga labi ni Brad. Pagkatapos ay binawi nito ang tingin at pinaandar ang sasakyan. "If you say so," tipid nang sagot nito.

Napamaang si Almira sa lalaki na hindi na nagsalita habang nasa biyahe sila. Pagdating sa tapat ng bahay nila ay simpleng, "Susunduin kita bukas ng umaga" lang ang sinabi nito at pinagbuksan siya ng pinto.

"Brad, huwag kang magalit," hindi na nakatiis na sabi niya.

Bumuga ito ng hangin at umiling. "Hindi ako galit."

"Kung ganoon ay bakit nag-iba ang mood mo pagkatapos natin pag-usapan si Julian?"

Pinakatitigan siya ni Brad. "Dahil sa tingin ko ay hindi ka pa tuluyang nakaka-move on sa kaniya. Well, naiintindihan ng isip ko na hindi ganoon kadali para sa iyo ang kalimutan ang lalaking ilang dekada mong minahal. But I'm not happy about it. Hindi ko gusto ang isipin na may ibang lalaking laman ang puso mo, Almira."

Namilog ang mga mata niya sa pagkamangha. "Hindi na ganiyan ang nararamdaman ko para kay Julian!"

Malungkot na umangat ang gilid ng mga labi ni Brad. "Kung ganoon ay bakit hindi mo pa rin siya kinakausap hanggang ngayon? That only means you still have lingering affection for him. You still can't let go of the pain you felt when he broke your heart."

Natameme na lang si Almira sa naging konklusyon ni Brad. Mahal niya ang asawa pero posible ba na talagang may lingering affection pa siya para kay Julian? Paano niya kukumbinsihin si Brad na mali ito ng inaakala?

Bago pa siya may maapuhap na sabihin ay bumuntong hininga na ang lalaki at pilit na ngumiti. "Stop looking so frustrated. Hindi ko intensiyon na iparamdam iyan sa iyo. Sige na, aalis na ako. See you tomorrow." Ginawaran siya nito ng magaan na halik sa mga labi bago bumalik sa loob ng kotse nito. Walang nagawa si Almira kung hindi ang tumabi na lamang at pagmasdan ang paglayo ng sasakyan ni Brad. Pagkatapos ay pabuntong hiningang pumasok na rin siya sa kanilang bahay.

Hanggang sa matutulog na siya ay nasa isip pa rin ni Almira ang mga sinabi ni Brad tungkol sa nararamdaman niya kay Julian kaya hindi pa niya kinakausap ang kaibigan. Napahugot tuloy siya ng malalim na paghinga at napabukas ng laptop. Alam niya na baka nasa trabaho si Julian sa mga oras na iyon pero pinadalhan pa rin niya ito ng mensahe upang mangumusta. Akmang papatayin na niyang muli ang laptop nang biglang mag-video call via skype si Julian. Napaigtad si Almira at tarantang sinagot ang video call. Agad na nakita niya ang mukha ng kaibigan na tila nakahinga ng maluwag nang makita naman siya.

"Hey. At last you contacted me. Nag-aalala ako sa iyo mula nang kumalat dito ang larawan mo kasama si Brad Madrigal. Totoo ba na nagpakasal ka sa kaniya? How did you even meet him? Pinilit ka lang ba niya o ano? Tell me, are you okay?" dere-deretsong sabi ni Julian. Bakas ang labis na pag-aalala sa tinig nito.

Nakonsiyensya tuloy si Almira dahil iniwasan niya itong kausapin mula nang bumalik siya sa bansa. "Okay lang ako. At mahabang kwento ang pagkakakilala namin ni Brad. Nasisiguro ko sa iyo na walang pilitang nangyari. Okay ang relasyon namin ngayon. Kilala rin siya ng pamilya ko at tanggap nila si Brad."

Nagitla si Julian. "So... you really married him in Vegas? Paanong hindi mo sinabi sa akin ang tungkol doon?"

Sandaling pinagmasdan lamang ni Almira ang guwapong mukha nito, pinakikiramdaman ang sarili. "Dahil ikaw ang isa sa mga dahilan kaya nauwi kami sa pagpapakasal," amin niya. Pagkuwa'y bahagya siyang napangiti. "Nasaktan ako nang ipakilala mo sa akin ang fiancée mo. Doon nagsimula ang pagiging reckless ko. Kung hindi ko kasama si Brad ay baka kung ano na ang nangyari sa akin."

"B-but why? What?" litong usal ni Julian.

Huminga ng malalim si Almira at hindi inakala na darating ang araw na magiging madali para sa kaniya ang aminin ang naging damdamin niya para sa lalaki. "Dahil minahal kita, Julian. Matagal na itinago ko iyon kahit sa sarili ko dahil ayoko na masira ang pagkakaibigan natin. Kaya nasaktan ako noong ipinakilala mo sa akin ang fiancée mo. Bakit sa tingin mo pupunta ako ng Las Vegas ng dahil lang sinabi mo?"

Hindi nakapagsalita si Julian. Nakanganga lang at napakurap-kurap. Pagkatapos ay namutla at bumakas ang guilt sa mukha. "God, Almira. I'm sorry I never noticed. I –"

"Julian, okay na," natatawang pigil niya sa sasabihin pa nito. Umiling siya at ngumiti. "Okay na ako. Promise. Hindi na ganoon ang nararamdaman ko para sa iyo. Iba na ang laman ng puso ko."

Napatitig sa kaniya si Julian, mukhang nakalma na kahit papaano. "Mahal mo si Brad Madrigal?"

Sumikdo ang puso ni Almira at matamis na napangiti. Tumango siya. Dahil iyon ang totoo. Mahal niya si Brad. Kahit pa mukhang sa tingin ng kanyang asawa ay may pagtingin pa rin siya kay Julian. "At ikaw? Kamusta ang fiancée mo?" pag-iiba niya sa usapan.

Kumislap ang mga mata ng matalik niyang kaibigan at nakangiting nagkuwento. Halatang mahal talaga nito ang babaeng napiling pakasalan. Sandali pa ay napalis ang ilangan nila ni Julian. Lalo na nang siya naman ang tanungin nito tungkol kay Brad.

Napagtanto ni Almira na namiss niyang kausap ang lalaki. Namiss niya ang matalik niyang kaibigan. Higit sa lahat ay nasiguro niya sa pag-uusap na iyon na talagang wala na siyang lingering romantic feelings para kay Julian. Na ngayon at sa hinaharap ay isang lalaki na lang talaga ang laman ng puso niya. Si Brad lang.

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon