Part 2

39.2K 811 11
                                    

NAPAHINGA ng malalim si Almira sa magkahalong kaba, relief at pagkasabik habang naglalakad sa arrival area ng McCarran International Airport. Makalipas ang halos dalawang buwan na pagaasikaso ng tickets at visa, pagkatapos ng halos isang araw na travel at waiting time, ay sa wakas nakatapak na siya sa Las Vegas, Nevada. Isa iyong karanasan na sinukuan na niyang matutupad – ang makarating sa Amerika. Salamat kay Julian at sa employee's priviledge nito. Kung hindi dahil doon ay malabong gumastos siya para magpunta doon ng tatlong araw lang. Limang araw lang kasi ang leave na nakuha niya sa trabaho at dalawa sa araw na iyon ay travel time lang niya papunta at pabalik ng Pilipinas.

Nakalabas na siya mula sa Immigration Area at nakuha na rin niya ang checked-in baggage niya. Iginagala niya ang tingin habang naglalakad. "Almira!" Napalingon siya sa pamilyar na tinig na tumawag sa pangalan niya. Matamis siyang napangiti at inayos ang salamin sa mga mata nang makita sa di kalayuan si Julian. Ngising ngiti din ito at masiglang kumakaway. Halos patakbong lumapit si Almira habang ang matalik niyang kaibigan ay naglakad din pasalubong sa kaniya.

"Julian!" masayang bulalas niya nang ilang hakbang na lamang ang layo nila sa isa't isa. Pagkatapos ay namilog ang mga mata niya at napasinghap sa pagkamangha nang bigla siyang yakapin ng mahigpit ng lalaki. Muntik na nga mapipi ang salamin niya sa mga mata. At hindi pa natapos ang lahat dahil sa sumunod na sandali ay nakaangat na ang mga paa niya sa ere.

Napasigaw siya sa pagkagulat at napakapit sa mga balikat ng lalaking tumawa lang. "I miss you, Almira," bulalas nito at malutong siyang hinalikan sa magkabilang pisngi.

Natameme siya at sandaling nablangko ang isip. Oo at sweet sila ni Julian sa isa't isa pero iyon ang unang beses na niyakap at hinalikan siya nito ng ganoon. Sumikdo ang puso ni Almira. Saka lamang niya nahamig ang sarili nang lumapat na muli ang mga paa niya sa sahig. Tumikhim siya at ngumiti. "I missed you too, Julian. Ikaw kasi hindi ka na umuuwi sa atin."

Natawa ang lalaki. "Malalaman mo bukas kung bakit hindi ako umuuwi," sabi na lang nito. Kinuha nito mula sa pagkakahawak niya ang kanyang maleta at saka siya inakbayan. "Tara. May kinontrata na akong sasakyan na magdadala sa iyo sa flat ko. I'll give you the key. Pasensya ka na ha? Naka-duty ako ngayon. Tumakas lang ako para sunduin ka dito. Pero bukas mamamasyal tayo sa Las Vegas Strip. Promise."

"Okay lang 'no. Ako na lang muna ang mamamasyal sa malapit sa flat mo. Nag-research ako," sagot niya.

"Okay. But be careful. Huwag kang mag-relax dahil lang magaganda ang makikita mo. Huwag ka pa rin basta magtiwala sa kung sinong estranghero," paalala ni Julian nang nasa tapat na sila ng taxi na kinontrata nito.

Natawa na si Almira. "Oo naman. Tigilan mo nga iyang tono na iyan na para akong bata. Magka-edad lang tayo. Magiging okay ako."

"Well, fine," pabuntong hiningang sagot ni Julian. Pagkatapos ay muli siya nitong niyakap at hinalikan sa pisngi. "See you later."

Ngumiti siya at tumango. Pagkatapos ay sumakay na siya sa taxi at kumaway kay Julian bilang pamamaalam.

HALOS ala una na nang makarating sa flat ni Julian si Almira. Hindi naman kasi naging maaga ang lapag ng eroplano niya. Inilagay niya ang maleta niya sa silid na iniwan ng kaibigan niyang nakabukas para magamit niya. Dapat ay magpapahinga lang siya sandali at lalabas na rin. Lalo at namangha siya sa mga nakita niya kanina habang bumibiyahe ang taxi na sinasakyan niya at sabik siyang makita ng malapitan at mas matagal ang mga iyon. Pero nang mapahiga siya sa kama ay nakatulog siya. Nang magising ay alas siyete na ng gabi at kumakalam na ang sikmura niya.

Nagpalit ng damit si Almira at ipinusod pa-bun ang buhok na katulad ng ginagawa niya kapag pumapasok sa trabaho bago lumabas ng flat para mamasyal at humanap ng makakainan. Muli ay hindi niya naiwasan mamangha at parang bumalik siya sa pagkabata habang iginagala ang tingin sa paligid. Mas nagulat siya na kahit alas siyete na ng gabi ay tila papadilim pa lamang ang langit. Kung nasa Pilipinas siya ay siguradong madilim na. Pero okay lang dahil mas nakampante siyang mamasyal. Ang tagal niyang naglakad pero wala siyang nadamang pagod at parang lumipas pa nga ang gutom niya. Matataas ang mga gusali, malawak ang mga kalsada na puro taxi at kotse ang dumadaan at iba-ibang lahi ang mga taong naglalakad sa sidewalk. Iba ang simoy ng hangin, iba ang hitsura ng kalangitan at iba ang pakiramdam sa paligid. She's really in a different country.

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon