NAPANSIN ni Almira na may kakaiba kay Brad nang mag-out siya sa trabaho at makitang nakatayo pasandig sa pader ng hallway ang lalaki at hinihintay siya. Wala ang malawak na ngiti na palagi nitong bungad sa kaniya. Katunayan ay hindi nga nito agad napansin ang presensiya niya. Mukha kasing malalim ang iniisip nito.
"Huy," untag ni Almira sabay hawag sa braso ng lalaki nang makalapit siya rito.
Noon lang siya tiningnan ni Brad na parang nagulat pang makita na naroon na siya. Pagkatapos ay agad nitong tinabunan ng ngiti ang kanina ay ekspresyon ng mukha nito. "Nandito ka na," usal ng lalaki at hinalikan siya sa pisngi.
"May problema ba?" takang tanong ni Almira kahit nang umayos na ng tayo si Brad, ginagap ang kanyang kamay at nagsimula silang maglakad. Nararamdaman kasi niya ang tensiyon sa katawan nito. Katulad noong ikalawang beses silang nagkita sa Las Vegas. Napatingin ito sa kaniya at umangat ang gilid ng mga labi na para bang ngingiti. Pinanlakihan niya ito agad ng mga mata at pinisil ang braso bilang babala. "At huwag mong sabihin na wala. Huwag mo rin gamitin sa akin ang peke mong ngiti. Sinabi ko na sa iyo na hindi ako maloloko niyan. Mag-asawa tayo hindi ba? Oo at hindi kumbensyunal ang naging relasyon natin pero nagdesisyon tayong panindigan iyon, hindi ba? Para saan pa at naging asawa mo ako kung hindi mo sasabihin sa akin ang mga bumabagabag sa iyo?"
Nasa ground floor lobby na sila ng hotel nang huminto sa paglalakad si Brad at nag-iba ang paraan ng pagtitig nito sa kaniya. Na para bang may bumahang reyalisasyon sa utak nito pero hindi naman alam ni Almira kung ano eksakto ang naisip nito. Ang alam lang niya ay bumilis ang tibok ng puso niya at kumalat ang nakakakiliting sensasyon sa buong katawan niya dahil sa titig ni Brad. "Bakit?" higit ang paghinga na tanong niya.
Bumuka ang bibig ng lalaki na tila may sasabihin. Pero sa unang pagkakataon mula nang makilala niya ito ay nakita niyang parang hindi nito alam kung paano magsisimulang magsalita. Huminga pa ito ng malalim at humigpit ang hawak sa kanyang kamay. "Almira. I –" Napahinto sa akmang pagsasalita si Brad nang makarinig sila ng marahas at tila naeeskandalong singhap mula sa kung saan. Sabay silang napalingon.
Dalawang babae ang nakita ni Almira na nakatayo ilang metro mula sa kanila na tila ba kapapasok lamang sa Visperas Hotel. Isang matandang babae at isang nasa twenties ang edad. Parehong maganda at base sa postura ay may sinasabi sa buhay. Magkahawig ang mga ito kaya tiyak na mag-ina. Bakas ang pagkagulat at galit sa mukha ng matandang babae. Habang tila maiiyak naman at bakas ang hinanakit sa mukha ng nakababatang babae.
"Mathea," gulat na usal ni Brad.
Nahigit ni Almira ang paghinga at napalingon sa lalaki na nakatingin naman sa nakababatang babae. Pagkatapos ay napatingin din siya kay Mathea. Ang babaeng dapat ay pakakasalan ni Brad kung hindi sila nagkakilala sa Las Vegas.
"So it's true. Dito ka nga namin matatagpuan. And that you are already married," garalgal ang tinig na sabi ni Mathea.
Humigpit ang hawak ni Brad sa kamay ni Almira. "Yes. Patawad hindi ko nasabi sa iyo agad bago pa man lumabas sa madla ang tungkol doon. Kakausapin pa lang sana kita – "
"At tingin mo magiging okay ang lahat kapag nakapag-usap tayo? Pinaasa mo ako na nagkakaunawaan tayo. You even met my parents. Lahat ng mga taong nakakakilala sa atin, mga tao sa kompanya, mga kaibigan ko, alam na may plano tayong magpakasal," puno ng sama ng loob na putol ni Mathea sa sinasabi ni Brad. Pagkatapos ay napunta ang tingin ng babae kay Almira. Para siyang sinaksak sa guilt na naramdaman niya. Kumbaga sa mga palabas, siya ang lumabas na kontrabida at third party sa relasyon ni Brad at Mathea.
Napakurap siya nang humigit lalo ang hawak ni Brad sa kanyang kamay at hinigit pa siya hanggang mapadikit siya sa katawan nito. It was a protective manner na hindi nakaligtas sa pansin ng mag-ina. Tuluyang naiyak si Mathea. "I love you, Brad. Mula noong bata pa ako ay hindi ako nawalan ng pag-asa na magiging tayo sa huli dahil nag-de-date naman tayo, noon pa, hindi ba? Kahit nang malaman ko na ang tanging babae na minahal mo ay isang extraordinary woman na hinahangaan ko at ng milyong tao sa mundo, naniwala ako na tayo pa rin sa huli. I honed myself to be someone close to Anje Carpo. Para mahalin mo rin ako. Pero pinaasa mo lang pala ako at pinagpalit sa... sa kung sino lang!"
"Hindi siya kung sino lang. Alam ko na mali ako at matatanggap ko kung hindi mo ako mapapatawad, Mathea. But don't look down on my wife," seryosong sagot ni Brad na payakap pang pumaikot ang braso sa mga balikat ni Almira. Nabagbag ang damdamin niya sa pagtatanggol nito sa kaniya at pinigilan ang pag-iinit ng mga mata.
Napipilan si Mathea. Ang ina naman nito ay bumalasik ang mukha at mabilis na lumapit sa kanila. Bago pa sila makahuma ay malakas na nitong sinampal si Brad. Nag-echo sa lobby ang tunog niyon. Napahinto sa paglalakad ang ilang staff at guest at napalingon sa kanila. Impit na napatili ang mga receptionist na kanina pa nanonood sa eksenang iyon. Si Almira ay nabuhay ang protective instinct at kumilos upang humarang sa pagitan ni Brad at ng matandang babae at akmang magsasalita pero pinisil ng lalaki ang balikat niya bilang babala. Tuloy ay naunang lumitanya ang ina ni Mathea.
"Tao namin kayong hinarap na mag-ina. Naging mabait ang pamilya ko sa inyo. I never thought you will be the kind of man I hate the most, Brad Madrigal. You are going to pay for humiliating and hurting my daughter. Ikaw at ang nanay mo. She better look for another job because I don't want her in our company. Ayoko nang mapalapit kayo ng nanay mo sa pamilya ko!" Pagkatapos ay tumalikod na ito at lumapit muli kay Mathea. Hinablot nito ang braso ng anak. "Let's go. Nakita mo na ang gusto mong makita. Dito talaga siya nagpupunta at mayroon siyang ibang babae. Umalis na tayo. Ang lalaking manloloko at walang isang salita na katulad niya ay hindi karapat dapat para sa isang Navarro."
Iyon lang at mabilis na umalis ng Visperas Hotel ang mag-ina. Mabigat na katahimikan ang iniwan ng dalawa. Tensiyonado pa rin si Brad. Pigil naman ang pagrerebelde sa dibdib ni Almira lalo na nang tingnan niya ang mukha ng lalaki at makita ang bakat ng sampal ng matandang babae. Umangat ang kamay niya at marahan iyong hinaplos. Napaigtad si Brad at napangiwing niyuko siya. "Masakit," ungol nito.
Tumiim ang mga labi ni Almira. "Alam mo na sasampalin ka niya pero hinayaan mo lang."
"Because I deserve it. May dahilan ang galit niya at totoo ang mga sinabi niya."
"Hindi totoo ang mga sinabi niya," inis na sagot ni Almira. "Hindi ka manloloko at mayroon kang isang salita. May paninindigan ka at maasahan at –"
Napahinto siya sa pagsasalita nang biglang mapangiti si Brad at mahigpit siyang yakapin na halos mapugto ang paghinga niya. "Basta bilib ka sa akin ng ganiyan, wala akong pakielam kahit ano pa ang isipin ng iba," bulong nito sa kaniya bago siya pinakawalan. Ngumiti ito at hinaplos ang mukha niya na para bang gusto siyang halikan pero nahamig ang sarili at napatingin sa paligid. Ganoon din tuloy ang ginawa ni Almira. Nakatingin pa rin pala sa kanila ang mga tao sa paligid. Ginagap ni Brad ang kamay niya. "Let's go," bulong nito. Tumango si Almira at umagapay sa lalaki patungo sa parking lot.
"Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Almira kay Brad nang nasa loob na sila ng kotse nito. Tahimik na naman kasi ang lalaki at tila malalim ang iniisip.
Bumuntong hininga ito at himbis na buhayin ang makina ng sasakyan ay napasandal lamang sa kinauupuan. "Ayos lang ako. Mas inaalala ko si mommy. Ayokong mawala sa kaniya ang trabaho niya na pinaghirapan niya sa loob ng ilang dekada nang dahil sa akin. Besides..." Marahas na napaungol si Brad. Bumakas ang matinding guilt sa mukha. "God! She's sick. Masyado akong distracted na nawala iyon sa isip ko. Samantalang siya ang dahilan kung bakit ako nagdesisyong manatili na lamang sa Pilipinas. Anong klase akong anak?" himutok nito.
Parang nadudurog ang puso ni Almira sa nakikita niyang guilt at paghihirap sa mukha ni Brad. Maging siya ay nakokonsiyensiya dahil alam niyang siya ang dahilan kaya distracted ang lalaki. Niyakap niya ito. "Hindi pa huli ang lahat. Simula ngayon ay mag-fo-focus tayo sa mommy mo. Dalawa na tayong mag-aalaga sa kaniya ngayon," alo niya. Totoo sa puso niya ang mga sinabi niya kahit pa hindi pa siya tanggap ng ina nito. Dahil ang gusto niya ay maging suporta siya ni Brad kahit na anong mangyari. At lahat ng importanteng tao rito ay importante din sa kaniya. "Gusto mo bisitahin natin siya bukas ng umaga? Hapon pa naman ang pasok ko eh."
Napatingin sa kaniya si Brad. "Kailangan mo rin magpahinga."
Umiling si Almira at masuyong hinaplos ang mukhanito. "Huwag mo akong alalahanin," sabi niya. Kahit ang totoo ay hirap siyanggumising sa umaga dahil palaging nangangasim ang sikmura niya at nahihilo siya.Pero masyado nang maraming ginawa para sa kaniya si Brad. Panahon na para siyanaman ang may gawin para sa kanyang asawa.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)
Romance"Kailangan lang palang makilala ko ang tamang babae para gustuhin kong lumagay sa tahimik. Mabuti na lang, nakilala kita." Brokenhearted si Almira nang makita niya si Brad sa pangalawang pagkakataon sa Las Vegas. Ang dating masayahin at laging may n...