Part 12

33.2K 766 16
                                    

SA araw ng anniversary party ng Visperas Hotel ay isa sa mga punong abala si Almira. Siya kasi ang nagmamando sa staff at sinisiguro na komportable lahat ng mga bisita. Mariin kasi siyang tumanggi nang sabihin ni Janine na magtatrabaho rin ito behind the scene. Hindi iyon pwede dahil ang babae ang susunod na presidente ng Visperas Hotel kaya dapat ay makihalubilo ito sa mga bisita. Na siyang ginagawa naman ni Janine sa mga sandaling iyon kasama ang kasintahan na si Draco.

Iginagala ni Almira ang paningin sa malawak na lobby nang may mahagip na bulto ng isang lalaki ang kanyang mga mata. Nakatayo malapit sa mural na ginawa mismo ni Draco na siyang main attraction sa pagtitipon na iyon. Sumikdo ang puso niya dahil pamilyar sa kaniya ang tindig na iyon, ang mga balikat, ang malapad na likod. Bahagyang kumilos ang lalaki kaya nakita niya ang side view nito. Sa pagkakataong iyon ay nahigit na talaga niya ang hininga. Si Brad! Anong ginagawa nito sa anniversary party ng Visperas Hotel?

Lalo siyang namangha nang mapansin na kanina pa nagkikislapan ang flash ng mga camera sa direksiyon ni Brad. Iginala ni Almira ang paningin at napagtantong ang lalaki nga ang kanina pa kinukunan ng larawan ng mga inimbitahan nilang press people para sa gabing iyon. Katunayan ay hindi lang ang press ang pasimpleng nakatutok ang atensiyon kay Brad. Maging ang karamihan ng mga bisita, mga babae at ilang kalalakihan ay patingin-tingin sa binata na para bang humahanap ng tiyempo na makalapit.

Labis na ipinagtaka ni Almira ang reaksiyon ng mga tao roon kay Brad. Na para bang sikat na personalidad ito. Teka lang... hindi iyon imposible. Napaderetso siya ng tayo nang maalala na unang beses pa lang niya nakita si Brad ay pamilyar na ito sa kaniya. Paano nga kung talagang isang sikat na tao ang binata?

Nakatitig pa rin siya kay Brad nang bigla na lamang itong mapalingon sa direksyon niya. Namilog ang mga mata ni Almira nang magtama ang kanilang mga paningin. Bigla ay bumalik sa isip niya ang lahat ng mga pinagsamahan nila sa Las Vegas. Pero sa lahat nang iyon ay isang alaala ang talagang nangibabaw: Ang alaala ng makapugto-hininga nitong halik.

WALA sa mood dumalo sa isang party si Brad Madrigal. Pero dahil kaibigan niya ang nag-aya ay pinilit niyang magpunta. Isa pa ay baka sakaling gumanda ang mood niya kapag dumalo siya. Hindi pa siya nakaka-get over sa nangyari sa kaniya sa Las Vegas nang nakaraang buwan. At lalong hindi yata siya makaka-get over sa nalaman niya bago ang nangyari sa kaniya sa Las Vegas. So he badly needed a distraction.

Maraming tao sa lobby ng Visperas Hotel kung saan ginanap kanina ang opening event ng anniversary party. Alam niya na marami ang gustong lumapit sa kaniya. Nararamdaman niya iyon sa tingin ng mga bisita at staff ng hotel na nasa paligid. Kanina pa rin siya nasisilaw sa flash ng mga camera na nakatutok sa kaniya. Subalit wala siya sa mood makipagsocialize sa gabing iyon. Maybe if it was months before, when he felt like his life was perfect and going according to his plans, baka nag-entertain siya. Subalit hindi ngayon.

Nakatayo si Brad sa harap ng isang pader na may mural na gawa ni Draco. Iyon ang naging bungad kanina sa mga taong manghang mangha sa work of art na iyon. Iyon daw, kasama ang mga painting na ngayon ay nakakalat na sa bawat palapag ng hotel, ang pinagkaabalahan ng kaibigan niya sa nakaraang mga buwan. Subalit nang makita niya kanina na may ka-holding hands ito ay nasiguro ni Brad na hindi lang pagpipinta ang pinagkaabalahan ni Draco.

Kanina ay may naririnig siyang mga bulungan habang nakatingin ang mga tao kay Draco at sa kasintahan nitong nakilala niya kanina na si Janine. Subalit mukhang hindi alintana ng pareha ang mga iyon. Hayagan pa ngang nagpapakita ng affection sa isa't isa ang dalawa na para bang walang pakielam sa mga tao. Good for them.

Inalis na ni Brad ang tingin sa mural at natigilan nang may mahagip ang kaniyang mga mata. May babaeng naka-uniporme ng hotel ang nahuli niyang nakatingin sa kaniya. Namilog ang mga mata ng babaeng may salamin sa mga mata habang siya naman ay parang sinuntok sa sikmura. Bago pa siya makakilos ay tumalikod na ang babae at nagmamadaling naglakad palayo. Noon natauhan si Brad. Halos patakbo niyang sinundan ang babae. Na mahirap gawin dahil nga maraming tao sa paligid.

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon