Part 15

32.9K 919 24
                                    

"ANONG gagawin natin ngayon? Ano ang gusto mong mangyari?" tanong ni Almira isang oras ang nakalilipas. Magkatabi silang nakaupo ni Brad sa kama, nakasandal sa pader. Ang envelope na naglalaman ng marriage contract nila ay nakapatong sa bedside table. Nahamig na rin ng lalaki ang sarili nito matapos magpunta sandali sa banyo para maghilamos. Habang ginagawa nito iyon ay tinawagan niya ang isang mapagkakatiwalaan niyang staff sa departamento nila para ibilin na ito muna ang bahala habang wala siya.

Nang buntong hininga lang ang naging sagot ni Brad sa kanyang tanong ay sinulyapan niya ang mukha nito. "Hindi ba may dinner ka pang pupuntahan?" malumanay na tanong ni Almira.

Tiningnan din siya ng lalaki at nagtama ang kanilang mga paningin. "Yes. Kailangan kong pumunta dahil naiplano na iyon. Pero hindi ako mag-po-propose." Pagkatapos ay bahagyang napaigtad si Almira nang maramdaman niyang ginagap ni Brad ang isa niyang kamay bago nagpatuloy sa pagsasalita, "Because I'm already married."

Sumikdo ang puso niya at sandaling ninamnam ang tamis ng mga salitang iyon. Aba, halos suko na nga siyang makakapag-asawa siya. Hindi man sila nagpakasal dahil mahal nila ang isa't isa ay hindi ba posible namang mabuo ang pagmamahal sa kalaunan? Tunog desperada ka, Almira. Talo mo pa ang babaeng namikot ng lalaki para lang makahabol sa biyahe, buksa ng isang bahagi ng utak niya. Bukod sa bigla niyang naalala na kaya dapat ay magpapakasal si Brad ay para sa ina nito.

Natauhan siya at napakurap. "Pero ang mommy mo."

Mukhang natauhan din si Brad sa sinabi niya at napahugot ng malalim na paghinga. "Kakausapin ko siya."

Nakagat ni Almira ang ibabang labi habang pinag-iisipan ang sitwasyon nila. May isa siyang naiisip na solusyon sa problema nila. At kahit na may kurot sa puso niya ang ideyang iyon ay kailangan niyang sabihin kay Brad. "Pwede naman tayong mag-divorce. Pwede iyon sa Amerika hindi ba?" maingat na sabi niya. Napatitig sa kaniya si Brad na para bang hindi nito inaasahan na sasabihin niya ang tungkol sa divorce. "O bakit? Sinasabi ko lang ang pwedeng gawin kung kailangan talaga," defensive na dugtong niya.

Biglang pumihit paharap sa kaniya ang lalaki. Nabigla siya kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataong kumilos paatras. Tuloy ay nagkalapit ang mga mukha nila na tumatama na sa kanyang mukha ang mainit at mabango nitong hininga. Nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura niya at biglang naging mas sensitibo ang balat niya dahil sa pagkakalapit nila. Na para bang tandang tanda ng katawan niya ang gabing pinagsaluhan nila noon sa Las Vegas kaya madali iyong nag-re-react sa pagkakalapit nilang dalawa.

May palagay si Almira na ganoon din ang naging epekto kay Brad dahil sandaling may dumaang emosyon sa mga mata nito na nagpahigit sa kanyang hininga. Pero sa isang kurap lang ay mukhang nahamig na ng lalaki ang sarili. Sumeryoso na naman kasi ang anyo nito.

"Almira, mukha bang tipo ako ng lalaki na hindi malaki ang pagpapahalaga sa kasal? Dahil isang kapirasong papel lang ang marriage contract ay madali lang para sa akin ang balewalain iyon at hindi igalang?" tila naiinsultong tanong nito.

Hindi siya agad nakahuma. Hindi kasi inaasahan ni Almira na magiging ganoon ang reaksiyon ni Brad. "Sorry. Hindi naman sa ganoon," nausal na lamang niya.

Huminga ng malalim ang lalaki at bahagyang lumambot ang ekspresyon. "Lumaki ako na si mommy lang ang pamilya ko. She never got married. Alam ko kung gaano kahirap sa kaniya ang magpalaki ng isang anak matapos siyang iwan ng biological father ko dahil hindi niya kayang harapin ang responsibilidad. That's why I promised myself that I will be responsible. At kahit na pareho tayong wala sa tamang huwisyo nang magpakasal tayo at pumirma sa marriage contract, kasal pa rin tayo. Responsibilidad na kita."

Huminga ng malalim si Almira. Masyadong intense ang pagkakatitig sa kaniya ni Brad habang nagsasalita at kinailangan niyang pilit na tumawa para pagaangin ang sitwasyon nila. Nakangiting umiling siya at tinapik ang braso ng lalaki. "Iba naman ang kaso natin. Hindi naman ako buntis –" Natigilan siya nang biglang maalala ang nakaraang mga linggo. Palagi siyang nahihilo, nasusuka sa umaga, emosyonal at... hindi pa dumarating ang monthly period niya na dapat ay two weeks ago pa dumating. Biglang sumipa ang kaba sa dibdib ni Almira at pakiramdam niya tinakasan ng dugo ang mukha niya.

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon