SA SUMUNOD na sabado ay naglalakad sa ground floor hallway ng Bachelor's Pad si Brad. Pababa siya sa parking lot dahil pupunta siya sa bahay ng kanyang ina. Mula doon ay sabay na silang aalis mamayang gabi para naman sa dinner nila kasama si Mathea at ang mga magulang nito. Mabigat ang bawat hakbang niya. Para siyang nasasakal. Para siyang nakatakdang ikulong sa hawla kahit na wala siyang ibang pinakagusto sa mundo kung hindi kalayaan. At marahil ay ganoon naman talaga ang sitwasyon niya. Ang kaibahan nga lamang ay kusa siyang papasok sa hawla ng matrimonya, sa piling ng isang babae na hindi niya mahal pero alam niyang mahal siya. Para mapaligaya ang kanyang ina.
Dahil noong isang araw ay tinakbo na naman sa ospital ang mommy niya. Nakita daw ng sekretarya nitong namimilipit sa sakit ng tiyan at nakaluhod sa harap ng toilet bowl. Kaya kahit matinding bilin daw nito na huwag siyang tatawagan kapag nangyayari ang pag-atake ng sakit ay nilabag iyon ng sekretarya nito at tinawagan siya. Sumugod agad si Brad sa ospital. Wala na siyang pakielam kahit pa malaman ng kanyang ina na alam na niya ang tungkol sa sakit nito. Naabutan niya ang mommy niya na nakahiga sa hospital bed at may malay man ay halatang pagal at namumutla.
"Anong ginagawa mo dito?" gulat na tanong ng mommy niya nang lumapit siya sa kinahihigan nito.
"I know you're sick," garalgal ang tinig na sagot niya. Umupo siya sa silya sa tabi ng kama at ginagap ang mga kamay nito. "Kailan mo balak sabihin sa akin mom?" usal ni Brad.
Namasa ang mga mata nito. "Kapag nakita kong mayroon ka nang masayang pamilya. Na may asawa ka nang mag-aalaga sa iyo at magbibigay sa iyo ng rason para manatili na lamang sa isang lugar at ligtas. Dahil kung inaakala mo na ayos lang sa akin ang naging lifestyle mo sa nakaraang mga taon ay nagkakamali ka Brad. Hinayaan kitang gawin ang gusto mo kahit na araw-araw akong ninenerbiyos sa kakaisip kung nasaang lupalop ka ng mundo."
Ginupo ng guilt si Brad at isinubsob ang mukha sa mga kamay nitong gagap niya. "I'm sorry mom."
"Don't be. Proud ako sa kung ano ka ngayon, anak. Masaya ako na napalaki kita ng maayos. Pero ngayong malapit na akong mawala sa mundong ito ay gusto ko naman na masiguro muna na magiging okay ka kahit wala na ako."
Nag-angat ng tingin si Brad. "Magpapagamot ka, okay?"
Nakangiting umiling ang kanyang ina. "It's just a waste of money. My cancer is too late to cure. Himbis na gugulin ko ang natitira kong oras na nagpapagamot at pinahihirapan ang sarili ay ibang bagay na lang ang pagkakaabalahan ko. Kayo na lang ni Mathea. She really loves you, you know. Mula pa noong bata siya. Mabait, matalino at maganda ang pinagmulang pamilya. Magiging perpekto at mapagmahal siyang asawa para sa iyo, anak. Mapapanatag ako kapag siya ang napangasawa mo."
Pinakatitigan ni Brad ang mommy niya at humigpit ang hawak niya sa mga kamay nito. "Iyan talaga ang gusto mo? Would that make you happy?"
Ngumiti ito at tumango. Huminga siya ng malalim at tumingkayad para halikan ang noo nito. "Very well. Gagawin ko ang lahat para maging masaya ka, mom."
Napahugot ng malalim na paghinga si Brad at kinapa sa bulsa ang maliit na kahon ng isang singsing na plano niyang ibigay kay Mathea mamayang gabi. Kapag pormal na niyang hiningi ang kamay nito sa mga magulang.
Malapit na siyang makarating sa elevator na magdadala sa kaniya sa parking lot. Madadaanan niya ang pinto ng common area na habang palapit siya ay mahina niyang naririnig ang masasayang tawa mula roon. Malamang ay marami sa mga residente ang nakatambay na naman doon. Kung hindi nga lamang sa sitwasyon niya ngayon ay malamang nasa common area din siya.
Lalampasan sana ni Brad ang common area nang bigla iyong bumukas at lumabas si Keith na mukhang nabigla din na naroon siya. "O. Kanina ka pa namin hinihintay sa loob," sabi nito na itinuro pa ang common area.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)
Romansa"Kailangan lang palang makilala ko ang tamang babae para gustuhin kong lumagay sa tahimik. Mabuti na lang, nakilala kita." Brokenhearted si Almira nang makita niya si Brad sa pangalawang pagkakataon sa Las Vegas. Ang dating masayahin at laging may n...