PAGKATAPOS ng charity event ng Bachelor's Pad ay iginiit ni Almira na bumalik sa Visperas Hotel para pumasok kahit na kalahati lang ng shift niya. Hindi lang talaga siya komportableng basta iwan ang responsibilidad niya kahit pa naging masaya siya sa event na pinuntahan nila. Higit sa lahat ay natuwa at namangha siyang makilala ang mga kaibigan ni Brad at kapwa nito residente sa gusaling bagay na bagay ang tawag. Paano'y puro guwapong lalaki na successful sa kani-kanilang karera pala ang mga kapitbahay ni Brad doon. Nakasundo rin niya maging ang mga babaeng kapareha ng ilan sa mga lalaking iyon.
Perpekto na sana ang araw na iyon para kay Almira kung hindi lang dahil sa tawag na iyon na natanggap ni Brad. Base sa pakikipag-usap nito ay nalaman niyang galing sa Amerika ang tawag. Nakita niya nang mag-iba ang ekspresyon ng lalaki at magkaroon ng tensiyon ang katawan nito sa kung ano mang sinabi ng kausap. Pero medyo sumama ang loob niya na nang magtanong siya ay nagsinungaling ito sa kaniya.
Pag-uwi pa niya sa kanila kinabukasan ng umaga ay sinalubong siya ng nanay niya. Tumawag daw si Julian at iginigiit na ibalik niya ang tawag nito. May importante daw sasabihin ang lalaki.
"Nag-away ba kayo?" tanong ng nanay niya.
Natigilan si Almira sa akmang pagpunta sa kuwarto niya sa tanong na iyon. Lalo at alam niyang nakikinig ang tatay at mga kapatid niyang nakaupo sa sofa nila kahit nakatutok ang mga ito sa nakabukas na telebisyon. "Bakit mo naman nasabi iyan 'Nay?"
"Dahil mula nang bumalik ka galing Las Vegas ay hindi ka na namin nakitang nagkukulong sa kuwarto mo tuwing off mo para lang ilang oras na makipaghuntahan sa kaniya sa laptop mo."
Napabuntong hininga si Almira. "Hindi po kami nag-away."
"O e bakit ang tono niya kanina sa telepono ay parang hindi mo na siya kinakausap kaya tumatawag na sa landline?"
"Nay, iba na lang kasi ngayon," singit ng kapatid niya na lumingon na sa kanila. "Siyempre may boyfriend na iyan si ate. Hindi na si kuya Julian ang priority niya ngayon. Si Brad na."
Lihim na nakahinga ng maluwag si Almira sa sinabi ng kapatid niya at tumango. "Tama."
Mukhang kinagat naman ng nanay niya ang paliwanag na iyon. "Sabagay."
Akmang magpapaalam na siya para magtungo sa kuwarto niya nang biglang magsalita ang tatay niya. "Aba, si Brad o, nasa tv."
Napatingin sila lahat sa telebisyon. Isang morning news program ng network kung saan eere ang show ni Brad at Art ang pinapanood ng pamilya niya. "Ang sabi nga niya sa akin may press conference daw sila ngayong umaga," nasabi ni Almira.
"Wow, bigatin talaga ang boyfriend mo ate. Pikutin mo na," sabi ng kapatid niya.
"Tumigil ka nga! Porke ba ganiyan na ang edad ng ate mo ay aasta na siyang desperada na mamimikot ng lalaki? Dalagang pilipina iyan. Dapat patunayan muna ng boyfriend niya nakarapat-dapat siya sa ate mo bago niya isipin ang pagpapakasal. Hindi ko basta ibibigay ang unica hija ko," determinadong sabi ng tatay niya.
Pagkasabi pa lang nito niyon ay bigla nang may reporter na nagtanong kay Brad habang may hawak na mga larawan. "Brad Madrigal. Is it true that you secretly got married in Las Vegas more than a month ago? Ito ang mga larawang kumakalat ngayon sa mga US Entertainment Portal."
Pagkatapos ay biglang nahati ang screen. Ang isa ay naka-focus sa mukha ni Brad na kung iba siguro ang titingin ay parang wala naman nabago sa ekspresyon. Pero hindi nakaligtas kay Almira ay isang segundong pagdaan ng pagkabigla sa mga mata nito. Sa kabilang hati ay malaking version ng larawang sinasabi ng reporter.
Napanganga si Almira habang ang buong pamilya niya ay natahimik nang maging malinaw ang larawan. Dahil kuha iyon sa loob ng wedding chapel, may ceremony officer sa gitna at silang dalawa ni Brad, magkalapat ang mga labi at pareho pang ngiting ngiti habang nakalingkit ang mga braso ng lalaki sa kanyang baywang at siya naman ay nakakapit sa leeg nito. Malinaw na isa iyong wedding ceremony.
Bigla ay bumaha ang reyalisasyon kay Almira kasabay ng matinding panlalamig. Naalala niya ang mga tawag ni Julian na iginigiit na kontakin niya ito. Dahil marahil ay nakita na nito ang mga larawang iyon. At ang tawag na natanggap ni Brad kahapon na ayaw nitong sabihin sa kaniya. Lahat iyon ay tungkol sa pasabog na nakikita niya ngayon sa national television.
Lumabas sa madla ang tungkol sa kasal nila ni Brad. At nang magsimulang magsalita ang lalaki ay parang nahulog ang puso ni Almira sa sahig. Dahil deretso ang tingin nito nang sabihing, "Yes. I got married."
Napasinghap ang lahat ng miyembro ng pamilya niyang nakaharap sa telebisyon. Pagkatapos ay ang tatay niya ang unang nakahuma at galit na tumayo at humarap sa kaniya. "Almira Hidalgo! Magpaliwanag ka!"
Napangiwi si Almira. Sa lakas ng boses ng tatay niya ay napalabas ng kuwarto ang mga hipag at pamangkin niya. Malamang dinig din sa kapitbahay.
Ngayon, paano ba siya magpapaliwanag na hindi siya kakalbuhin ng nanay at tatay niya?
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)
Romance"Kailangan lang palang makilala ko ang tamang babae para gustuhin kong lumagay sa tahimik. Mabuti na lang, nakilala kita." Brokenhearted si Almira nang makita niya si Brad sa pangalawang pagkakataon sa Las Vegas. Ang dating masayahin at laging may n...