Pinagmamasdan din ng lalaki ang mukha ni Almira. Pagkatapos ay naningkit ang mga mata, naunang ngumiti kaysa sa mga labi nito, at umaliwalas ang mukha na parang nakakita ng matagal nang kakilala. "Ah. Pilipina ka."
Napamulagat si Almira nang magtagalog ang lalaki. "At Pilipino ka!" bulalas niya.
Natawa ito. "Yeah. So, ito ba ang unang punta mo sa Las Vegas? Mukhang nag panic ka kanina. Kaya lalo kang ayaw iwan. Street performer iyon at alam nila kung sino ang madaling mapapayag."
"Street performer iyon? Akala ko stripper!" nabulalas niya.
Napahagalpak ng tawa ang lalaki. "No. Not a stripper. Anyway, may mga street performer na alam kung sino ang hahatakin nila para magpakuha ng larawan. Pagkatapos sinisingil nila kahit ang totoo ay bawal iyon. It's free to take a picture of anything you want here."
Uminit ang mukha ni Almira sa pagkapahiya. "Paano naman ako nagmukhang bagong salta?" hindi niya naiwasang pataray na itanong. Kahit ang totoo ay medyo nakahinga siya ng maluwag na hindi natuloy ang panggagantso sa kaniya ng street performer na mukhang stripper.
Lumawak ang ngiti ng lalaki. Lalo tuloy naningkit ang mga mata habang pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "You still look awkward and out of place. Halata sa body language mo. Anyway, mag-isa ka lang ba? Dahil siguradong hindi iyon ang una at huling may lalapit sa iyo kung mananatili ka pa sa pag-iikot sa downtown ng mag-isa."
Natigilan si Almira at sandaling nag alangan. Pero nang maalala ang pakiramdam niya kanina, noong malakas ang loob niyang kaya niyang gawin ang lahat habang naroon siya ay napalis ang alinlangan niya. Isa pa ay trenta'y singko anyos na siya. Hindi ba dapat mas malakas na ang loob niyang sumubok ng mga bagay ngayon? Itinaas na niya ang noo. "Magiging okay ako," sabi niya sa lalaki. "Besides sa pag-iikot lang naman ngayong gabi ako mag-isa. May kaibigan ako na dito sa Las Vegas nakatira. Bukas may kasama na ako mamamasyal."
"Hmm," nausal ng lalaki habang nakamasid pa rin sa kanyang mukha. Pagkatapos ay ngumiti at tinapik pa siya sa braso na para talagang magkakilala sila. "Well, that's good then. Pinagmamalaki ng mga opisyales dito na ligtas sa Las Vegas. At sa tingin ko naman ay tama sila. Tourist friendly ang lugar na ito. But still, the Sin City is not a good place to travel alone."
"Brad! It's about time!" malakas na sigaw ng isang amerikano ilang metro mula sa isa pang stage na katulad ng nakita niya kanina sa gilid ng Las Vegas Club. Iyon lang ay wala pang tumutugtog na banda sa stage na iyon at mukhang inaayos pa lang ang sound system. Sa lalaking katabi niya nakatutok ang atensiyon ng amerikano.
"I got it!" ganting sigaw ng lalaking katabi niya na ngayon ay alam na niyang Brad ang pangalan. Ibinalik nito ang atensiyon sa kaniya. "Well, I have to go –" Natigilan ito na parang may naisip. Bigla ay nag-iba ang paraan ng tingin sa kaniya ni Brad at may kumislap na kapilyuhan sa mga mata. "No, wait. May naisip akong mas magandang ideya. Come." Pagkatapos ay hinawakan nito ang siko niya at hinatak siya patungo sa amerikanong tumawag dito. Nagulat si Almira pero hindi na nagkaroon ng pagkakataong magprotesta. Saglit lang kasi ay nakalapit na sila sa amerikano na bumakas ang pagtataka sa mukha nang mapatingin sa kaniya.
"Are they all ready?" tanong ni Brad.
"Yes. And our equipment and your camera are on the side of the stage. But Brad, who is she?" tanong na ng amerikano na itinuro pa siya.
"Ah, she's from my country. She's..." Niyuko siya ni Brad. "Anong pangalan mo, miss?"
"Almira," sagot niya.
Napangiti si Brad. "That's a nice name." Saka bumaling uli sa amerikano. "She's Almira. She's my guest."
"Oh, fine. You're the director, you do what you want."
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)
Romance"Kailangan lang palang makilala ko ang tamang babae para gustuhin kong lumagay sa tahimik. Mabuti na lang, nakilala kita." Brokenhearted si Almira nang makita niya si Brad sa pangalawang pagkakataon sa Las Vegas. Ang dating masayahin at laging may n...