BUMALIK sa ospital sina Almira at Brad. Naabutan pa nila doon ang ina nito at si Edgar Navarro. Magkalayo at tila may kani-kanilang iniisip. Nagulat ang dalawa nang makita sila. Pagkatapos ay umiyak ang ina ni Brad lalo na nang makita si Almira. Paulit-ulit na humingi ng tawad ang may-edad na babae sa kanilang dalawa. Nabagbag ang damdamin niya kaya napayakap siya sa ina ni Brad at sinabing wala na sa kaniya ang lahat. Na gusto na lang niya ay magpagaling ito.
Si Brad ay sandali lamang nagalinlangan lumapit sa ina. Nang magtama ang kanilang mga paningin at nginitian niya ito ay lumapit na rin ang lalaki. Lumakas ang iyak ng may-edad na babae nang yakapin ito ng anak na bumulong na pinapatawad na nito ang ina basta magpapagaling ito. Lalo na at magkakaapo na raw ito.
Nagulat ang may-edad na babae at maging si Almira. Dahil hindi niya inaasahan na sasabihin ni Brad agad ang tungkol sa pagbubuntis niya. Ang nanay pa nito ang unang nakahuma kaysa sa kaniya. "Oh... oh that's so great!" naiiyak ngunit maligayang bulalas ni Peachy Madrigal. Niyakap siya nito ng mahigpit. "That's great. I'm so happy to hear that." Pagkatapos ay si Brad naman ang niyakap nito. Nagtagal doon dahil umiiyak na naman ang ina nito.
Naiyak din tuloy si Almira dahil sa emosyonal na sandali. Nang mahamig ng may-edad na babae ang sarili ay nginitian siya nito. Sa isang iglap ay napagtanto niyang pareho ngumiti si Brad at ang nanay nito kapag talagang masaya. Napangiti na rin siya. Lalo at sinabi ng may-edad na babae na magreresign na ito sa trabaho para makapagpagamot at makapagpahinga.
Kinausap din ni Brad si Edgar Navarro na kanina ay tahimik lamang nakamasid sa kanila. Ipinakilala siya ng binata sa ama. Nag-usap ng masinsinan ang dalawa at napagkasunduan ng mga ito na pananatilihing sila lamang apat ang nakakaalam sa tunay na relasyon ni Brad at ni Edgar Navarro. Para na rin daw hindi na masaktan pa si Mathea at ang ina nito. Tama na raw ang sakit na nadulot ni Brad kay Mathea nang hindi nito nagawang mahalin ang babae. Namasa rin ang mga mata ni Edgar Navarro at sa huli ay hiniling na sana ay mayakap nito si Brad bago ito umalis. Pumayag ang lalaki.
Nang sandaling magyakap ang mag-ama ay tuluyang umiyak si Edgar. Naramdaman ni Almira na humigpit ang hawak ng ina ni Brad sa braso niya at nang sulyapan niya ito ay nakita niyang umiiyak na naman ang may-edad na babae. Namamasa rin ang mga mata niyang niyakap ito at nginitian.
Nang umalis si Edgar Navarro at maiwan silang tatlo doon ay muling hinarap si Almira ng ina ni Brad. Ginagap nito ang kanyang mga kamay. "Muli nais kong humingi ng tawad na hindi kita agad tinanggap para sa anak ko. Maniwala ka na talagang masaya akong hindi kayo tuluyang nagkahiwalay. Masaya akong mabubuo ang pamilya niya. Alagaan mo si Brad at ang magiging anak ninyo."
"Opo," nakangiting sagot ni Almira.
Pagkatapos ay tiningala naman ng may-edad na babae si Brad. "Ikaw rin. Maging mabuti kang asawa at ama."
"Yes, mom," sagot ni Brad na tuluyang lumapit kay Almira at inakbayan.
Ngumiti ang mommy nito at tumango. Pagkatapos ay kumilos upang humiga sa kama. "Magpapahinga na muna ako, ha?"
Tumayo na si Almira at tinulungan niyang makahiga ng maayos ang may-edad na babae. Nanatili silang nakatayo doon ni Brad hanggang sa tuluyang makatulog ang ina nito. Saka niya naramdamang pinisil ng lalaki ang balikat niya at iginiya siya palabas ng hospital room.
Nang silang dalawa na lamang ay pinihit siya paharap ni Brad at niyakap ng mahigpit. "Thank you for staying with me. For loving me," usal nito.
Napangiti si Almira at gumanti ng mahigpit na yakap. "Salamat din na nakilala kita at minahal mo ako."
Matagal silang magkayakap. Hanggang sa biglang kumalam ang sikmura niya. Uminit ang mukha niya habang si Brad naman ay natawa. Kumalas ito sa pagkakayakap at masuyo siyang hinalikan sa mga labi. "Hindi pa nga pala tayo kumakain. Let's eat, sweetie," aya nito na inilahad ang kamay para sa kaniya.
Ngumiti si Almira at humawak sa kamay ni Brad. "Tara."
Magkahawak kamay silang naglakad. Mas magaan ang pakiramdam. Hindi lang dahil naayos na ang gusot sa mga magulang ni Brad, kung hindi dahil pareho na nilang alam ang tunay na nadarama ng isa't isa.
Alam niya na kahit marami pa silang pagsubok na haharapin sa buhay ay siguradong marami rin silang mararanasang masasayang bagay. Basta magkasama sila ay kakayanin nila lahat. Ganoon naman ang pagmamahal, hindi ba? Ganoon ang pag-aasawa. Dapat papasukin mo iyon na hindi lamang puro masaya ang inaasahan mo. Dapat handa ka rin sa mga pagsubok. At higit sa lahat ay handa kang huwag bumitaw sa kamay ng taong mahal mo kahit na anong mangyari.
"Ah. May nakalimutan akong sabihin," biglang sabi ni Brad na napahinto sa paglalakad.
"Ano iyon?" takang tanong niya nang humarap sa kaniya ang lalaki at masuyo siyang nginitian.
"Marry me again? This time, sa simbahan na, saksi ang mga pamilya at mga kaibigan natin. At higit sa lahat, iyong pareho nating matatandaan ang bawat detalye," sabi ni Brad.
Napuno ng init ang puso ni Almira at hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ni Brad. "Sige. Pakakasalan kita uli, Brad," masayang sagot niya.
Gumanti ito ng pisil sa kanyang kamay at nakangiting ginawaran siya ng masuyong halik sa mga labi. "Good."
Napangiti siya at buong pusong tinugon ang halik ng kanyang asawa.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)
Romance"Kailangan lang palang makilala ko ang tamang babae para gustuhin kong lumagay sa tahimik. Mabuti na lang, nakilala kita." Brokenhearted si Almira nang makita niya si Brad sa pangalawang pagkakataon sa Las Vegas. Ang dating masayahin at laging may n...