Part 14

32.2K 824 55
                                    

KATULAD ng ipinangako ni Janine kay Almira ay pinayagan siya nitong mag leave ng ilang araw pagkatapos ng anniversary party ng Visperas Hotel. Para daw makabawi siya ng pahinga at nang pagpasok niya ulit ay refreshed na siya.

Pero sabado na at balik trabaho na siya pero hindi pa rin gumaganda ang pakiramdam niya. Lalo at talagang nagulo ang utak niya sa biglang pagkikita nila ni Brad na akala niya ay hanggang sa Las Vegas lang ang magiging koneksiyon sa kaniya. Tuloy sa nakaraang mga araw ay ang lalaki lamang ang naiisip niya. Paulit-ulit niyang binabalikan ang naging pag-uusap nila sa Visperas Hotel at gusto niya palaging tuktukin ang sarili sa naging attitude niya. Kasi naman, masyado siyang na-overwhelm na nakita niya itong muli. Natakot siya sa tuwa at mas malalim pang emosyon na nakapa niya sa puso niya nang sa wakas ay makita niya ang mukha nito sa malapitan.

Ni hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob itanong kay Janine kung kilala ba nito si Brad dahil nga kaibigan daw ito ni Draco. Kapag kasi nagtanong siya ay tiyak na maraming itatanong ang babae at ayaw ni Almira na ipagsabi kahit kay Janine ang nangyari sa kaniya sa Las Vegas.

Bukod doon ay masama pa rin ang pakiramdam niya sa nakaraang mga araw kahit pa halos maghapon magdamag lang naman siyang nakatutulog o kaya ay nakahilata sa kama. Sa tingin ni Almira ay tinamaan siya ng stomach flu. Palagi kasing nangangasim ang sikmura niya at ang una niyang ginagawa sa umaga ay magtungo sa banyo at magsuka. Maputla pa rin tuloy siya.

Pero dahil araw ng trabaho ay nasa Visperas Hotel pa rin siya kahit hindi pa rin lubos na maganda ang kanyang pakiramdam. Naglalakad na siya pabalik sa Housekeeping Department. Galing siya sa opisina ni Janine dahil may pinapirmahan siya ritong mga papeles. Saglit na din silang nag-kuwentuhan. Pagliko niya sa hallway papunta sa opisina ay napasinghap si Almira sa pagkabigla at napahinto sa paglalakad nang makitang naroon si Brad, nakatayo sa tapat ng pinto at tila pinag-iisipan kung kakatok o hindi. May kipkip itong envelope sa isang braso.

Napalingon sa kaniya ang lalaki nang marahil ay maramdaman ang presensiya niya. Kumabog ang dibdib ni Almira nang magtama ang kanilang mga paningin at may makita siyang magkahalong frustration at determinasyon sa kislap ng mga mata nito.

Lumapit sa kaniya si Brad. "Kailangan natin mag-usap," seryosong sabi nito.

Napakurap siya. Medyo kinabahan din sa tono nito. Tumikhim siya. "Tungkol saan ang pag-uusapan natin? Doon tayo sa opisina namin."

Hindi tuminag sa pagkakatayo si Brad. "We need to talk in private, Almira. Iyong tayong dalawa lang at walang banta na baka may biglang sumulpot at makarinig sa pinag-uusapan natin."

Lalo tuloy kinabahan si Almira. Na may halong kuryosidad. Napatingin siya sa wristwatch niya. Pwede naman siguro siyang mawala sa opisina kahit kalahating oras. Pasimple siyang huminga ng malalim at saka tiningala si Brad. "Okay. Pero saan tayo mag-uusap?"

May dinukot sa bulsa ang lalaki at inilahad sa harap niya ang isang keycard ng Visperas Hotel. Namilog ang mga mata niya at marahas na umiling. "Ang una at huling beses na pumasok tayo sa hotel room na magkasama ay iba ang nangyari," bulalas niya.

Sa kabila ng kaseryosohan sa mukha ni Brad ay umangat ang mga kilay nito at tumaas ang gilid ng mga labi. May amusement din na kumislap sa mga mata nito at sa sandaling iyon ay nakita niyang muli ang guwapo at palangiting lalaki na tumulong sa kaniya sa Fremont Street. "Mag-uusap lang tayo, Almira. Importante."

Kumibot ang mga labi niya bago napabuntong hininga at tumango. "Fine. Thirty minutes lang ha? Naka-duty pa ako."

SUBALIT nang nasa loob na sila ng hotel room at ipinakita na ni Brad kay Almira ang laman ng envelope na dala nito ay nasiguro niya na higit pa sa tatlumpung minuto ang kailangan niya para mahamig ang sarili. Nanghina siya at mukhang ewan na napatitig lamang sa kapiraso ng papel na magbabago sa buhay nila ng lalaki.

Marriage Contract. Hindi na siya Almira Hidalgo sa mata ng batas kung hindi Almira Madrigal na. She's married to Brad. At ni walang kamalay-malay ang pamilya niya, mga kaibigan at kahit na sino sa pagpapalit niya ng marital status. Katunayan ay siya nga nabigla na may asawa na siya!

"A-akala ko nagkunwari lang tayong nagpakasal sa isang chapel sa Las Vegas. Iyon ang natatandaan ko," manghang usal ni Almira.

"Pero totoo ang lahat. We got married," sagot ni Brad.

Nagkatinginan sila. Siya ay nakaupo sa gilid ng kama habang ang lalaki ay nakaupo sa silya paharap sa kaniya. "A-anong gagawin natin?" tanong ni Almira.

Napabuntong hininga si Brad at tumayo. Pagkatapos ay lumapit ito at umupo sa tabi niya. "Almira, gusto kong maging tapat sa iyo. Ngayon gabi ay plano kong mag-propose sa babaeng napili ng aking ina para mapangasawa ko."

Hindi nakahuma si Almira at napatitig lamang sa mukha ng lalaki. Medyo may kurot siyang naramdaman sa sinabi nito pero binalewala niya iyon. Siyempre, imposibleng walang ibang plano si Brad na magpakasal sa iba. Siya man ay hindi naisip na makakasal siya rito, hindi ba? Pero ewan ba niya kung bakit nasaktan siya. Bahagyang humigpit ang hawak niya sa marriage contract nila at huminga ng malalim.

Si Brad ay nagpatuloy naman sa pagsasalita. "I have to do it because I want my mother to be happy. Buong buhay niya inilaan niya para sa akin. This is the least I can do for her now that... now that she's sick. Very sick."

Napasinghap siya. "A-anong sakit niya?"

May kumislap na lungkot sa mga mata ni Brad bago sumagot, "Stomach cancer. Stage four. At ayaw niyang magpagamot. Mas gusto daw niyang gugulin ang natitira niyang oras sa pagsiguro na lalagay ako sa tahimik at magkakaroon ng masayang pamilya. See? Kahit ngayong may sakit siya ako pa rin ang iniisip niya."

Uminit ang mga mata ni Almira sa nakitang lungkot sa mukha ng lalaki kahit halatang pilit na ngumingiti at pinapasigla ang tinig. Siguradong napakasakit para dito na may sakit ang ina nito. Kaya naman pala sinabayan siya nitong magpakalango noon sa Las Vegas. Pero ni isang beses ay hindi nito sinabi sa kaniya ang problema nito. Nakinig lang ito sa mga hinaing niya tungkol kay Julian na walang wala kompara sa pinagdadaanan nito.

At noong anniversary party ng Visperas Hotel, pagkatapos nilang mag-usap at bumalik na sila sa party ay pasimple niyang sinusundan ng tingin si Brad. Nakikipagtawanan pa ito kay Draco at sa iba pang mga lalaking mukhang kaibigan din ng dalawa. Na para bang sinasarili nito ang problema at hindi binibigyan ang sarili ng pagkakataong ilabas talaga ang sakit na nararamdaman nito.

Alam ni Almira kung gaano kahirap na kinikimkim ang sakit. Nakakasakal. Para kang nalulunod. Ayaw niyang sarilinin ni Brad ang sakit. Gusto niyang makitang muli ang palangiti at totoong masayang lalaki na nakilala niya sa Fremont Street. Kaya hindi niya napigilan ang sarili niya. Inilapag niya ang marriage contract sa kama, tumayo sa harap nito at walang paalam na ipinaikot niya ang mga braso sa leeg nito at hinigit ito payakap hanggang sa masubsob ang mukha nito sa tiyan niya. Naramdaman niyang nagulat si Brad sa ginawa niya pero hindi naman kumilos para lumayo. At nang maramdaman niyang kusa na nitong isinandig ang mukha sa kanya ay humigpit ang yakap niya rito. Isinubsob pa niya ang mukha sa buhok ng lalaki. Hindi niya alam kung anong mga salita ang maaari niyang sabihin para aluin ito at pagaangin kahit papaano ang loob. Kaya nanatili na lang siyang tahimik.

"Are you trying to make me feel better?" tanong ni Brad na mahina pang tumawa.

Pumikit si Almira at lalong isinubsob ang mukha sa tuktok ng ulo nito. "Oo."

Mas naramdaman niya kaysa nakita ang pagguhit ng ngiti sa mga labi ni Brad. Pagkatapos ay umangat ang mga braso nito at pumaikot sa kaniyang baywang. Gumanti ng yakap ang lalaki at lalong isinubsob ang mukha sa tiyan niya. "Thank you," usal nito. "God, hindi ko alam kung bakit palaging nawawala ang depensa ko sa presensiya mo."

"Okay lang. Minsan kailangan mo rin ilabas ang nasa loob mo. Gagaan ang pakiramdam mo," usal ni Almira.

Matagal na nanatili lamang sila sa ganoong posisyon. Kahit nang maramdaman niya na umalog ang mga balikat ni Brad at humigpit ang yakap sa kaniya at maramdaman niya ang mainit na pamamasa ng tiyan niya kung saan nakasubsob ang mukha nito ay hindi siya tuminag. Humigpit lang lalo ang yakap ni Almira sa lalaki.

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon