DUMERETSO si Brad sa kotse niya, pinaandar iyon na hindi alam kung saan ba talaga tutungo. O mas tamang sabihin na alam niya kung sino ang gusto niyang puntahan pero tiyak niyang hindi ikatutuwa ni Almira kung susugod siya sa bahay nito. Hanggang sa matagpuan niya ang sariling pumapasok sa subdivision kung nasaan ang bahay na binili niya para sa kanila ng asawa.
Wala pa ring kalaman-laman iyon nang pumasok siya. Pero sa paningin ni Brad ay puno na iyon ng mga pangarap at plano para sa kinabukasan nila ni Almira. Subalit ngayon ay nakaambang hindi na matupad ang mga iyon. May bumikig sa lalamunan niya at mariin siyang napapikit. "God, I want to see her."
Bigla ay may narinig siyang kaluskos mula sa ikalawang palapag ng bahay. Napadilat si Brad at napatingala sa itaas ng hagdan. May anino siyang nakita na akmang lalayo pero naging maagap siya at nagsalita, "Almira?"
Huminto ang anino. Kumabog ang dibdib ni Brad at nagsimulang maglakad palapit sa hagdan. Dahil walang ibang pwedeng makapasok sa bahay na iyon maliban sa kanilang dalawa ni Almira. Binigyan niya ito ng susi noong araw na dinala niya ang babae roon. "Almira," tawag niyang muli.
Ilang segundo pa ang lumipas bago muling kumilos ang anino hanggang sa alanganin nang nagpakita sa kaniya si Almira. Nagtama ang kanilang mga mata. Napalunok si Brad. "Bakit nandito ka?"
Kumibot ang mga labi ni Almira at nanginginig ang isang kamay na inayos ang salamin sa mga mata. "B-bigla kong gustong makita ka at dahil pinigilan kong bumalik sa iyo ay... dito ako dinala ng mga paa ko. Hindi ko alam na pupunta ka rin dito."
Napahugot ng malalim na paghinga si Brad. Nang mga sandaling iyon ay napagtanto niya na hindi niya kayang mawala sa kaniya si Almira. Kaya hindi na niya pinigilan pa ang nararamdaman. Mabilis siyang umakyat ng hagdan palapit sa babae. He reached for her. Napasinghap sa pagkagulat si Almira nang hawakan niya ito sa batok. Yumuko siya at siniil ito ng halik sa mga labi.
TUMULO ang mga luha ni Almira nang halikan siya ni Brad. Hindi niya inaasahan na magtatagpo sila sa bahay na iyon. Ang plano niya ay dadaan lang siya roon sa huling pagkakataon at iiwan ang kopya niya ng susi sa loob. Nililibot niya ang bahay habang tahimik na nagpapaalam sa dapat ay magiging buhay nila na magkasama. Naging emosyonal siya lalo at kanina sa ospital, bago siya tuluyang umalis ay lakas loob siyang nagtungo sa OB Gyne upang magpatingin na. At tama siya ng hinala. Buntis nga siya.
Napahinto sa paghalik sa kaniya si Brad at pinahid ng mga hinlalaki ang mga luha sa magkabila niyang pisngi. Nagmulat si Almira ng mga mata. Nagtama ang kanilang mga paningin at may init na humaplos sa kanyang puso nang makitang namamasa rin ang mga mata ng lalaki. "Huwag mo na ulit sasabihin na iiwan mo ako. Huwag kang magdesisyon mag-isa. Kahit na ano pa ang dahilan mo ay hindi ako papayag na mawala ka sa akin."
Napahikbi si Almira. Nanlalabo na ang kanyang mga salamin sa mata dahil sa pag-iyak. "Kahit na iiwan kita dahil ayokong nakikita kang nahihirapan? Dahil mahal kita?" amin na niya.
Humigpit ang hawak ni Brad sa batok niya at may kumislap na emosyon sa mga mata nito na nagdulot ng init sa puso niya. Pagkatapos ay kumilos ito at marahang hinubad ang eyeglasses niya. Saka ikinulong ang kanyang mga pisngi sa magkabila nitong kamay at pinakatitigan siya sa mga mata. "Mas lalo na kung mahal mo ako. Dahil kung mahal mo ang isang tao ay masakit din para sa iyo kung lalayo ka, hindi ba? Kung mahal mo ang isang tao ay gusto mong palagi siyang nasa tabi mo. Through thick and thin, you want to be there for the person you love. Walang sukuan. Walang bitawan. Iyon ang gusto kong gawin natin, Almira. Dahil mahal na mahal kita at mas magiging miserable ako kung wala ka."
Masaya siyang marinig mula rito na mahal siya nito. Na pareho pala sila ng nadarama. Pero nang maalala na naman ang nangyari kanina sa ospital ay napahikbi na naman si Almira. "Ayoko ring mawala ka sa buhay ko, Brad. Pero ang mommy mo..." Natigilan siya nang makitang bumakas ang sakit sa mukha ng lalaki. Kumabog ang dibdib niya. "Bakit ganiyan ang ekspresyon mo? May nangyari ba sa mommy mo?" nag-aalalang tanong niya.
BINABASA MO ANG
Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)
Romance"Kailangan lang palang makilala ko ang tamang babae para gustuhin kong lumagay sa tahimik. Mabuti na lang, nakilala kita." Brokenhearted si Almira nang makita niya si Brad sa pangalawang pagkakataon sa Las Vegas. Ang dating masayahin at laging may n...