KILABAP

111 3 0
                                    

#SPOKEN

Maglalakad pabalik
Pabalik sa umpisa kung paano ako namuhay ng mag-isa
Mag-isa ngunit masaya't payapa. 
Payapang nakikisalamuha sa natatanging totoong tropa.

Sa bawat paghakbang palayo sa dating tayo, 
Luha ko'y unti-unting tumutulo. 
Iniisip kung bakit at paano. 
Paano nga kaya kung ipinagpatuloy pa rin natin ito?

Kasabay ng paghakbang ay ang pagtayo ng may buong tapang. 
Tapang, upang harapin ang mga harang sa daan. 
Daang pauwi sa kasarinlan
Na aking sarili mismo ang pinagkaitan.

Alisin ang sapin sa paa
Upang ang sakit na dulot ng nakaraan ay iyong madama
Nakaraang mananatili na lamang na ala-ala
na bakas ng iyong pagsinta.

Isuot ang tsinelas kung patuloy pa ring bumabaon ang mga gasgas
Mahirap ibsan lalo na kung ika'y di naman ganoon kalakas
Dahil sa bawat tinik ika'y walang takas.

Paghilom ay hindi pangmadalian
Ito'y may prosesong pinagdadaanan
Kung saan ika'y walang malalapitan
Kundi sarili mong isip at pusong nakatamo ng kaliwanagan.

Huminto sa tuwing nahihirapan
Kapag ika'y pagod na, matutong magpahinga
Sumilong upang hindi mabasa sa mga sariling luha 
Pumikit sa tuwing nakakaramdam ng sakit.

Sa pagbabalik, aking natanaw
"Ikaw" na sa ibang direksiyon nakadungaw
"Ako" na masayang tinititigan ang araw. 
Doon ko lamang napagtanto na mula pa noong umpisa napakaliwanag pa lang walang tayo dahil ang mayroon lamang ay ang "ikaw" at "ako" sa magkabilang dulo.

Spoken Word PoetriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon