CHAPTER TWO
"WELCOME back my princess. How's your trip?"
"Well, it's so awesome mommy! Wala akong ibang ginawa kung hindi ang mag-shopping ng bonggang-bongga! Nilibot ko lahat ng magagandang tanawin sa France."
"It's good to hear that you enjoy so much. Iyon naman ang plano ko anak, ang maging masaya ka palagi. Sabihin mo lang sa akin kung may gusto ka pang puntahan at ako na ang bahala. Alam mo naman na ibibigay ko sa'yo ang lahat."
"Thank you so much mommy. I love you."
Ipinagpatuloy lamang ni Jessica ang kanyang pagkain habang nasa hapag kainan sila. Katabi niya ang kanyang daddy Marco na abala rin sa pagkain. Wala siyang pakielam sa pinag-uusapan ng mag-ina. Kung hindi lang dahil sa kanyang Ama ay hindi siya pupunta sa bahay na iyon.
"How about you Jessica, anong mga bansa na ang narating mo?"
Binitawan niya ang hawak na kubyertos at tiningnan ang nagsalita. Si Via, ang kanyang kapatid sa Ama. Bata pa lamang sila ay kaaway na ang tingin sa kanya ni Via. Hanggang sa lumaki sila ay hindi sila magkasundo nito. She is like the evil half sister she has. Isama pa ang Ina nitong si Marga na walang ibang ginawa kung hindi ang hamakin siya.
Alam niyang ang dahilan ng lahat ng iyon ay dahil ang existence niya sa mundo. Hindi niya hinihingi ang respeto ng mga ito. Namuhay siya na ang matatalim na mga mata ng dalawa ang nakasubaybay sa kanya. Alam niyang kahit anong gawin niya ay hindi siya kayang tanggapin ng dalawa bilang bahagi ng pamilya ng mga ito. Dahil anak lamang siya sa labas. Siya ang bunga ng kataksilan ng kanyang Ama sa asawa nitong si Marga.
Ang lahat ng iyon ay hindi itinago ng kanyang Ama, maging ang kwento nitong namatay ang kanyang Ina noong dalawang taong gulang pa lamang siya dahil sa cancer. Hindi man niya nakita ang Ina maliban sa mga pictures na pinakaiingat-ingatan niyang nanggaling pa sa Ama niya. Mahal na mahal niya ang Ina at nahiling niyang sana nabuhay na lamang ito.
Napakaraming taong pakiramdam niya ay impiyerno ang buhay niya sa loob ng bahay na iyon. Dahil isa siyang bastardang anak. Pakiramdam niya kahit napakalaki ng bahay ay napakasikip niyon para sa kanila ni Via at ng Ina nito. Nasanay na lamang siya sa pagmamaliit ng dalawa sa kanya sa tuwing magtatagpo sila.
Hindi naging madali ang kanyang buhay. Kung nasaan man siya ngayon ay nakaraming pagsubok ang pinagdaanan niya. Pinag-aral at pinakain man siya ni Marga ay habang-buhay na utang na loob niya iyon rito. Ang kapalit niyon ay ang pagiging miserable ng buhay niya sa kamay ng mag-ina. Tiniis niya lahat ng panghahamak, panlalait at sakit na dulot ng mga ito sa kanya. Hanggang sa matuto siyang tumayo sa kanyang sariling mga paa at tuluyang nilisan ang tahanang lungkot at sakit ang dulot sa kanya.
"Bukod sa Pilipinas ay wala na pa akong ibang narating na bansa," nakangiting sagot niya. "Hindi kasi ako mahilig maglamyerda at magsayang ng pera para lang sa mga walang kwentang bagay."
Kita niya ang paniningkit ng mga mata ni Via sa kanyang sinabi. Alam niyang tinamaan ito sa kanyang sinabi dahil wala itong ibang ginawa sa buhay kung hindi ang mag-aksaya ng pera. Kung saan-saang bansa na ito nakakarating. Wala itong alam sa buhay kung hindi ang magpakasarap.
Matanda ito ng dalawang taon sa kanya pero kailanman ay hindi niya ito tinawag na ate. She's twenty-seven years old. Hindi siya nito kinilalang kapatid kahit kailan. Kahit anong subok niya noon pa man na maging malapit rito ay para siyang may nakakahawang sakit kung ipagtabuyan nito. Hanggang sa lumaki silang abot-abot ang galit nito sa kanya. At iyon din ay dahil sa pagmamanipula ng Ina nito kay Via.
BINABASA MO ANG
Heart's Coffee Date Series 5: The Taste of Forever COMPLETED
RomanceTbe 5'th story in HCD, Chant Andrew Driscoll and Jessica Angeles. Sip the aroma of love!