Chapter 1

4.6K 230 37
                                    

Nagising ako dahil sa liwanag na tumatama sa mga mata ko. Nakalimutan ko palang takpan ng kurtina ang bintana bago ako nakatulog kagabi.

Umupo ako at nag-unat ng katawan. Bakit kaya ganon? Kapag natulog ka sa gabi at nagising kinabukasan, pakiramdam mo pagod ang katawan mo kahit humiga at natulog ka lang naman.

Inaantok pa nang lumabas ako ng kuwarto para magtimpla ng kape. Habang naglalakad ay nahinto ako sa tapat ng isang kuwarto nang mapansin na nakabukas ang pinto nito. Ang alam ko walang gumagamit sa kuwartong ito.

Kumatok ako at nilakihan ng kaunti ang pagkakabukas sa pinto. "Mama?" Tawag ko at sumilip sa loob. "A-Ano... Sorry po." Mabilis kong isinara ang pinto at kinusot-kusot ang mga mata ko. Baka sakaling mabura sa paningin ko ang nakita ko. Kaso hindi ko naman mabura sa isipan ko.

Narinig kong bumukas ang pinto kaya naman nag-angat ako ng tingin. Nakasuot na siya ng damit at nagtatakang nakatingin sa akin.

"May kailangan ka ba?" Nakangiting tanong niya at parang wala lang sa kanya ang nangyari kanina.

"Uhmn." Paano ako makakapagsalita kung ganito siya kalapit? Tumingin ako sa kanan at kaliwang direksyon. Kailangan ko nang makaalis dito.

"Hinahanap mo ba ang mama mo?" Dahil sa tanong niya ay bumalik ang tingin ko sa kanya. "Maaga siyang umalis kanina."

Tumango na lang ako kahit hindi naman ganon ang gusto kong sabihin o itanong. Tumakbo ako pabalik sa kuwarto at mabilis na isinara ang pinto. Paano ako makakasagot kanina kung hindi pa ako nakakapag-sipilyo? Nakakahiya kapag naamoy niya ang morning breath ko.

Dalawa ang cr sa bahay, isa sa taas at isa sa baba. Yung sa taas ang ginamit ko. Nadaanan ko ulit ang tapat ng pinto ng kuwarto niya. Mabilis ang mga lakad ko at baka bigla siyang lumabas. Nang matapos ay huminga muna ako ng malalim bago buksan ang pinto ng cr. Tahimik akong lumabas nang matapos gawin ang morning rituals ko. Nakahinga ako ng maluwag dahil hindi ko siya nakasalubong sa hallway. Naiiling naman ako habang bumababa ng hagdan.

Ano bang nangyayari sayo Elliott? Nababaliw ka na ata.

Dumeretso ako ng kusina para magtimpla ng kape. Kanina pa gusto maramdaman ng sistema ko ang mainit na kape. Matapos kong magtimpla ay lumabas ako ng bahay at umupo sa isang brown wooden chair. May mini garden kami sa likod ng bahay. Mas gusto ko pa ang tumambay dito tuwing umaga kaysa tumambay sa harapan ng bahay. Ayoko kasing may mga taong tumitingin sa akin. Hindi ako komportable.

Malamig ang hangin na tumatama sa balat ko at masarap isabay ang mainit na iniinom ko. Pinapakinggan ko ang mga huni ng ibon sa paligid. Nakaka-relax sa pakiramdam kapag naririnig mo ang mga ibong Maya na masaya sa panibagong araw. Ganito ang mundong gusto ko, matiwasay at hindi maingay.

"Elliott..." Nag-angat ako ng tingin sa babaeng nakatayo sa gilid ng kinauupuan ko. Nakangiti siyang nakatingin sa akin. "Nagluto kanina ang mama mo ng agahan. Sabay na tayong kumain."

"H-Hindi po ako kumakain sa umaga. Kape lang." Inangat ko pa ang tasa na hindi pa nangangalahati ang laman.

Kumunot ang noo niya sa sinabi ko. Umiling siya at hindi inalis ang tingin sa mga mata ko. "Alam mo bang breakfast ang pinaka importanteng meal sa lahat?"

"Ang pag-inom po ng kape ang breakfast ko." Hindi naman kasi ako kumakain sa umaga. Mas gusto ko ang uminom ng kape araw-araw. Kulang din ang araw ko kapag hindi ako nakakainom ng kape.

"Since dito na ako mag-s-stay ng three months? Gusto kong kumain ka ng breakfast araw-araw."

Noo ko naman ang kumunot sa sinabi niya. Tumingin ako sa harapan habang iniisip ang sinabi niya.

El Primer Amor De Una IntrovertidaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon