Panibagong Pangitain

17 2 0
                                    



Maulang gabi na naman. Ganito ba namin sasalubungin ang bagong taon? Iyan ang tanong sa aking isipan habang nakatanaw sa kalangitan, at ramdam ang lamig na simoy ng hangin.

Bumalik na ako sa aking silid. Humiga na ako sa aking kama. Inilibot ko ang aking paningin. Doon ko napagtanto na tapos na ang 2018. Na naka survive ako sa babalang ibinigay sa akin ng aking panaginip. Dapat nga ay magsaya ako, nalagpasan ko ang sinabing baka hindi na ako umabot ng 2019. Ngunit katulad ng ipinakita ng panaginip ko noong nakaraang taon, wala rin akong ginawa sa realidad kun'di tumakbo. Nakayanan ko naman na takbuhan ang kamatayan. Hindi pa kasi ako handa, sa totoo lang. Gusto ko pang mabuhay ng matagal.

Sa aking pag iisip, hindi ko namalayan na ako ay nakatulog na pala. Heto na naman tayo. Umaasang sana ay maganda ang ipakitang pangitain ng panaginip. Umaasa na sana ay masaya ang maging panaginip.

Hindi ko na masyadong maalala ang ibang detalye na nakita ko sa aking panaginip. Ngunit sigurado ako sa mga natandaan ko pa.

Kasama at kausap ko lahat ng mga namatay na kakilala ko. Lalo na ang dalawa kong lola na masyadong naging malapit sa akin. Lahat sila ay nakangiti sa akin. Walang bakas ng hirap at sakit sa kanilang mukha. Kasama ko pa nga silang kumain sa hapag doon sa aking panaginip. Tapos ay nagkuwentuhan.

Hanggang sa may isang babae na hindi ko na maalala kung sino pero ang alam ko ay kilala ko siya, na nagsabing nauubusan na ako ng oras dito sa mundo. Tila sinusundo na nila ako doon sa aking panaginip. Inaaya sa lugar na mas maliwanag. Nagsimulang nang tumulo ang aking mga luha. Ayaw tanggapin ng aking sistema ang aking nalaman.

Humiling ako sa kanila pati na rin sa isa pang lalaki na kasama nilang nakasuot ng puting damit. Humiling ako na bigyan nila sana ako ng kahit na kaonti pang oras para makasama ang mga mahal ko sa buhay. Mabuti at pumayag sila. Hinayaan nila akong pumunta sa lugar kung saan nandoon ang mga magulang ko, mga kapatid ko, ilang mga kaibigan na nandoon, at ibang kamag anak.

Wala akong sinayang na oras na. Una kong nilapitan ang aking mga magulang at kapatid. Niyakap ko ang mga kapatid ko at niyakap nila ako pabalik. Mamimiss ko ang pagiging malapit namin at pagiging sweet nila sa akin. Sumunod ay niyakap ko bigla ang mga magulang ko. Takang taka sila kung bakit ako yumakap na lang nang biglaan. Pero hinayaan na lang nila ako. Pinigilan ko ang sarili ko na umiyak. Gusto ko pa silang makasama ng matagal ngunit hindi na maari. Habang yakap ko sila ay wala akong tigil kakasabi ng "Salamat", "Patawad", at "I Love You."

Sumunod naman ay nilapitan ko ang bawat tao na nandoon. Niyakap sila ng walang pasabi. Nagpasalamat, humingi ng tawad, at nagsabi na "sana 'wag niyo akong kalilimutan." 'Yung iba nga ay niyakap ko rin kahit hindi ko naman kaclose talaga.

Matapos ay bumalik ako sa kinaroroonan ng pamilya ko. Niyakap ko uli sila. Alam kong ubos na ang oras ko. Alam kong nakatingin na sila sa akin--- ang mga taong sumusundo sa akin. Pero hindi ako bumibitaw pa rin sa pagkakayakap sa mga kapatid ko.

Hindi ko alam kung anong nangyari pero narinig ko ang boses ng lola ko--- yung mommy ni mommy. "Tara na." Sabi pa niya.

Nilapitan na ako ng naka puting lalaki. Ang ipinagtataka ko lang ay bakit hindi siya nakikita ng mga tao doon, pati ng kapatid ko at magulang ko?

Bago sumama sa lalaking naka puti, binigyan ko ng isang ngiti ang aking pamilya at saka sinabing "Paalam na. Mahal na mahal ko kayo. 'Wag niyo akong kakalimutan, ha."

Naglakad na kami palayo ng lalaki na 'yon. Dinala niya ako sa kinaroroonan ng mga lola ko, pati ng ibang kakilala kong namatay na. Ngunit nang malapit na akong tuluyang kunin ng liwanag, nabalik na ako ng realidad.

Boses agad ng nanay ko ang sumalubong. Ilang beses na raw niya akong ginigising ngunit hindi ako magising.

Ilang minuto pa ang lumipas at tila hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nakita sa aking panaginip. Iyon ba ang senyales o babala na binigay sa akin para sa taon na ito? Bakit naman ganoon?

Noong nakaraang taon ay tinatakbuhan ko lang ang kamatayan. Ngunit ngayon ay tila naabutan na niya ako.

Sa totoo lang din, habang tinitipa ko ito sa aking laptop, ramdam ko ang pagsakit ng aking dibdib. Tila gustong makawala ng lahat ng emosyong nakakulong. 

Bigla ko rin naalala ang isang tanong na minsan kong sinagot sa aking curiouscat na account. "If you find out you were dying, would you be nice, love more, and try something new?"

Sa tingin ko, mas bibigyan ko na ng oras ang mga tao sa paligid ko. Hindi na rin ako magpapanggap na ayos lang. Tama na. Ayoko na. Kung kinakailangan magpakita ng kahinaan ay gagawin ko. Hindi ko na ito tatakpan ng mga ngiti at tawang hindi naman totoo. Hindi na rin ako magsusuot ng maskara. Tigil na. Sapat na siguro ang mga panahong naipakita kong ako ay malakas at matatag.

Mas ieenjoy ko na ang mga natitirang oras na mayroon ako. Gagawin ko na lahat. Magpatawad. Humingi ng tawad. Magpasalamat. Tumulong sa iba. Magmahal. Ano pa nga ba? Ay, basta lahat gagawin ko na.

Susubukan ko rin mag iwan ng bakas sa kanila. 'Yung tipong hindi nila makakalimutan kahit na mawala na ako.


Gagawin kong mas kapakipakinabang na taon ito. At kung sakali man na malagpasan ko muli ang kamatayan, at makaabot ako ng susunod na taon, pangako ililibre pa kita. 




s.c.m

Unexpected Miscellaneous | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon