Binhing Sumisibol: Nilipad na Karapatan

15 1 0
                                    


Ang lahat ay pantay-pantay sa harap ng batas at may karapatan sa walang pagtatangi ng pangangalaga ng batas. Ang lahat ay may karapatan sa pantay na pangangalaga laban sa ano mang pagtatangi-tanging nalalabag sa Pahayag na ito at laban sa ano mang pagbubuyo sa gayong pagtatangi-tangi. Iyan ang nakasaad sa ika-pitong artikulo sa konstitusyon ng Pilipinas. Pero paano na lang kung magkaroon ng batas na maaring matapakan ang karapatan ng isang tao? Lalong lalo na kung ang pinaka maaring maapektuhan ay mga bata at menor de edad.

Naging usap-usapan ang pagsusulong ng batas na pagpapababa ng edad ng mga huhulihin na kriminal sa ating bansa. Ito ay naglalayon na parusahan o ikulong ang mga lalabag sa batas na nagsisimula sa taong siyam na gulang at pataas.

Ang isang bata na may taong siyam na gulang ay nasa proseso pa lang ng pag-unlad ng kanyang mga kakayahan sa pagde-desisyon. Ang isip ng mga batang nasa edad siyam hanggang labing-isa ay sumasa-ilalim pa sa pagbabago habang sila ay lumalaki. Ilan sa mga abilidad na nasa proseso pa lang ng pagbabago ay ang kakayahan sa pagde-desisyon, pagkontrol sa mga kilos at galaw, pagpa-plano na nagdudulot ng pangmatagalan. Ang mga abilidad na ito ay hindi pa buong ganap kung kaya mas delikado ang kanilang sitwasyon dahil sa kanilang pag-uugali.

Ilan sa mga karapatan ng bata na matatapakan dito ay ang kalayaan sa pakikisalamuha,at pagkakaroon ng laban mula sa lahat ng karahasan. Papaano na lang ang kanilang kalayaan kung ito ay maisabatas na?

Sabi nga ni Sendaor Risa Hontiveros, kumpara sa may edad na, walang laban ang mga bata sa harap ng pananakot ng mga masasamang loob.

Ang pagpapababa ng edad na responsable na sa krimen ay hindi rin makakapagpatigil sa mga masasamang tao tulad na lang ng sindikato sa panggagamit sa mga bata para sa kanilang sariling kapakanan. Maari pa ngang tumaas ang bilang ng mga krimen na sangkot ang mga menor de edad dahil sila ang marahil na gagamiting instrumento ng mga masasamang tao para gawin ang mga masasamang bagay.

Hindi solusyon ang pagpapababa ng edad na responsable sa krimen para mabawasan o matapos ang patuloy na pagdami ng krimen sa ating bansa. Suporta at tulong mula sa gobyerno ang kailangan ng mga bata, hindi pagkakakulong o pagpaparusa.

Tandaan natin, mga pag-asa ng ating bayan ang nakasalalay sa kontrobersyal na usapin na ito. Mga binhing sumisibol pa lang ang maaring malagay sa alanganin at mawalan ng karapatan bilang isang bata. 



s.c.m

Unexpected Miscellaneous | ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon