Kaibigan. Walong letra ngunit iba ang naging epekto sa akin. Itinuring kong isang kayamanan. Isang napaka gandang obra maestra.
Ikaw ang isa sa mga dahilan ng pagpasok ko sa eskwelahan. Ikaw ang naging sandalan ko sa mga panahong nanghihina na ako. Ikaw yung naging taga-punas ng mga luha kapag hindi ko na kaya pa ang bigat ng aking nararamdaman, at kapag hindi ko na kaya pa itago ang aking mga emosyon. Ang mga yakap mo ang aking naging pampakalma. Tila sinasabi ng mga yakap mo na magiging maayos din ang ang lahat.
Marami tayong pinagsamahan. Maraming ala-ala ang nabuo. Ikaw din ang naging kasama ko noon sa pangangarap. Naalala ko pa, sabay tayong maglalakad habang nagkukwentuhan papunta sa kung saan-saan. Sabay tayong kakain at magmemeryenda bago ang klase natin sa banda. Kapag wala naman magawa, ay kasama kita sa isang tabi na nagsusulat ng mga istorya at tula.
Hanggang dumating yung araw na napaginipan kita. Ilang beses kitang hinabol ngunit hindi kita maabutan. Nakita kitang pumasok sa isang malaking pinto at nang makapasok ka na roon ay bigla na itong nagsara. Hindi kita naabutan. Ayaw din naman akong pagbuksan ng pinto ng guwardiya. Sabi pa nito, maghintay na lang ako na magbukas iyon. May sinabi pa siyang oras ngunit hindi ko na iyon naintindihan dahil ang tanging nasa isip ko lang noon ay kailangan kitang maabutan. Para kasing may mahalaga kang sasabihin sa akin.
Nang magising ako ay parang biglang bumigat ang pakiramdam ko. Parang may mali. Agad kong hinanap ang aking telepono at maraming mensahe akong natanggap. Unti-unting tumulo ang mga luha sa aking mata. Pero sa oras na iyon ay wala na ang taong nagpupunas ng mga luha ko sa tuwing umiiyak ako at wala na rin ang taong yumayakap sa akin para ako ay pakalmahin. Wala na. Wala na dahil iniwanan mo na ako. Iniwan mo na kami.
Walang tigil ang aking pag-iyak. Hindi ko alam kung papaano tatanggapin na wala ka na. Lalo na nang kinabukasan noong malaman ko ang balita sa iyo ay nagpunta na ako agad sa inyo. Tila nanghina pa lalo ang mga tuhod ko sa nakita ko.
Bakit ka sa kabao ka na nakahiga? Bakit nakasuot ka na rin ng bestidang puti? Bakit para ka pa ring isang anghel na nakapikit lang? Bakit may kolorete na agad ang iyong mukha e hindi pa naman recital natin?
Hindi ko na napigilan ang aking sarili at napayakap na ako sa kabao mo. Wala na akong pakeelam sa kung ano man ang sabihin ng ibang tao na nandoon.
Dalawang tao na ang lumipas. Ngunit sa tuwing maalala kita ay parang sariwa pa rin ang ala-ala ng kahapon..
Nais ko sanang dalawin ka sa iyong puntod ngunit alam ko sa sarili kong hindi ko pa kaya. Kaya naman idadaan ko na lang sa sulatin na ito ang gusto kong sabihin sa iyo.
Mahal kong kaibigan, natupad ko na nga pala 'yung pangako ko sa iyo at isa sa mga pangarap natin. Nagkaroon na ako ng libro at nakalathala na ito. Alam mo bang ikaw ang naging inspirasyon ko nang isulat ko iyon? At tulad ng ipinangako ko sa iyo, nilagay ko ang pangalan mo sa pasasalamat.
Marami pa akong nais na sabihin ngunit alam kong mauubusan na ako ng tinta. Pangako, hinding-hindi ka mawawala sa aking puso at babauunin ko lahat ng mga ala-ala at sinabi mo sa akin. Sana nga lang ay masaya ka na dyan sa langit. Hindi ka na mahihirapan diyan.
Hanggang sa muli nating pagkikita, mahal kong kaibigan.
s.c.m
BINABASA MO ANG
Unexpected Miscellaneous | ✓
Historia Cortau n e x p e c t e d m i s c e l l a n e o u s // Isang antolohiya ng iba't ibang mga literary pieces tulad ng maiikling kuwento at ibang tula na biglaang naisulat ng aking pasmadong kamay at malikot na imahinasyon. // All Right Reserved 2019 sh...