Naglahong Panaginip

3 2 0
                                    

Naglahong Panaginip

****
Sabi nila, kapag nakakita ka ng binata sa iyong panaginip na hindi mo naman kilala at hindi rin malinaw ang mukha, ibig sabihin ay makikilala mo siya sa hinaharap.

Sampung taong gulang pa lamang ako noong una ko siyang napanaginipan. Tuwing anibersaryo na kamatayan ni Papa, dinadalaw niya rin ako sa aking panaginip.

Nakasuot siya ng pulang checkered at itim na pantalon. Kayumanggi ang kulay ng balat niya at itim ang buhok. Ang pinagtataka ko lang ay kahit na malabo ang mukha niya, malinaw kong nakikita ang singkit niyang mga mata. Mga matang nakita ko na noon. Mapungay ngunit malungkot ang mata ng binata. Mga matang hindi ko malilimutan.

May suot rin siyang singsing na kulay pilak na pamilyar dahil pares iyon ng akin. Pitong taon pa lamang ako nang ibigay iyon sa akin ni Papa at pinangako kong iingatan. Hindi ko na binigyan ng kulay ang pagkakapareho. Ang mahalaga sa akin ay mahanap ang binatang iyon na nagbigay sa akin ng pag-asa na kahit wala na akong pamilya, mayroon pa rin akong makakasama at mamahalin habambuhay.

Ang unang lalaking pinangarap kong pakasalan.

Hunyo 7, ang aking kaarawan at ang araw ng kamatayan ni Papa. Narito ako sa parkeng paborito naming pasyalan noon.Ginugunita ang masasaya naming alaala 15 taon na ang nakalilipas — bago maganap ang pakikipaghilaan namin kay kamatayan. Nakaupo ako at nakasilong sa ilalim ng punong hindi ko alam ang tawag. Pinagmamasdan ko ang mga batang masayang naglalaro sa hindi kalayuan.

Naisip ko, sa laki ng populasyon ng Maynila, paano mo masasabing ang taong ito ang makakasama mo habambuhay? Sa totoo lang, hindi ko rin alam ang sagot. Walang sinuman ang nakakaalam. Ang binata sa aking panaginip na patuloy kong hinihintay, hindi ko nga alam kung siya ba ay nabubuhay. Maaari, pero maaari rin na isa lamang siyang nilalang sa aking imahinasyon na bunga ng aking pag-iisa. Ngunit umaasa pa rin ako na magtatagpo ang aming landas.

Alas-tres na ng hapon nang nilisan ko ang parke. Papunta na ako ngayon sa sementeryo para bisitahin ang pinakamamahal kong ama. Tinatahak ko ang daan patungo sa puntod ni Papa nang mapansin kong may nauuna sa akin. Isang may-edad na babae at isang binata. Ang damit, ang buhok at ang kulay ng balat ng binata ay pamilyar na pamilyar sa akin. Siyanga!

Narito sa sa harap ng aking mga mata ang nakatalikod na binatang tahimik kong minahal sa loob ng maraming taon. Napatigil ako sa reyalisasyong ito. Totoo siya at heto ako ngayon, abot-tanaw at abot-kamay siya. Ito na ba ang tamang pagkakataon para magkakilala kami? Napangiti ako sa ideya.

Bumalik ako sa paglalakad at sila ay sinundan. Huminto sila sa puntod na siya ring sadya ko. Napahinto rin ako. Nabalot ng koryusidad at kaba ang kaninang magaan kong pakiramdam. Nanghihina ang tuhod na umiyak ang ginang hanggang maupo siya sa damo. Ang iyak ay naging hagulgol. Damang-dama ko ang kalungkutan.

Nabaling ang paningin ko sa binata. Tahimik lang siyang nakatayo. Nakatalikod siya at hindi ko malaman ang reaksyon ng mukha niya. Mukhang hindi siya umiiyak kahit ramdam ko ang kanyang kalungkutan.

Namuo ang luha sa aking mga mata sa eksenang nakikita ko ngayon. Ang bigat-bigat ng dibdib ko. May kung anong kirot akong nararamdaman sa puso ko habang pinagmamasdan ang mag-inang ito. Tuluyang nahulog ang luha sa aking mga mata. Nasa bokabularyo ko pala ang salitang "mag-ina" na kahit kailan ay hindi ko narinig patungkol sa akin. Sa isang taong tulad ko na ama lang ang kinikilalang pamilya, sino itong mag-inang nasa puntod ni Papa?

Napahikbi ako sa reyalisasyong tumatakbo sa aking isipan. Hindi ko matanggap o hindi ko inaasahan? Lumingon sa direksyon ko ang binata. Huminto ang aking mundo. Nakatuon sa akin ngayon ang paningin ng binatang pinangarap kong pakasalan. Kitang-kita ko ang paglandas ng luha sa singkit niyang mga mata habang mataman akong pinagmamasdan.

Paano kaya kung nagpaubaya na lang ako kay kamatayan noon tulad ng ginawa ni Papa? Malamang wala ako sa malungkot na sitwasyong ito. Ngunit gawain lamang ng isang duwag na isiping balikan ang nakaraan at baguhin ito nang hindi maranasan ang kasalukuyan. At hindi ako isang duwag.

Matapang kong sinalubong ang tingin ng binata. Hindi na nasundan ang patak ng luha niya. Kung maaari lang na ako ang lumuha para sa kanya. Mabawasan man lang ang bigat sa kanyang puso. Sa malamlam na matang iyon, nababasa ko ang pangungulila niya sa taong nagmamay-ari rin ng ganoong mata.

Naging malinaw na sa akin ang lahat. Sa tulad kong nakatanggap ng lubos na pagmamahal mula sa aking ama sa 10 taong nakapiling ko siya, hindi ko alintana ang ideyang wala akong ina at kapatid. Nabusog ako sa pagmamahal na kahit wala na ang aking ama, naroon pa rin ang kapanatagan ng loob sa kabila ng pangungulila at pag-iisa. Ngunit ang mga taong nasa harap ko ngayon ay hindi man lang naambunan ng umaapaw na pagmamahal na natamo ko.

Nabaling na rin ang atensyon ng ginang sa akin. Kaharap ko na silang dalawa. Tahimik na nagtitinginan. Sa hitsura ng ginang, para ko na ring nakita ang hitsura ko pagdating sa edad niya. Binasag ng ginang ang katahimikan nang hindi gumagawa ng kahit anong ingay. Kumilos ang mga kamay niya na nagsasabing lapitan ko siya. Ganoon din ang kilos ng mga kasama kong may kapansanan sa ampunan noon.

Humakbang ako palapit sa kanya at sabik niya akong niyapos ng mainit na yakap. Umiiyak pa rin siya. Nakapihit ang ulo ko sa kanan - sa kinaroroonan ng binata. Bahagyang umangat ang labi ko nang mapagtantong mas bata siya sa akin. Ngayon ko lang napansin.

Yumuko ako at puntod naman ni papa ang nakaharap ko. Siya ang nag-iisang taong pinagkatiwalaan ko. Palagi niyang sinasabi noon na matalino ako. Matatawag namang matalinong desisyon ang kamuhian siya hindi ba? Para sa aking ina at kapatid. Isa pa, pinaasa niya ako sa isang kalokohang panaginip.

Sa lahat ng ito ay galit ako kay Papa. Galit na galit.

Wakas.

*****
NAGLAHONG PANAGINIP ©2016 by aningness

It was edited. Ang original nito ay ginawa ko nung third year highschool. Schoolwork actually.:)))

One Shot RideTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon