Chapter 18

833 24 2
                                    


Hindi ko magawang maging kalmado kahit na nakarating na kami ni Vlad sa mansyon ng mga Hochengco. May lumapit na isa sa mga katulong. Sinabi nito na may bisita daw ako. Mukhang mag-asawa at kasalukuyan na itong naghihintay sa veranda. Hindi ako nagdalawang-isip na puntahan ko ang sinasabi na dalawang tao na bisita ko daw. Nakasunod lang sa akin si Vlad.

At hindi nga ako nagkamali. Pareho silang nakatalikod sa amin. Lumingon lang sila nang maramdaman nila ang presensya ko. Taranta silang tumayo at lumapit sa amin. Agad ko sinunggaban ng mahigpit na yakap si tita kasabay na bumuhos ang aking mga luha. Pumikit ako ng mariin. Naroon ang pagkasabik na makita ulit siya. Sabik na makita ang tinuturing kong pangalawang ina.

"Nabalitaan namin ang nangyari sa iyo, Inez..." basag ang boses ni tita. Ginantihan din niya ako ng mahigpit na yakap. "Sorry... Sorry kung wala ako sa tabi mo ng ilang taon... Na hinayaan lang kitang pasan mo ang mga ito, anak..."

Ako na ang kumalas ng yakap mula sa kaniya. "Kinuha ni Zora... Ang anak at ang kaibigan ko..." sige pa rin ang pagtangis ko. "Hindi ko alam kung anong gagawin ko, tita... Hindi ko alam kung papaano ko sila ililigtas sa kamay niya..."

Pumikit siya ng mariin. "Kahit ako nalang ang papalit sa pwesto mo, anak. Gagawin ko." hinawi niya ang takas kong buhok saka isinabit niya iyon sa aking tainga.

Sa gilid ng aking mata, kita ko na paglapit ni Vlad sa amin. "Gagawan po natin ng paraan para mabawi namin ang anak ni Inez at ang kaibigan niya. Maya-maya ay dadating na ang iba ko pang pinsan para magsagawa ng plano."

Bumaling sa kaniya sina tito at tita. Hinawakan ni tita ang mga kamay niya. "Alam kong malaki ang naging kasalanan ng anak ko sa inyo. Bilang magulang niya, ako na mismo ang humihingi ng patawad sa inyo... Pareho kami ng asawa ko, alam namin na marami din kaming pagkukulang sa kaniya... Pero pinag-usapan na din namin na.... Handa na kami sa anuman ang magiging kaparusahan ni Zora..."

Seryosong tumango si Vlad. "Maraming salamat po," huminga siya ng malalim. "Pupwede kayong manatili muna kayo dito sa mansyon hangga't gusto ninyo. Para makapagpahinga na din kayo."

Pinunasan ni tita ang mga takas niyang luha saka umiling. "Ang balak sana namin ng asawa ko ay doon nalang kami sa dati naming bahay kami mananatili ngayon hanggang sa malaman namin ang magiging hatol ng batas sa anak ko." habang si tito ay hinihimas ang likod ni tita.

-

Pagkaalis nina tita, ay sabay nang nagsidatingan ang magpipinsang Hochengco. May mga kasama din silang mga babae na napag-alaman ko mula kay Fae na mga kapatid pala ni Keiran ang dalawang babae sa ama. Kahit ang mga magulang nito ay isa-isa na din nagsidatingan.

Natanggap ko na din ang mensahe mula kay Zora. Magkikita kami sa isang abandonadong gusali sa Trece Martires. Itinuro sa akin ng magpipinsan na sumang-ayon nalang ako sa mga gugustuhin ng pinsan ko. Inabot na din nila sa akin ang malaking bag na naglalaman ng pera na kailangan nito.

Para daw hindi mahalata na nakasunod lang sa akin ang mga pulis ay magtatricycle nalang ako dahil kapag kasama ko pa si Vlad sa tagpuan namin ay paniguradong mapapahamak ang anak ko at si Rahel.

-

Alas diyes ng gabi ang usapan namin ni Zora. Nagbayad ako sa tricylce driver bago ako bumaba. Kumawala ako ng isang malalim na buntong-hininga pagkatapos ay nagpakawala na ako ng hakbang patungo sa abandonadong gusali kung saan ko makikita ang pinsan ko. Napapaligiran ito ng mga nagtataasang mga damo na dahilan para hindi masyadong maaninag ang lumang gusali. Panay kabog ng aking dibdib dahil sa pinaghalong kaba at takot pero pilit ko iyon nilalabanan. Dalawang buhay ang nakasalalay sa paghaharap namin ni Zora ngayong gabi. Kailangan ay hindi niya mahalata na hindi ako nag-iisa dito.

Once Upon An Us | EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon