[Night 3 Part 2]
Kunot noo at gulong-gulo na pinagmamasdan nina Ciara ang kaibigan na nagdire-diretso palabas para hanapin ang kasintahan nitong patay na ngunit mistulang nakalimutan ito ng kaibigan dahil salungat ang ipinapakita nitong itsura at kilos o kaya'y sadyang hindi lang nito matanggap ang biglaang pagkawala ng kasintahan kaya naman pinipili niya pa ring buhayin ang kasintahan sa kanyang isip sa pamamagitan ng pagpapanggap na parang walang nangyari kahit alam niyang imposible na iyon.
"Naaawa na ako kay Rex..." Mahinang wika ni Skye habang nakatanaw pa rin sa dinaanan ng kaibigan na nagmamadaling umalis.
Ang lahat ay nakaramdam ng matinding awa para kay Rex dahil hindi na nila alam kung paano dadamayan ito at tanggaping wala na ang kasintahan nito. Nanatili pa ring nakatanaw si Ciara sa dinaanan ng kaibigan habang bakas sa kanyang mukha ang lungkot dahil sa sakit na dinaranas ni Rex. Sa kabila niyon, patuloy na sumasagi sa kanyang isipan ang misteryosong pinagmulan ng puting rosas na dalawang beses na niyang nasilayan sa pananatili nila sa mansyon.
Binalot siya ng palaisipang iyon, hindi na niya namalayan pa ang mga tao sa kanyang paligid dahil sa lalim ng kanyang iniisip.
"Myrna!"
Nabalik siya sa katinuan nang marinig ang tila pagtawag sa isang pangalan ng hindi pamilyar na tinig. Napalinga-linga siya paligid upang hanapin kung saan nagmumula at kung kanino nanggaling ang tinig na iyon. Napakunot ang kanyang noo, nagtatakha sa kanyang narinig dahil abala ang kaniyang mga kaibigan sa kanilang mga ginagawa at batid niyang wala sa mga ito ang nagmamay-ari ng tinig na iyon, tinig ng isang babae.
"Myrna!"
Sa pagkakataong iyon, mas lalong lumakas ang boses na kanyang naririnig. Tila ba malapit na sa kanya ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Muli siyang napalinga sa paligid nang may pagtatakha at laking gulat niya nang kaniyang makita at masaksihan mismo ang nangyari.
Mula sa kanyang kinatatayuan, dumaloy doon ang liwanag, sinakop ang buong kabahayan at binalot ang mga pader paitaas, tila sinisipsip nito ay tubig. Unti-unting nagbago ang paligid na para bang biglang nabuhayan ang paligid, napuno ng mga mamahaling kagamitan ang bawat sulok ng kanyang kinatatayuan.
Ang lahat ng kaniyang makita ay kumikinang dahil sa linis ng paligid. Mula sa sahig, sa mga mamahaling muwebles gaya ng kabinet, mga upuan at lamesa pati na rin ang mga pigurin na nakahilera bilang disenyo sa loob gayon din ang mga naglalakihang kuwadro na nakasabit sa dingding na may iba't ibang larawan na nakaburda at ang malaki at kumikinang na aranya (chandelier) sa gitna ng kisame sa sala ang mas lalong nagbigay ganda sa kaniyang paningin.
Kaniyang napagtanto na ito pa rin ang mansyon na kanilang tinutuluyan. Pero kaniyang ipinagtatakha kung bakit nakikita niya ang kabaligtaran ng abandunadong mansyon na kanilang natagpuan.
Tahimik ang mansyon at walang ingay na maririnig. Mabilis siyang luminga-linga upang hanapin ang mga kaibigan na kasama niya kanina sa sala, agad siyang nakaramdam ng kaba dahil hindi na niya masumpungan ang mga ito.
"Guys?" Tawag niya sa walang katao-taong sala.
"MYRNA!"
Muli niyang narinig ang mas malakas na tinig, agad siyang napatapik sa kaniyang tenga at napapikit dahil sa takot na nag-iisa na lamang siya at mayroon pang tinig na hindi niya kilala.
"Ciara? Ciara? Ayos ka lang?"
Nagbalik ang maingay na paligid galing sa kanyang mga kaibigan,dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at nabungaran niya ang nag-aalalang mga mata ni Marco. Napahinga siya nang malalim saka muling sinuyod ng kaniyang paningin ang paligid. Nagbalik na ito sa dati, hindi tulad kanina na kitang-kita ang karangyaan at kagandahan nito. Naguguluhan siyang napatingin kay Marco, hindi niya alam kung anon sasabihin.
BINABASA MO ANG
White Rose ✔
ParanormalGhost Hunter's o mas kilalang "Ghounters", ang grupong kinabibilangan ni Ciara Corpuz na binubuo ng labing limang miyembro. Ang babaeng may kakayahang makaramdam ng mga espirito at kaluluwa. Sa hindi inaasahan, nagsimula ang kanilang kalbaryo nang m...