[Night 7 - Part 7]
"Huwaaaaaah! Bakit nakalimutan kong dito ang daan pababa?!" Mangiyak-ngiyak na bulalas ni Blane.
"Huhuhu! Wala na bang ibang daan? Ayoko nang dumaan diyan!"Nahinto sila sa tapat ng hagdan dahil sa pagtanggi ni Blane na roon dumaan pabalik. Muli ring nanlamig sa takot at kaba si Ciara nang muling maalala ang nakita kanina, batid niyang sa oras na bumalik sila sa loob, malaki ang posibilidad na muling magpakita sa kaniya ang kaluluwa. Isang palaisipan sa kanya kung bakit sa kaniya lamang ito nagpapakita gayong si Marco ang talagang may kakayahang makakita ng mga tulad nito. Pinagsalop niya ang dalawang palad na tila muling nagyeyelo sa lamig.
"Wala nang ibang daan. Wala na tayong pagpipilian pa. Tara na."
"T-teka naman!" Pigil ni Blane nang akmang mangunguna si Marco pababa.
"Blane, hindi sila nananakit. Ayos lang 'yan, tutal hindi mo naman sila nakikita." Paliwanag ni Marco. Napanguso nalang si Blane, bakas pa rin ang takot sa mga mata.
"Eeeehh! 'Yon na nga! Hindi ko sila makita! Baka mamaya nasa tabi ko na o baka sumama pa sakin 'yan eh!" Maktol pa niya.
"O sige, kung ayaw mong sumama pababa, maiwan ka." Pananakot naman ni Ion. Agad na nanlaki ang mga mata ni Blane, rumehistro ang matinding pagtutol sa kanyang mukha.
"S-sabi ko nga 'di ba! Sasama ako pababa... Sa hagdan." Mangiyak-ngiyak na aniya. Inagaw niya ang flashlight kay Ion sa takot na maiwan siya sa dilim. Akmang lalakad na ang lahat pababa nang muling pigilan sila ni Ciara.
"S-sandali..." Nanginginig ang boses na pigil niya. Nabaling ang atensyon ng lahat sa kaniya, napansin nilang iwas ang paningin nito sa hagdan at nasa gilid ang paningin.
"Wala na ba talagang... Ibang daan...?" Mahinang tanong niya."Ciara..."
Naramdaman niya ang paglapit ng mga kaibigan lalo na si Marco na mabilis na nagtungo sa kanyang harapan.
"Tignan niyo na! Pati si Ciara ayaw din niya dumaan diyan! Sa iba nalang kaseeee!" Rinig niyang wika ni Blane.
"Natatakot ako." Mahinang bulalas niya, muling pumatak ang luha sa kaniyang mga mata na agad niya namang pinahid saka malalim na napabuntong-hininga. Binalingan niya ng tingin ang kaharap dahilan para makita niya ang mga mata ng binata na may pag-aalala.
"Bakit kasi... Hindi mo siya nakikita." Tukoy niya sa kaluluwa kanina."Hindi ko rin alam."
Tipid nalang siyang napangiti at muling napabuntong-hininga. "Wag niyo 'kong isipin. Baka napagtripan niya lang ako kanina! Haha! Tara na! Bilisan nalang natin ha?" Bawi niya saka inaya ang mga kaibigan na lumakad na. Napipilitan namang sumunod na rin si Blane, dinig pa rin ang pagmamaktol nito habang mahigpit ang kapit kay Laira. Pigil ang hiningang dahan-dahan na bumaba ng hagdan si Ciara, sa isip ay ipinagdarasal niya na sana'y hindi na maulit ang nangyari kanina at hindi na ito magpakita pa sa kaniya.
Tuluyan nilang narating ang madilim na pasilyo ng ikatlong palapag ng ospital nang mapayapa. Tanging si Blane lamang ang naririnig nila dahil panay ang pag-aapura nito na bilisan nila ang paglalakad. Hindi rin ito matigil sa pagsasalita ng "Makikiraan lang po" ng paulit-ulit na parang isang sirang plaka. Nalagapasan din nila ng mapayapa ang ikalawang palapag at nang marating nila ang pinakababa, bumilis na ang kanilang paglalakad sa kagustuhang makalabas agad.
Agad namang nabuhayan si Blane dahil malapit na nilang marating ang pinto palabas. Ngunit agad na nanlamig ang buong katawan ni Ciara nang matanawan muli ang bulto ng babae sa dulong bahagi ng pasilyo kung saan nasa likuran nito ang puting pinto na may salamin. Bumigat ang kanyang bawat paghakbang dahil sa kaba, batid niyang sa kaniya ito nakatingin at hindi niya maintindihan kung bakit ito nagpapakita sa kaniya.
BINABASA MO ANG
White Rose ✔
ParanormalGhost Hunter's o mas kilalang "Ghounters", ang grupong kinabibilangan ni Ciara Corpuz na binubuo ng labing limang miyembro. Ang babaeng may kakayahang makaramdam ng mga espirito at kaluluwa. Sa hindi inaasahan, nagsimula ang kanilang kalbaryo nang m...