[Night 7 Part 11]
"Ililigtas ko kayo." Wika ni Ciara, hindi na niya hinintay pa ang tugon ni Skye at mabilis na tinakbo ang mansyon papasok. Hindi mahulaan ni Skye kung ano ang pinaplano ng kaibigan, agad niyang dinampot ang martilyo at hinawakan ito nang mahigpit.
Mabilis na narating ni Ciara ang ikalawang palapag ng mansyon, tinungo niya ang balkonahe na ginamit nila noon upang tuluyang makalabas doon. Bitbit niya ang flashlight na nabitawan din ni Ion kanina bago pa man siya mahuli ni Myrna. Laking papasalamat niya dahil mayroong mga halaman na umakyat at kumapit sa dingding ng mansyon, ginamit niya iyon upang makaakyat sa bubong ng mansyon.
Maingat niyang inaakyat ang dingding, nanginginig ang kaniyang mga kamay sa takot na makabitaw siya sa ugat ng mga halamang nakadikit sa dingding. Malalaki na ang mga ugat niyon na isa pang ipinagpapasalamat niya. Hangga't makakaya niya'y ginagawa niya ang lahat na bilisan ang pag-akyat dahil maaaring hindi niya na rin abutan pa si Ion. Nasa kaniyang bibig ang flashlight habang patuloy pa rin sa pag-akyat.
Ilang segundo pa'y narating niya ng ligtas ang bubong ng mansyon. Ngayon ay nasa harap na niya sina Ion at Myrna, nabaling sa kaniya ang tingin nito, naroon na naman ang ngiti nitong nakakakilabot. Pinilit niyang hindi magpasindak sa maaring gagawin nito, pinalalakas niya ang kaniyang loob dahil hindi niya maililigtas si Ion sa oras na magpadala siya sa kahinaan at karuwagan.
Mabilis siyang napahakbang papalapit sa mga ito nang idiniretso ni Myrna ang braso nito na may hawak kay Ion, nagbabanta itong ihuhulog ito sa ibaba. Muling tinambol ang puso niya sa kaba dahil sa nangyayari. Napansin niyang lumuwag ang pagkakasakal nito kay Ion dahilan para maghabol ito ng hininga.
"Nakikiusap ako, huwag mong tangkaing ihulog siya. Ibaba mo siya nang maayos dito. Apat nalang kaming natira, maawa ka na sa'min! Hayaan mo na kami!" Pakiusap niya, nakatingin lang ito sa kaniya ng may nanlilisik na mga mata. Nagpapa-palit-palit ang tingin niya rito at kay Ion maging sa kamay nitong nasa leeg ng kaibigan, binabantayan ang susunod na kilos nito. Saglit siyang nasindak nang malakas itong tumawa nang nakakakilabot,nang makabawi siya'y ginawa niya iyong paraan upang tuluyang makalapit sa kanila habang abala pa ito sa pagtawa.
"Skye! NGAYON NA!!!" Malakas na sigaw niya, inaasahang maririnig ito ng kaibigan mula sa ibaba. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay nang muli balingan ng tingin nito at ngitian na nagbigay nang matinding kilabot at takot sa kaniyang buong katawan dahilan para matigilan siyang mahigit si Ion palapit sa kaniya. Naestatwa siya sa hindi malamang dahilan.
Ngunit agad siyang nabalik sa ulirat nang biglang sumigaw si Myrna at dahan-dahang maglaho na tila isang abong tinatangay ng hangin at nabitawan nito si Ion. Agad na nanlaki ang mga mata niya at tila bumagal ang takbo ng paligid nang mapanuod ang kaibigang dahan-dahang nahuhulog. Mabilis niyang hinabol ang kamay nito at bahagya siyang nakahinga nang maluwag nang madampot ang braso ni Ion, hindi ito tuluyang nahulog.
Napatingin siya sa ibaba, nakita niyang pinanggigigilan ni Skye na hampasin ang plorera gamit ang martilyo na ngayon ay durog na durog na. Ngunit agad siyang nanlamig nang matanawan sa ibaba kung saan sa mismong tapat ni Ion ang matulis na bakal na nakatututok sa kaibigan, siguradong doon ito babagsak kung sakaling mabitawan niya ito.
Ilang sandali pa, unti-unti na niyang nararamdaman ang bigat ng kaibigan. Lalo siyang kinabahan, dahil mas matangkad at mas mabigat ito sa kaniya, hindi niya kinakaya ang timbang nito dahilan para unti-unti siyang dumulas. Nagbalik sa kaniyang alaala ang ganoon ding pangyayari, muntikan niya pang mabitawan si Ion nang binalot siya ng takot dahil hindi niya nailigtas ang buhay ni Jeyd noon. Nakikipaglaban siya sa kaniyang trauma upang mailigtas ang buhay ng kaibigan, gano'ng-gano'n ang senaryo nila ngayon. Sa oras na mabitawan niya si Ion, babagsak ito sa bakal na diretsong tatagos sa kaniyang dibdib, ganoon ang nangyari kay Jeyd.
BINABASA MO ANG
White Rose ✔
ParanormalGhost Hunter's o mas kilalang "Ghounters", ang grupong kinabibilangan ni Ciara Corpuz na binubuo ng labing limang miyembro. Ang babaeng may kakayahang makaramdam ng mga espirito at kaluluwa. Sa hindi inaasahan, nagsimula ang kanilang kalbaryo nang m...