[Night 7 Part 13]
"SURPRISE!" Nakangisi nitong bungad.
"AAAAAAAAAAAAAAAAAAAAHHHHHHHHH!!!" Malakas na sigaw niya dahil sa matinding gulat at takot, hindi niya inaasahang naroon na ito sa kaniyang harapan.
Nanlaki ang mga mata niya nang isaksak sa kaniyang mukha ang hawak nitong patalim. Bahagya siyang natigilan at muntik nang hindi makaiwas dahil sa nasaksihan, nasugatan ang kaniyang kaliwang pisngi. Napadaing siya sa sakit at sinapo ang dumudugong pisngi, muli siyang kumaripas ng takbo papalayo. Hindi agad nakahabol si Myra dahil nahirapan itong tanggalin ang kutsilyo na bumaon sa puno.
"Nagustuhan mo ba ang regalo ko sa iyo, binibini?" Tumatawang wika nito habang mabagal na sumusunod sa dalagang hindi na muling magkamayaw sa pagtakbo.
Nagtuloy-tuloy ang luha ni Skye na tila hindi nauubos dahil sa magkahalong sakit na nararamdaman mula sa kaniyang sugat at sa matinding takot na namamayani sa kaniyang nararamdaman. Mabilis siyang tumatakbo habang sapo ang kaniyang dumurugong pisngi, tinatahak niya ang daan papunta sa kalsada.
"Nariyan na ako at ang iyong regalo, binibini! Bilisan mo pa!" Muling rinig niyang sigaw nito. Mas lalo siyang nataranta.
"Tulong! Tulungan niyo ako!" Malakas ding sigaw niya, umaasang may makaririnig sa kaniya kahit imposible iyon.
"TULONG!"
"Kahit sumigaw ka pa ng malakas, walang makaririnig sa iyo. Inuubos mo lang ang boses mo, binibini. Bakit hindi mo nalang tanggapin ang regalo mo? Kamatayan!" Hindi niya ito pinansin, patuloy pa rin siya sa pagtakbo.
"TULONG!! TULUNGAN NIYO AKO!!! PARANG AWA NIYO NA!!!" Puno ng takot na sigaw niya, umalingawngaw muli ang tawa nito nang marinig ang paghingi niya ng tulong.
"Sige lang, binibini! Napakasarap sa tenga ng iyong pagmamakaawa!" Dahil sa sinabi nito, nagdalawang-isip siya kung muli ba siyang sisigaw para humingi ng tulong.
Patuloy lamang ang kaniyang pagtakbo, napuno na ng dugo ang kaniyang kaliwang kamay. Nahaluan na rin iyon ng kaniyang luha na hindi pa rin matigil sa pag-agos. Nagpapalinga-linga siya sa paligid, nagbabaka-sakaling may muling mataguan at hinihiling na makatagpo ng taong mahihingan niya ng tulong. Nanginginig ang kaniyang mga binti dahilan para mahirapan siya ng bahagya sa pagtakbo.
"AH—!" Daing niya ng makatapak ng bubog, hindi niya namalayang nawala na pala ang isang sapatos niya. Hindi iyon di-sintas, isusuot mo lamang ang paa mo ay ayos na kaya naman madali rin iyong tanggalin.
Dahan-dahan niyang inangat ang kaniyang kanang paa na nakatapak ng bubog para alisin iyon, mas lalong lumakas ang kaniyang paghikbi dahil nadagdagan ang sakit na kaniyang nararamdaman. Habang tumatagal ay unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa.
"Tulong! Tulungan niyo akoooo!!!" Humahagulgol niyang sigaw muli. Naging mabagal na ang kaniyang pagtakbo dahil iika-ika na siya.
Muli siyang napadaing nang matisod sa kaniyang dinadaanan dahilan para mawalan siya ng balanse at madapa. Hindi siya agad nakatayo dahil sa lakas ng kaniyang pagkakabagsak. Naririnig na niya ang mga yapak nito, mas lalong lumakas ang kaniyang hagulgol at tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa.
"Pagod ka na ba, binibini?" Dahan-dahan na itong lumalapit sa kaniya. Pinilit niyang gumapang, narating niya pa ang kalsada ngunit doon din siya naabutan ni Myra.
"P-please... Maawa ka... Maawa ka sa'kin." Pagmamakaawa niya nang tuluyan na itong makalapit sa kaniya. Tiningala niya ito at tiningnan ng may nagmamakaawang tingin, nagtama ang kanilang paningin. Mas lalo siyang nawalan ng pag-asa dahil ganoon pa rin ang itsura ng mukha nito, may nakakakilabot na ngiti at matalim na mga mata.
BINABASA MO ANG
White Rose ✔
ParanormalGhost Hunter's o mas kilalang "Ghounters", ang grupong kinabibilangan ni Ciara Corpuz na binubuo ng labing limang miyembro. Ang babaeng may kakayahang makaramdam ng mga espirito at kaluluwa. Sa hindi inaasahan, nagsimula ang kanilang kalbaryo nang m...