[Night 7 Part 4]
"Hindi ko mahanap si Risha!" Bigong umahon si Ion ngunit agad din siyang napatigil nang ang bumungad sa kanya ay ang humahagulgol na si Marco.
Hindi pa man siya nakalalapit, ramdam niya na rin ang pagbigat ng kanyang dibdib lalo na nang makita ang braso ng taong yakap-yakap nito na nakalaylay na sa lupa. Dahan-dahan niyang nilapitan ang direksyon ng kaibigan, mabilis na rin ang tibok ng kanyang puso habang pabigat nang pabigat ang kanyang paghakbang. Tila piniga ang kanyang puso nang makita ang walang buhay na mukha ni Ciara na yakap nang mahigpit ni Marco. Agad na nabuhay ang galit sa kanyang kalooban dahil hindi man lang naisalba ni Marco ang buhay ng kaibigan. Akma niya itong aambahan ng suntok ngunit muli siyang napatigil nang panoorin niyang inihiga nito ang katawan ni Ciara saka muling binomba. Napaluhod na lamang siya sa lupa nang maramdaman ang panlalambot ng kanyang mga tuhod.
"Sabi ko hindi ako titigil 'di ba? Kaya gumising ka! Hinga, Ciara! Hinga!" Rinig niyang wika ni Marco habang determinadong inaahon ito sa kamatayan.
'Dapat lang na 'wag kang tumigil. G*** ka pag sumuko ka.' Mapit na wika ni Ion sa kanyang isipan habang pinanonood na isalba ni Marco ang kaibigan.
"Hindi ka pa pwedeng mamatay! May sasabihin pa ko sa'yo! May ibibigay pa ako sa'yo! Huminga ka, Ciara. Pakiusap... CIARA!" May halo na ng galit ang kanyang boses, nagbabakasakaling tuluyang magbalik ang hininga ng dalaga.
Agad na nanlaki ang kanyang mga mata at mabilis na napahinto sa pagbomba nang sa wakas ay humugot ito nang malalim na hininga saka umubo-ubo dahilan para lumabas ang tubig na kanyang nainom. Muling nagkabuhay ang kanyang puso at kumabog muli ito nang mabilis dahil sa tuwa. Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi gayundin ang kanyang mga mata na lumuluha dahil sa pasasalamat at saya. Itinagilid niya si Ciara na patuloy lamang sa pag-ubo at paghabol ng kanyang hininga saka hinagod ang likod nito. Umusbong din ang tuwa sa mga puso ng tatlong naiwan sa itaas (Laira, Skye at Blane) nang mapanuod itong magkabuhay muli. Hindi na rin nila napigilang magyakapan at mag-iyakan habang pinapanood ang dalawa sa ibaba. Gayundin din si Ion na nasa kanilang likuran na ngayo'y nakangiting lumuluha na agad din namang nakabawi saka mabilis na pinunasan ang kanyang mga pisngi.
"Marco...?" Mahinang wika ni Ciara nang masilayan niya ang mukha nito at ang mga luhang patuloy lamang na dumadaloy sa kanyang magkabilang pisngi.
"Bakit ka umiiyak?" Nagtatakhang tanong niya pa. Ramdam niya ang pagod at panghihina ng buo niyang katawan ngunit agad na naging kumportable ang kanyang pakiramdam nang makita ang mukha ni Marco nang magmulat siya ng kanyang mga mata at ang mga braso nitong nakayakap sa kaniya.
Lumuluhang natawa si Marco habang hinahaplos ang mukha nito dahil sa tanong niya, hindi na niya napigilan pa ang kanyang sarili saka muling niyakap ito nang mahigpit. Mabilis na nag-unahan muli ang kanyang mga luha sa pagpatak nang maalala ang sitwasyon ng dalaga kanina lang. Ang mga oras na napuno ng takot ang kanyang buong pag-iisip at katawan, takot na tuluyang mawala sa kanya ang nag-iisang taong laman ng kayang puso.
"Tinakot mo 'ko... Kasalanan mo kung bakit ako umiiyak. Salamat, Ciara." Bulong niya habang hindi pa rin ito binibitawan sa kanyang mga bisig. Kunot-noo namang hindi nakasagot si Ciara, nagtatakha kung ano ang ibig nitong sabihin.
"Ano? Kasalanan ko pero nagpapasalamat ka pa?" Naguguluhang tanong niyang muli na tinawanan naman ni Marco. Dahan-dahan niyang pinakawalan ito sa kanyang yakap saka tiningnan ito sa mga mata matapos niyang punasan ang kanyang mga luha. Gusto man niyang sabihin na sa kanya ang mga salitang kanina niya pa nais sambitin ngunit sa hindi malamang dahilan, hindi niya ito mapakawalan. Sa halip, isang ngiti nalang ang naisagot niya kay Ciara.
"Kaya mo bang tumayo?" Tanong niya saka inalalayan itong makatayo kahit hindi pa man ito sumasagot. Wala nang nagawa si Ciara kung hindi hayaan si Marco na alalayan siyang makatayo. Nang tuluyan siyang makatayo, agad na nahagip ng kanyang mga mata ang lawa. Saglit siyang naestatwa nang maalala ang nangyari sa kanila ni Risha kanina lamang. Batid niyang hindi iyon isang panaginip dahil hanggang ngayo'y basang-basa pa rin ang buong katawan niya gayundin si Marco na saka niya lang napansin. Mahigpit siyang napakapit kay Marco saka ito tiningnan sa mga mata, nag-aalala namang tiningan din siya nito. Akma niyang tatanungin dito kung nasaan si Risha nang mahagip nang kanyang paningin si Ion malapit sa lawa.
BINABASA MO ANG
White Rose ✔
ParanormalGhost Hunter's o mas kilalang "Ghounters", ang grupong kinabibilangan ni Ciara Corpuz na binubuo ng labing limang miyembro. Ang babaeng may kakayahang makaramdam ng mga espirito at kaluluwa. Sa hindi inaasahan, nagsimula ang kanilang kalbaryo nang m...