11 - Night 6 Part 2

45 9 0
                                    

[Night 6 Part 2]

Sunod-sunod ang kanyang pag-ubo nang bumagsak siya sa sahig. Napahawak siya sa kanyang leeg nang bahagya siyang makabangon habang nakatukod ang kaliwa niyang kamay sa sahig para hindi siya matumba. Ramdam niya pa rin ang panghihina ng kanyang katawan pero unti-unti nang bumabalik ang kanyang paningin. Natanaw niya na mayroong papalapit sa kanya, itinuon niya roon ang kanyang paningin hanggang sa unti-unting luminaw ang mukha ng lalaking papalapit sa kanya.

"Ciara! Salamat at okay ka." Wika nito nang sapuhin niya ang magkabilang pisngi nito.

Akma siyang sasagot pero hindi niya naituloy ito nang bigla siya nitong hilahin at niyakap nang mahigpit. Saglit siyang natulala pero agad din silang natauhan nang marinig na nilang magsigawan ang mga kaibigan. Nanlaki ang kanyang mga mata dahil gaya ng nangyari sa kanya kanina, hawak na rin ng babaeng itim ang leeg ni Noel. Nakalutang na rin ang dalawa sa ere, lahat nang magtatangkang tumulong dito, isang kumpas lang ng kamay o tingin ay tumatalsik na ang mga ito. Ngayon niya lang napansin na ang mga iba't ibang gamit ay nagliliparan na rin sa buong silid.

"Si Noel..." Nag-aalalang wika niya.

Napalingon na rin si Marco sa isa pang kaibigan pero agad ding ibinalik ang tingin kay Ciara. Hindi na niya alam ang gagawin, hindi na niya alam kung sino ang uunahing tulungan.

'Sht! Anong gagawin ko?!' Balisang wika ni Marco sa kanyang isipan.

"Tulungan mo si Noel... Hindi siya pwedeng mamatay... Wala ng mamamatay..." Nanghihinang bulong ni Ciara sa kanya.

"Paano ka?!" Nag-aalalang tanong niya.

Nagtatalo pa rin ang kanyang isip, hindi niya pwedeng iwanan si Ciara dahil natatakot siya na baka lapitan muli siya ng masamang kaluluwa gaya kanina at ang mas ikinatatakot niya ay ang tuluyang mawala ito. Pero hindi niya rin pwedeng balewalain nalang si Noel, alam niyang nanganganib na ang buhay nito at kailangan nila itong iligtas.

"Si Noel ang susunod. Hindi pa ako, siguro nilapitan niya lang ako para mawala ang atensyon niyo kay Noel. Tulungan mo siya. Ayos lang ako." Paliwanag ni Ciara.

Napapikit na lamang siya nang mariin sa halo-halong emosyong nararamdaman. Bahagya siyang napatango saka tuluyang tumayo. Muli siyang napalingon sa gawi ni Ciara at nasilayan niya ang ngiti nito at ang salitang 'Salamat'. Ngumiti rin siya bilang sagot pero ang totoo'y hindi niya alam kung papaano maililigtas si Noel sa kapahamakan.

Sa hindi malamang gagawin, nadampot niya ang isang lampara para ihagis sa babaeng itim at makuha ang atensyon nito. Hindi naman siya nabigo dahil nang maibato niya ito sa direksyon nila ay nailipat sa kanya ang atensyon ng babaeng itim.

"Bitawan mo si Noel! Paalisin mo na kami, hindi na kami manggugulo. Hindi na kami babalik." Pakiusap niya.

Naagaw niya ang atensyon ng lahat at sandaling kumalma ang paligid pero hindi ang tibok ng kanilang mga puso. Nakakakilabot na napangisi ito sa kanya pero hindi pa rin binibitawan ang leeg ni Noel na sandali na lang ay tuluyan nang malalagutan ng hininga.

"Hindi na kayo makakalis. Ang lahat ng pumapasok dito, hindi na kailanman makakalabas. Ng buhay." Tugon nito saka tumawa na parang mangkukulam ngunit sa mas nakakikilabot na paraan. Ang boses nito'y malalim pero mahihimigan pa rin ang boses ng isang babae rito.

"Noel!" Sigaw nila nang bitawan ito ng babaeng itim na wala ng buhay, kasabay niyon ay bigla itong naglaho.

Dali-dali nilang tinakbo ang kinarorooonan ni Noel at niyakap ito. Hindi pa man nagtatagal naagaw ng kanilang atensyon ang isa pang malakas at nakakikilabot na tawa.

"Ciara!!!"

Pinanood nila kung paano tumawa si Ciara ngunit nag-iba ang boses nito. Nakalutang ito sa ere habang nanlilisik ang mga mata.

White Rose ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon